“Tulong sa Tamang Panahon”
1 Kay ginhawa na tanggapin ang tulong sa panahong kailangang-kailangan natin ito! (Heb. 4:16) Sa “Mga Mensahero ng Maka-Diyos na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon, ikinagalak natin na tayo ay nabigyan ng dalawang pantanging probisyon bilang tulong sa tamang panahon.
2 Ang bagong aklat, Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, ay lumabas sa isang angkop na panahon. Ito ay nagtutuon sa apat na pangunahing bagay na nagpapaunlad sa isang maligayang buhay pampamilya: (1) Pagpipigil-sa-sarili, (2) pagkilala sa pagkapangulo, (3) mabuting pag-uusap, at (4) pag-ibig. Ang payo na iniharap sa aklat na Kaligayahan sa Pamilya ay tutulong sa lahat ng pamilya na nagkakapit nito upang masumpungan ang maka-Diyos na kapayapaan. Magtakda ng panahon upang basahing maingat ang bagong aklat at pag-aralan ito na magkakasama bilang isang pamilya. Alaming mabuti ang mga katangian nito upang maging handa kayo sa mabisang paggamit nito kapag ito’y inialok sa madla sa unang pagkakataon sa Marso.
3 Ang bagong brosyur, Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?, ay lumitaw sa tamang panahon upang mapabilis ang ating paggawa ng alagad. Bagaman ito ay pantanging magagamit upang tulungan ang mga tao na may limitadong kakayahang bumasa, maraming edukadong matatanda at mga kabataan ang makikinabang din mula sa simpleng pagpapaliwanag nito sa saligang mga turo ng Bibliya. Ito ang maaaring talagang kailangan natin upang mapasimulan ang isang pag-aaral bilang isang tuntungang-bato tungo sa aklat na Kaalaman. Ang paglalaang ito ay tiyak na tutulong sa mas marami pa na mapahalagahan kung paano sila saganang pagpapalain sa paggawa ng mga kahilingan ng Diyos.
4 Ano ang madarama natin sa maibiging ‘tulong ni Jehova sa tamang panahon’? Ipinahayag ni David ang talagang damdamin natin nang sabihin niya na ‘hindi siya nagkulang ng anuman, ang kaniyang kaluluwa ay naginhawahan, at ang kaniyang saro ay inaapawan!’ (Awit 23:1, 3, 5) Tayo’y may kagalakang tumitingin sa hinaharap upang maihatid ang kamangha-manghang espirituwal na tulong na ito sa mas marami pa na taimtim na nagnanais na makilala at paglingkuran ang tunay na Diyos, si Jehova.