Mga Tin-edyer—Paano Ninyo Maitataguyod ang Kapayapaan sa Pamilya?
“AKO’Y sumusulat upang humingi ng inyong tulong,” simula ng isang liham buhat sa isang batang babae. “Wari bang ako’y laging nakikipag-away sa aking mga magulang. Nakadarama akong ako’y nag-iisa at madalas akong nanlulumo. Kung walang mangyari kaagad, wawakasan ko ang aking buhay. . . . P.S. Huwag ninyong imungkahi na makipag-usap ako sa aking mga magulang. Walang nakikinig sa akin.”
Bagaman maaaring hindi kayo kasindesperada ng batang babae na ito, nararanasan ng maraming tin-edyer ang katulad na mga di-pagkakaunawaan sa kanilang tahanan. Ang mga pang-araw-araw na gawain sa bahay, mga curfew, pananamit at pag-aayos, ang iyong pag-aaral, pakikipag-date, at ang saloobin ng isa sa ibang membro ng pamilya—lahat ng ito ay karaniwang mga sanhi ng pag-aaway.
Gayumpaman, nasumpungan ng maraming kabataan na ang payo ng Bibliya, kapag ikinakapit, ay talagang nagtataguyod ng kapayapaan. At maliwanag, may mga tunay na pakinabang sa pakikipagpayapaan sa iyong mga magulang. (Tingnan ang kahon sa kabilang pahina.) Gayunman, anong payo sa Bibliya ang tutulong upang magawa mo iyan?
‘Igalang at Sundin’
“Sundin mo ang iyong mga magulang. . . . Igalang (itangi at pahalagahan) ang iyong ama at ina . . . upang yumaon kang mabuti at ikaw ay mabuhay na malaon sa lupa,” utos ng Bibliya sa Efeso 6:1-3. (The Amplified Bible) Hindi mo ba igagalang ang iyong mga magulang, na nagbigay sa iyo ng buhay, nagkandili sa iyo bilang isang sanggol, at nagsakripisyo upang bigyan ka ng tirahan, pananamit, pagkain, at pangangalaga sa kalusugan? Ang pagsunod ay nangangahulugan na gagawin mo kung ano ang hinihiling ng mga magulang na may takot sa Diyos—kahit na ito ay mahirap. Iyan ay madaling sabihin subalit mahirap gawin! Gayunman, ang pagsunod sa payo ng iyong mga magulang, na may higit na karanasan sa pamumuhay, ay maaaring gumawa sa iyo na mas matalino at ingatan ka mula sa masakit na mga sama ng loob.
Totoo, maaaring mangahulugan ito ng paggawa o pagtanggap ng ilang mga bagay na inaakala mong hindi kaaya-aya. Subalit ito ay isang mahalagang pagsasanay upang makayanan ang mga panggigipit sa daigdig ng mga may sapat na gulang. Nasumpungan ni Dr. Paul Gabriel, isang saykayatris ng mga bata, na ang “nakapagtitiis na mga bata” ay yaong mga bata na “nakakayanan ang kabiguan.” Natututuhan nilang pangasiwaan ang mga kabiguan nang hindi nasisiraan ng loob at natututuhan nilang tanggapin ang di-maiiwasang bagay. Ipinakikita rin ng Bibliya na ang pagtitiis o pagbabata ng kahirapan ay maaaring gumawa ng pagkatao. Ang Panaghoy 3:27 ay nagsasabi: “Mabuti nga sa isang matipunong tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.”
Subalit ano kung inaakala mo na nakaligtaan ng iyong mga magulang ang iyong opinyon? Ang Bibliya ay nagmumungkahi: (1) Mahinahong makipag-usap sa halip na makipagtaltalan. (Kawikaan 29:11) (2) Gamitin ang mga salitang “magiliw.” Humingi ng konsiderasyon at tulong, sa halip na hingin itong sapilitan. (Kawikaan 16:21) (3) Maging makatuwiran. Magbigay ng matibay na mga dahilan sa iyong opinyon sa halip na walang kaugnayang sabihin, na, “Ginagawa naman ito ng lahat.”—Tingnan ang Filipos 4:5.
Magsalita ‘Mula sa Iyong Puso’
Nang si Gregory ay isang tin-edyer, inaakala niya na kaunting emosyonal na pagtangkilik ang nakukuha niya sa kaniyang ina. Ang mga pagbabawal ng kaniyang ina ay tila hindi makatuwiran. Madalas siyang paratangan ng kaniyang ina ng paggawa ng mali nang walang tunay na batayan. Ang sama ng loob ni Gregory ay umakay sa araw-araw na di-pagkakaunawaan. Hinimok siya ng isang ministro na nilapitan niya sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova upang hingan ng tulong na makipag-usap sa kaniyang ina ‘mula sa kaniyang puso.’—Job 33:3, The Holy Bible in the Language of Today, ni William Beck.
