Tanong
◼ Wasto bang kopyahin ang mga publikasyon ng Samahan upang ipamahagi sa iba?
Sa nakaraang mga taon, ang Samahan ay naglathala ng napakaraming publikasyon na tumatalakay sa halos lahat ng salik ng kaalaman sa Bibliya. Ang mga indibiduwal na natuto ng katotohanan sa nakaraan lamang mga taon ay maaaring makadama na hindi sila nakinabang sa mga materyal na inilathala noong una na hindi na ngayon makukuha sa Samahan. Malaking pagsisikap ang ginawa ng ilan upang makakuha ng matatandang publikasyon, at kinopya naman ng iba ang mga publikasyon ng Samahan upang madaling magamit iyon sa ibat ibang paraan. Lakip na rito ang aktuwal na pag-iimprenta ng mga publikasyon at pagkopya nito sa pamamagitan ng komputer. Sa ilang mga kaso, ang mga ito ay ginagawa ukol sa materyal na pakinabang.
Nababatid ng tapat na “alipin” ang ating espirituwal na pangangailangan at gumagawa ng mga paglalaan sa “tamang panahon.” (Mat. 24:45) Kung may pangangailangan para muling magpalabas ng nailathalang materyal noong una, gumagawa ng kaayusan ang Samahan para dito. Halimbawa, ang mga tomo ng The Watchtower mula 1960 hanggang 1985 ay muling inilathala upang makuha ito. Gayunpaman, kapag ang mga indibiduwal ang gumawa ng sariling pagkopya at pamamahagi ng gayong materyal, nagkakaroon ng di nararapat na mga suliranin.
Malulubhang suliranin ang nalilikha kapag ang materyal na ito ay kinopya at ipinamahagi ukol sa pinansiyal na kapakinabangan. Ang “Tanong” sa Agosto 1977 ng Ating Paglilingkod sa Kaharian ay nagsasabi: “Kayat mabuting huwag samantalahin ang teokratikong asosasyon kahit sa pamamagitan ng pagpapasimula o pag-aanunsiyo ng alinmang produkto o serbisyo ukol sa negosyo sa Kingdom Hall, sa mga pag-aaral sa aklat ng kongregasyon at sa mga asamblea ng bayan ni Jehova. Tutulong ito sa atin upang mabigyan ng lubos na pansin ang espirituwal na kapakanan at mailagay ang negosyo sa angkop na dako.” Kaya, mahalaga na iwasan natin na laging mag-isip ng pakinabang sa pangungumersiyo may kaugnayan sa Salita ng Diyos o sa mga bagay na kaugnay nito.