“Kung ang Trumpeta’y Malabo ang Tunog Kung Nananawagan . . . ”
“KUNG ang trumpeta’y malabo ang tunog kung nananawagan, sino ang hahanda para sa pakikidigma?” (1 Corinto 14:8) Maaari kayang ang pagwawalang-bahala na ipinakikita ng mga Lutheranong Aleman—mga sundalo ng simbahan—ay dahilan sa ang simbahan ay nananawagan na may malabong tunog? Isaalang-alang ang katibayan.
Isang Krisis sa Pagkakakilanlan
Sa nakalipas na mahigit na 200 taon, sabi ng diyakonong Lutheranong si Wolfram Lackner, na unti-unting tinalikdan ng Protestantismo ang dating mga kapayahagan ng pananampalataya nito. Kaya ang Protestantismong Aleman ngayon “ay nasusumpungan ang sarili nito sa isang mapanganib na krisis sa pagkakakilanlan.”
Ang krisis sa pagkakakilanlan na ito ay lalo pang naging maliwanag noong 1930’s, gaya ng ipinaliliwanag ng aklat ni William L. Shirer na The Rise and Fall of the Third Reich: “Ang mga Protestante sa Alemanya . . . ay nahahati sa pananampalataya. . . . Sa pagbangon ng Pambansang Sosyalismo ay nagkaroon pa ng higit na mga pagkakabahagi . . . Inorganisa ng mas panatikong mga Nazi sa gitna nila noong 1932 ang ‘The German Christians’ Faith Movement’ (Kilusan sa Pananampalataya ng mga Kristiyanong Aleman) . . . [at] masigasig na itinaguyod ang mga doktrina ng Nazi tungkol sa lahi at sa simulain ng liderato . . . Salansang naman sa ‘Mga Kristiyanong Aleman’ ang isa pang grupo ng minoridad na tinatawag ang kanilang sarili na ‘Confessional Church.’ . . . Sa pagitan nito ang karamihan ng mga Protestante, . . . na hindi alam kung alin ang pipiliin sa dalawa ay sa wakas, sa kalakhang bahagi, bumagsak sa mga kamay ni Hitler.”
Sa katunayan, ang ilan sa mga turo ni Luther ay ginamit mismo ni Hitler. Ang doktrina ni Luther na “dalawang kaharian,” na nagsasabing ang Diyos ay nagpupuno sa daigdig sa pamamagitan ng sekular na awtoridad at ng awtoridad ng simbahan, ay humihimok ng mahigpit na pagpapasakop sa mga opisyal ng bayan. Sa gayon, inaamin ng publikasyong Lutherano na Unsere Kirche na “ipinagdiwang ng mas malaking bahagi ng Protestantismong Aleman . . . ang wakas ng demokrasyang Weimar na may malaking kasiglahan at ipinagbunyi ang bagong diktador.” Dahilan sa matinding damdaming anti-Semitiko ni Luther, hindi nahirapan ang simbahan na hadlangan mula sa ministeryo ang mga taong hindi Aryan ang pinagmulan.
Subalit kumusta naman ang “Confessional Church”? Noong 1934 pinagtibay nito ang Barmen Declaration, na nagpapahayag ng pagsalansang sa ideolohiya ng Pambansang Sosyalista. Gayunman, isiniwalat kamakailan ng isang eksibisyon sa Berlin tungkol sa Protestantismo noong panahon ng Third Reich na sangkatlo lamang ng mga klerong Protestante ang sumuporta sa “Confessional Church.” At hindi pa nga lahat ng sangkatlong iyon ang aktibong sumalansang kay Hitler. Ang pagsalansang niyaong mga sumalansang ay maliwanag na binigyan ng maling interpretasyon ni Hitler na pagsalansang ng simbahan sa kabuuan. Iginigiit ng aklat na Der deutsche Widerstand 1933-45 (Ang Pagtutol ng Aleman 1933-45) na sa gayong dahilan ay ipinaratang sa Iglesya Lutherano ang pulitikal na pagsalansang na hindi nito mismo pinili.
