Magdaos ng mga Pag-aaral sa Bibliya sa Aklat na Mabuhay Magpakailanman
1 Hinggil sa aklat na Mabuhay Magpakailanman, isang babae ang nagpahayag: “Pangalawa sa Bibliya, nasumpungan kong ang aklat na ito ay ang pinakawasto at nakapagpapasiglang literatura na kailanma’y nabasa ko!” Tayong lahat ay sumasang-ayon na ang aklat na ito ay isa sa pinakamainam na kailanma’y nailathala upang tulungan ang mga tao na maunawaan ang Bibliya at mapakilos sila na maging mga aktibong tagapuri kay Jehova.
2 Noong 1982, nang inilabas ang aklat na Mabuhay Magpakailanman, 60,098 mga mamamahayag ang nagdaraos ng 26,056 na mga pag-aaral sa Bibliya dito sa Pilipinas. Noong Nobyembre, 1992, 111,665 mga mamamahayag ang nagdaos ng 95,357 mga pag-aaral sa Bibliya. Hanggang sa panahong ito, 62 milyong kopya ng aklat na ito ang nailathala sa 115 mga wika. Anong laking epekto ng aklat na ito sa ating pambuong daigdig na gawain!
3 Magtakda ng mga Tunguhin: Ang namumukod-tanging pagsulong na ito ay dahilan sa pagpapala ni Jehova at pagnanais ng kaniyang bayan na matulungan ang mga tao sa pamamagitan ng nagliligtas-buhay na pabalita ng Bibliya. (Roma 10:13-15; 1 Tim. 2:4) Kinikilala natin ang pagkaapurahan ng panahon at ang pangangailangan na maging masigasig sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos.
4 Habang pasulong ang organisasyon, papaano naman tayo bilang mga indibiduwal? Determinado ba tayong magkaroon ng lubusang bahagi sa paggawa ng mga alagad? Upang maisakatuparan ito, dapat tayong maglagay ng personal na mga tunguhin. Maaari ba tayong maging higit na masigasig sa pagsubaybay sa interes? Bakit hindi magtakda ng isang tunguhin na makapagsimula ng isang bagong pag-aaral sa Bibliya sa buwan ng Abril?
5 Sino ang Maaaring Magdaos ng Isang Pag-aaral sa Bibliya?: Maraming mga mamamahayag na may iba’t ibang pinagmulan ang nagkaroon ng kagalakan sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa aklat na Mabuhay Magpakailanman. Dahilan sa pagiging simple nito, maging ang mga baguhang mamamahayag ay maaaring makabahagi sa gawaing ito. Bukod dito, napag-aralan na ito nang personal ng marami sa atin, kaya pamilyar na tayo sa nilalaman nito. Isang mamamahayag na walang pag-aaral sa Bibliya bago gamitin ang aklat na Mabuhay Magpakailanman ang sumulat: “Mayroon akong tatlong pag-aaral at ang ikaapat ay handa nang magpasimula. Hindi sapat ang aking pasasalamat dahilan sa ginawa ninyong mas madali ang pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya.”
6 Ang mga kabataan din ay nagdaraos ng mga pag-aaral sa aklat na Mabuhay Magpakailanman. Isang kabataang kapatid na lalake ang nag-iiwan ng aklat sa kaniyang mesa sa paaralan. Ito ang nagbukas ng daan para sa ilang mga pag-aaral sa Bibliya. Sinisikap ng ilang kabataan na hilingin sa mga magulang na kanilang nasusumpungan sa ministeryo sa bahay-bahay na pahintulutan silang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa kanilang mga anak. Ang ating mga anak ay hindi masasabing napakabata pa upang magsalita hinggil sa pangako ni Jehova na buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa.
7 Maging bata o matanda, ang isa sa pinakamalaking kagalakan na maaaring matamo ng sinuman sa ministeryo ay ang pagdaraos ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Kaya manalangin nawa ang bawat isa sa atin ukol sa tulong ni Jehova at samantalahin ang bawat pagkakataong ipahayag nang hayagan ang ating pag-asa. Gamitin ang aklat na Mabuhay Magpakailanman upang tulungan ang iba na matuto kung papaano sila magkakaroon ng bahagi sa pagpuri sa ating Diyos na si Jehova.—Awit 148:12, 13.