Ang mga Lutheranong Aleman Ba ay Nanganganib Malipol?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pederal na Republika ng Alemanya
ANG ilan sa mga manonood ay baka nabigla na marinig ang sumusunod na mga pananalita sa telebisyong Aleman: “Ang Iglesya Lutherano ay walang kinabukasan.” Lalo pang nakagigitla ang bagay na ang mga ito ay nagmula malapit sa mismong rehiyon kung saan nagmula si Martin Luther, ang pundador ng iglesyang iyan at ama ng Repormasyon.a
Totoo, ang United Evangelical Lutheran Church ng Alemanya ay mayroong halos 25 milyong membro, yaon ay, ayon sa huling opisyal na sensus, mga 45 ulit na kasindami ng mga kabilang sa lahat ng iba pang mga grupong Protestante sa Alemanya na pinagsama-sama. Gayunman, ang simbahan ay nasa kagibaan, na angkop na inilalarawan sa aming pabalat ng mga guho ng binombang Kaiser Wilhelm Memorial Church sa West Berlin.
Noong 1961, mahigit na 50 porsiyento ng lahat ng Aleman ay mga Lutherano. Noong 1970, ang bilang ay 49 porsiyento, noong 1980, ay 46 na porsiyento. Pagkatapos ang mga bagay-bagay ay waring bumubuti. Iniulat ng isang pahayagang Aleman sa may pasimula ng 1981: “Ang Iglesya Lutherano sa Alemanya ay nakabawi mula sa paghina nito mga sampung taon na ang nakalipas . . . Ang pag-alis sa pagiging membro ng Iglesya . . . ay lubhang umunti.”
Subalit ang mga bilang ng mga membro noong 1984 ay nagpapakita na ang optimismong ito ay wala sa panahon. Tinataya ngayon na ang simbahan ay mawawalan ng 4,500,000 pang mga membro sa loob ng sampung taon. Kaya, sa taong 2030, sangkatlo na lamang o wala pa ng mamamayan ang mga Lutherano.
Bakit Sila Umaalis?
Sa nabanggit na programa sa telebisyon noong 1986, pitong dating mga membro ng simbahan ang nagbigay ng kanilang mga dahilan sa pagiging hindi nasisiyahan: ang pagsalansang ng simbahan sa sports kung Linggo, ang pinansiyal na pagsuporta nito sa mga kilusan ng gerilyang komunista, ang katayuan nito tungkol sa mga patakaran sa depensa ng pamahalaan, ang pagpapaalis nito sa dalawang homoseksuwal na pastor, at ang pagpapabaya nito sa pangangalaga sa mga hayop. Ikinagalit pa ng iba ang kaayusan kung saan ang mga buwis sa simbahan ay ibinabawas mula sa mga kita o sahod ng mga membro. Kapuna-puna, dalawa lamang ang bumanggit tungkol sa Diyos. Gayunman, hindi ba’t iyan ang kahulugan ng relihiyon?
Bagaman maselan, lalo pang nakababahala kaysa sa pagbaba ng bilang, sabi ni Johannes Hansen, isang kilalang teologong Lutherano, ay “ang totoong malungkot na katayuang relihiyoso ng mga membro ng simbahan.” Ito ang dahilan kung bakit kung isang karaniwang Linggo wala pang 6 na porsiyento sa kanila ang dumadalo sa mga serbisyo ng simbahan, mas kaunti pa nga sa malalaking lunsod. Isa lamang sa apat ang may palagay na ang pagdalo sa simbahan o pagbabasa ng Bibliya ay mga kahilingang Kristiyano. Sa katunayan, halos walo sa sampu ang nagsasabi na upang maging isang mabuting Lutherano ang isang tao ay dapat na basta maging bautismado at nakumpilan, at saka namumuhay ng isang malinis na buhay at maging mapagkakatiwalaan. Hindi kataka-taka na binanggit ng Frankfurter Allgemeine Zeitung sa isang editoryal: “Ang panganib para sa Iglesya Lutherano ay hindi mula sa mga bilang nito kundi mula sa kakulangan nito ng espiritual na lakas”!
Minamalas ng mga membro ng simbahan na kulang ng espiritual na lakas ang kanilang simbahan alinsunod sa ilang bagay. Hinahangaan nila ang mayamang kasaysayan nito, ipinagmamalaki ang magagandang gusali nito, at sinasamantala ang sosyal na mga pakinabang na iniaalok nito. Pagdating sa “paghahanap sa Diyos,” gayunman, pinipili ng marami na hanapin siya sa kalikasan sa halip na sa simbahan. Ito ang umakay sa isang lider ng simbahan na magtanong nang may pangungutya kung bakit hindi sila sumige at hayaang ang kanilang paglilingkod sa libing ay isagawa ng Kagawaran ng Panggugubat sa halip na isagawa ng simbahan.
“Wari bang ang kulang,” komento ng isang magasin sa E.U. mga ilang taon na ang nakalipas, “ay ang pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang katotohanan na pagkakakilanlan sa dating mga Lutherano.” Bakit minamalas ng napakaraming Lutherano ang kanilang simbahan na wala kundi isang kombinyenteng balangkas para sa bautismo ng sanggol, pagkukumpil sa mga adolesente, at para sa seremonya ng kasal ng mga may sapat na gulang? Bakit hinahanap nila ang Diyos sa kalikasan at bumabalik lamang sa simbahan sa pagtatapos ng buhay para sa isang “disenteng libing”? Bakit ang kakulangan ng espirituwal na lakas?
[Talababa]
a Upang maging espisipiko, si Luther ay isinilang at ginugol ang maraming taon ng kaniyang buhay sa kung ano ngayon ay German Democratic Republic, na karaniwang kilala bilang Silangang Alemanya.