“Gumawa akong masikap upang ipaalam sa kaniya kung ano ang talagang nadarama ko. Kailangan ko ang kaniyang pang-unawa at emosyonal na pagtangkilik,” sabi ni Gregory. “Tinulungan ko siyang makita na wala akong ginagawang mali at kung gaano ako nasasaktan dahilan sa hindi niya ako pinagkakatiwalaan. Bueno, naunawaan niya ang aking mga damdamin, at ang aming kaugnayan ay bumuti. Isa pa, sinunod ko siya at iniwasan ko ang pagbibigay sa kaniya ng anumang dahilan upang paghinalaan ako.” Kapag ang emosyonal na mga pangangailangan ng isang kabataan ay hindi natutugunan, kadalasan nang sumisidhi ang hinanakit. Subalit maaaring pasulungin ng puso sa pusong pakikipagtalastasan sa mga magulang ang kapaligiran sa tahanan.
Ang bumuting kalagayan sa tahanan ni Gregory ay lalo pang mapahahalagahan kung isasaalang-alang mo na siya ay bahagi ng isang dumaraming uri ng sambahayan na may pambihirang mga suliranin, ang nagsosolong-magulang na pamilya.
Ang Nagsosolong-Magulang na Pamilya
Sa kasalukuyan, isa sa bawat limang bata sa Estados Unidos ay namumuhay na may isa lamang magulang, at may kahawig na mga kalagayan sa ibang mga lupain. Sinabi ng isang nagsosolong ina sa Peru ang tungkol sa napakabigat na pasan na kaniyang dinadala, gaya ng pagtatrabaho ng mahabang mga oras at pagkatapos ay ang pag-aasikaso ng mga gawain sa bahay. Gayunman sabi niya: “Ang gumagawa sa buhay na mas mahirap ay kapag hindi iginagalang ng mga bata ang aking utos.”
Kung ikaw ay isang anak sa gayong pamilya, magpakita ng pakikiramay sa pamamagitan ng paglinang ng tinatawag ng Bibliya na “pakikiramay.” (1 Pedro 3:8) Maging masunurin. Patunayan mo na ikaw ay isang tunay na anak na lalaki o babae hindi lamang sa pagtulong sa mga gawain sa bahay kundi gayundin sa pagtangkilik sa iyong mga magulang sa emosyonal na paraan. Magalak ka na may nagmamalasakit sa iyo at disididong palakihin ka nang wasto. Ang matagumpay na pagharap sa karagdagang mga hamon sa isang nagsosolong-magulang na pamilya ay gagawa sa iyo na isang mas mabuting tao.a
Totoo, walang sakdal na tahanan. Gayumpaman, ituon ang iyong isip sa positibong mga bagay sa inyong tahanan taglay ang mapagpahalagang mata at pagkatapos ay itaguyod ang kapayapaan.
[Talababa]
a Tingnan ang “Just You and Me, Mom” sa labas ng Awake! noong Pebrero 22, 1981.
[Kahon sa pahina 7]
Halaga ng Mabuting Kaugnayan ng Magulang at Tin-edyer
“Umiiral ang palagay ng karamihan sa gitna ng [humigit-kumulang 200] na mga pag-aaral na nirepaso na ang akademikong tagumpay, pangunguna, at mapanlikhang pag-iisip ng mga bata ay nauugnay sa magiliw, tinatanggap, maunawaing . . . magulang-anak na mga kaugnayan.”—James Walters at Nick Stinnet sa Journal of Marriage and the Family.
“Kapag ang isang nagbibinata o nagdadalaga ay naging sugapa sa droga o alkohol, ang kaniyang partikular na bahagi sa loob ng pamilya ay maaaring mapanganib sa kaniyang pagkasugapa at sa kaniyang paggamot.“—“Drug Abuse: A Family Affair,” ni M. Hager sa The Journal.
“Sang-ayon sa isang pag-aaral, mentras mas nasisiyahan ang nagbibinata o nagdadalaga sa pakikipagtalastasan at tulong na tinatanggap mula sa kanilang mga magulang, mas mataas ang kanilang pagpapahalaga-sa-sarili.”—E. Atwater sa Adolescence.