Tanong
◼ Wasto bang mag-abuloy para sa transportasyon na inilalaan sa atin ng iba?
Ang ilan sa atin ay kailangang umasa sa tulong ng iba upang regular na makadalo sa mga pulong at makabahagi sa paglilingkod sa larangan. Maraming kapatid na lalaki at babae ang maibiging gumagamit ng kanilang panahon, sasakyan, at iba pang tinatangkilik upang paglaanan tayo ng transportasyon. Bagaman sila’y kailangang maghanda nang mas maaga kaysa karaniwan at sila’y naaatraso sa pag-uwi sa tahanan, sila’y naglalaan ng transportasyon taglay ang espiritu ng pagkukusa.
Gaya ng iba pang aspekto ng ating ministeryong Kristiyano, ang simulaing masusumpungan sa Galacia 6:5 ay kumakapit: “Sapagkat ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.” Kung gayon, kung ang sinuman ay regular na naglalaan ng transportasyon para sa atin, dapat nating ipakita ang ating pagpapahalaga hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga salita kundi sa pamamagitan din ng makatuwirang pag-aabuloy upang tumulong sa gastusin kung magagawa natin.—Mat. 7:12; 1 Cor. 10:24.
Kahit na ang tao na gumagamit ng kaniyang sariling sasakyan ay hindi humihingi ng pinansiyal na tulong at waring hindi nangangailangan nito, ang taimtim na pag-aalok ng kontribusyon ay laging pinahahalagahan. Ang nagmamaneho ay maaaring ayaw tumanggap ng anuman; at sabihin pa, nasa kaniya ang kapasiyahan nito. Subalit wasto na kayo ay mag-alok. Kung hindi kayo nakapag-abuloy ng anuman sa pagkakataong iyon, maaaring ingatan ninyo iyon sa kaisipan; maaari ninyong dagdagan iyon sa susunod na pagkakataong kayo’y sumakay.—Luc. 6:38.
Napakamaibigin para sa mga may sasakyan na maglaan ng transportasyon alang-alang sa iba na wala nito. (Kaw. 3:27) Sa kabilang panig, maibigin din para sa mga nakikinabang sa gayong kabaitan na magpahayag ng pasasalamat sa pamamagitan ng pag-aabuloy alinsunod sa kanilang kalagayan.—Col. 3:15.