Ang Halaga ng Pag-unlad
“SA PAGKARAMI-RAMING sandatang nagawa na ng tao, ang sangkatauhan ay nanganganib na masilo sa daigdig na ito na musmos pa sa moral. Nahigitan na ng kaalaman natin tungkol sa siyensiya ang ating kakayahan na sugpuin ito. Marami tayong mga lalaki ng siyensiya, napakakaunting mga lalaki ng Diyos,” sabi ni Heneral Omar N. Bradley noong 1948. Sabi pa niya: “Ang tao ay may kabulagang susuray-suray sa espirituwal na kadiliman samantalang pinaglalaruan ang di-tiyak na mga lihim ng buhay at kamatayan. Natamo ng daigdig na ito ang katalinuhan nang walang karunungan, ang kapangyarihan nang walang budhi.”
Ngayon, pagkaraan ng halos 40 taon, ang kaniyang mga salita ay lalong makahulugan. Isip-isipin ito: Kung ang pag-unlad sa ika-20 siglo ay susukatin sa ginagastos na dolyar sa mga sandata o armas, ang 1986 ay walang katulad na taon. Tinatayang $900 bilyon ang ginastos ng mga bansa sa buong daigdig sa mga sandatang militar. Iyan ay katumbas ng “pinakamataas sa kasaysayan na $1.7 milyon isang minuto . . . at kumakatawan sa halos 6 na porsiyento ng kabuuang pambansang produkto ng daigdig,” ulat ng The Washington Post sa isang sariling pag-aaral na tinipon ni Ruth Leger Sivard. Binanggit ng Worldwatch Institute na ang ginagastos sa armas ay naglagay sa “mga baril na una sa tinapay sa daigdig ng komersiyo” at isinusog pa na nahigitan pa ng tinatayang 500,000 mga siyentipiko sa buong daigdig na nakatalaga sa pananaliksik sa mga sandata “ang pinagsamang gastos sa paggawa ng bagong mga teknolohiya sa enerhiya, pagpapaunlad sa kalusugan ng tao, pagpaparami ng produksiyon sa agrikultura at pagsugpô sa polusyon.” Kapuna-puna, ang gastos militar ng mga superpower ay nakagawa ng sapat na mga sandata upang patayin ang kanilang mga populasyon ng marahil ay sampung ulit.
Maliwanag, hindi naalis ng pagtatalaksan ng mga armas ang maraming problema na sumasalot sa sangkatauhan, ni nailapit man nito ang tao sa kapayapaan. Sa halip, gaya ng paliwanag ni Heneral Bradley noon: “Higit ang nalalaman natin tungkol sa digmaan kaysa ang nalalaman natin tungkol sa kapayapaan, higit tungkol sa pagpatay kaysa nalalaman natin tungkol sa pamumuhay. Ito ang sabi ng ating ika-20 siglo sa karangalan at sa pag-unlad.”