Maaari Ba Ninyong Pasulungin ang Inyong Papuri kay Jehova sa Abril?
1 Si David ay may taus-pusong pagnanais na purihin si Jehova, anupat sinabi niya: “Ako’y magpapasalamat nang marami kay Jehova ng aking bibig, at sa gitna ng karamihan ay aking pupurihin siya.” (Awit 109:30) Ang Abril ay isang mainam na panahon upang ‘purihin siya ng higit at higit’ sa pamamagitan ng pagpapasulong ng ating bahagi sa ministeryo. (Awit 71:14) Kayo ba ay nagpaplano na gawin ito sa pamamagitan ng pagsali sa ranggo ng mga auxiliary payunir?
2 Magplano na Ngayon: “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na may bentaha,” ang sabi ng Kawikaan 21:5. Ito’y nangangahulugan ng pananalangin kay Jehova ukol dito at pag-una sa kaniya sa inyong mga plano. (Kaw. 3:5, 6) Pagkatapos ay suriin ang inyong eskedyul upang makita kung anong mga pagbabago ang maaaring gawin upang makagugol ng dalawang oras bawat araw sa ministeryo. Kapag “binibili” ang panahon mula sa iba pang gawain ito’y nagpapangyaring makapaglaan kayo ng higit na panahon sa gawaing pangangaral.—Efe. 5:16.
3 Makipagtalastasan at Makipagtulungan: Binanggit ng apostol Pablo ang ilan na naging “tulong na nagpapalakas” sa kaniya sa pagsasakatuparan ng kaniyang ministeryo. (Col. 4:11) Ipakipag-usap ang inyong mga plano sa iba na nagnanais ding magpatala sa Abril. Ang kanilang alalay at pakikipagsamahan ay maaaring magdulot ng mga espirituwal na kapakinabangan. Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay makatutulong kung mayroon kayong mga tanong hinggil sa mga kaayusan sa paglilingkod.
4 Ang pagtutulungan sa loob ng pamilya ay makatutulong sa ilang miyembro na makapag-auxiliary payunir. Ang eskedyul sa mga gawaing bahay ay maaaring pansamantalang baguhin. Ang pag-uusap ng pamilya sa mga pangangailangang ito ay makatutulong sa pagsasakatuparan ng inyong tunguhin. Ang mabuting komunikasyon at pagtutulungan ang susi ng tagumpay.
5 Panatilihin ang Isang Positibong Pangmalas: Huwag magmadali sa pagsasabing hindi kayo makapag-aauxiliary payunir dahilan sa hindi kaayaayang mga kalagayan. Ang mga kabataang nasa paaralan, mga taong retirado, ina na may mga anak, mga ulo ng pamilyang nagtatrabaho nang buong panahon, ay pawang mga nakapag-auxiliary payunir noong Abril. Sila’y sumasang-ayon sa salmista na “ang pagpuri ay maganda sa ganang matuwid,” at sila’y may pagkukusang nagsagawa ng karagdagang pagsisikap upang gumugol ng 60 oras sa ministeryo. (Awit 33:1) Kung hindi kayo makapagpapatala, bakit hindi makibahagi sa kagalakan sa pamamagitan ng pagpapasulong ng iyong gawain bilang isang mamamahayag?
6 Para sa marami, ang pag-aauxiliary payunir sa Abril ay isang tuntungang-bato tungo sa paglilingkuran bilang regular payunir. Sa pagpapasulong ng kanilang gawain, nasumpungan nilang mas madaling magpatala bilang mga regular payunir.
7 Ang Abril ay isang kaayaayang panahon para sa karagdagang gawaing teokratiko, dahilan sa mabuting panahon at bakasyon sa paaralan. Kadalasan tayo ay nakagagawa ng higit na pagpapatotoo sa madaling araw at sa gabi. Oo, ang pag-aauxiliary payunir sa Abril ay isang mainam na paraan upang mapasulong ang papuri kay Jehova.