Makinabang Mula sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa 1996—Bahagi 1
1 Nabasa na ba ninyo ang mga tagubiling inilaan sa “Theocratic Ministry School Schedule for 1996”? Napansin ba ninyo ang ilang mga pagbabago? Mula sa Enero hanggang Abril, ang Atas Blg. 3 ay salig sa aklat na Nangangatuwiran, at mula sa Mayo hanggang Disyembre, ito ay magiging salig sa bagong inilabas na aklat na Kaalaman. Ang Atas Blg. 4 ay magiging isang pahayag hinggil sa iba’t ibang tauhan ng Bibliya bawat linggo.
2 Mga Atas ng Estudyante: Ang Atas Blg. 3 ay ibibigay ng isang kapatid na babae. Kapag ito’y salig sa aklat na Nangangatuwiran, dapat na ang tagpo ay nagsasangkot sa pagbabahay-bahay o impormal na pagpapatotoo. Kapag ito’y salig sa aklat na Kaalaman, ito’y dapat na iharap bilang isang pagdalaw-muli o isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ito’y walang pagsalang makatutulong na mabuti, yamang ang aklat na Kaalaman ay gagamitin nang malawakan sa pagdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya.
3 Kung ang tagpo ay isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, ang dalawang kapatid na babae ay maaaring maupo. Tumungo agad sa pag-aaral sa pamamagitan ng maikling pambungad na mga komento, at pagkatapos ay sa pagtatanong ng nakalimbag na katanungan. Ang papel ng maybahay ay dapat na gampanan sa makatotohanang paraan. Ang binanggit na mga kasulatan ay maaaring hanapin at basahin habang ipinahihintulot ng panahon. Ang kapatid na babae ay dapat gumamit ng sining ng pagtuturo na hinihikayat ang maybahay sa pamamagitan ng mga katanungan at sa pamamagitan ng pangangatuwiran sa mga ginamit na kasulatan.
4 Ano ang dapat gawin kung marami pang kasulatan ang binanggit sa atas kaysa maaaring talakayin sa limang minuto? Piliin ang mga susing teksto na nagtatampok sa pangunahing mga punto. Kung may iilan lamang kasulatan, ang prinsipal na mga punto sa leksiyon ay maaaring talakayin pa nang higit. Sa pana-panahon, ang isang parapo o isang pangungusap mula sa aklat ay maaaring basahin at pagkatapos ay talakayin sa maybahay.
5 Ang kahon na pinamagatang “Subukin ang Iyong Kaalaman,” na masusumpungan sa katapusan ng bawat kabanata ng aklat na Kaalaman, ay maaaring repasuhin sa maikli ng mamamahayag na ang atas ay sumasaklaw sa huling parapo ng kabanata. Ang mga kahon ng karagdagang impormasyon na nasa atas na mga parapo ay maaari ring talakayin habang ipinahihintulot ng panahon. Kung ang isang kahon ng karagdagang impormasyon ay nasa pagitan ng dalawang atas, ang kapatid na may unang atas ang maaaring kumuha niyaon. Ang mga ilustrasyon sa aklat ay maaaring komentuhan kapag ang mga ito ay kumakapit sa materyal na isinasaalang-alang.
6 Ang Atas Blg. 4 ay tiyak na magiging lubusang kapanapanabik at praktikal. Bawat linggo ito ay tatalakay sa tunay-na-buhay na halimbawa—isang tauhan ng Bibliya. Maingat na pag-aralan kung ano ang sinasabi ng Insight, Tomo 1, hinggil sa iniatas na tauhan ng Bibliya. Buuin ang pahayag sa palibot ng tema, at piliin ang mga susing teksto na makatutulong sa tagapakinig na pagtuunan ang tauhan sa Bibliya at ang kaniyang personalidad, lakip na ang mga katangian, mga kaugalian, o mga hilig na nanaisin nating tularan o itakwil. Ang mga kasulatang hindi tuwirang tumutukoy sa tauhan ng Bibliya ay maaaring isama kung itinatampok ng mga ito kung papaano minamalas ni Jehova ang ilang mabubuti o masasamang kaugalian o kung ang mga ito ay kaugnay sa tema ng pahayag.
7 Kung ating lubos na sasamantalahin ang pagsasanay na inilalaan sa paaralan, mapabubuti pa natin nang higit ang ‘pangangaral ng salita’ sa paraang magpapakita ng mainam na “sining ng pagtuturo.”—2 Tim. 4:2.