Pagkatapos bumagsak si Hitler, ang simbahan ay nasa kagibaan. Alin sa sumasalansang na pangkat ang nagpabanaag ng tunay na pagkakakilanlan nito? Bakit napakalabo ng tunog ng trumpeta nito?
Upang liwanagin ang mga katanungang ito, 11 sa pangunahing mga klerigong Protestante, pati na si Gustav Heinemann, na nang dakong huli’y naging presidente ng Pederal na Republika, ay nagtipon noong Oktubre 1945 upang gawin ang tinatawag na Stuttgart na pag-amin ng kasalanan. Sa kabila ng kanilang pagsalansang sa rehimeng Nazi, sabi nila: “Pinararatangan namin ang aming sarili dahil sa hindi pagiging higit na matibay ang loob sa paghahayag ng aming mga paniniwala, higit na tapat sa pagbibigkas ng aming mga panalangin, higit na nagagalak sa paghahayag ng aming pananampalataya, at higit na masigasig sa pagpapakita ng aming pag-ibig.” Inaasahan ng mga klerigong ito na ang deklarasyong ito ay magiging isang malinaw na tunog ng trumpeta na nananawagan ng pagkilos, nagpapangyari ng isang bagong pasimula.
Isang Relihiyoso o Isang Pulitikal na Trumpeta—Alin?
Marahil ikinahihiya na ang kanilang simbahan ay walang gaanong ginawa upang salansangin si Hitler, maraming Lutheranong Aleman ngayon ang mabilis na bumabatikos sa mga patakaran ng gobyerno. Halimbawa, ang mga klerong Lutherano ay kabilang sa unang mga tagapag-organisa ng kilusan laban sa sandatang nuklear sa Europa. Noong 1984 hinimok ng isang pangkat ng mga pastor na Lutheranong Aleman sa Hilaga ang mga lalaki na nasa edad na upang magsundalo na tanggihan ang serbisyo militar. Gayunman, hinatulan ito ng simbahan, sinasabing ito’y nagpapakita ng “malaking pulitikal na di-pagpaparayâ sa mga damdamin ng mga Kristiyano na iba ang palagay.” Sa panlahat na sinodo nito noong 1986, ipinagtanggol ng simbahan ang karapatan nito na talakayin ang pulitikal na mga usapin o isyu at mula noon ay gayon nga ang ginawa. Ipinahayag nito ang kabiguan sa mga resulta ng miting ng pinakamataas na mga opisyal ng mga superpower sa Iceland at matagal na pinagtalunan ang patakaran tungkol sa mga takas o refugees, kawalan ng trabaho, at mga plantang nuklear.
Mangyari pa, hindi lahat ay sumasang-ayon sa pagiging aktibong ito sa pulitika. Si Luther, kung siya ay nabubuhay ngayon, ay malamang na hahatulan ito, sang-ayon kay Propesor Heiko Oberman, isang awtoridad tungkol sa lider ng Repormasyon. At inirireklamo ni Rolf Scheffbuch, diyakonong Lutherano, na sa ngayon ang pagiging totoo ng pananampalatayang Kristiyano ay madaling sinusukat sa pamamagitan ng saloobin ng isa tungkol sa pagtatangi ng lahi o sa paglalagay at pag-aayos ng missile.
Maliwanag na ang pulitikal na mga pagkakaiba ay humahati sa simbahan. Maliwanag din na ang “malaon nang panahong pag-iibigan” sa pagitan ng Simbahan at ng Estado ay nagpapakita ng “mga palatandaan ng panghihinawa” at “kinakalawang” na, gaya ng pagkakasabi rito kamakailan ni Obispo Hans-Gernot Jung. Ipinaliliwanag nito ang mga pananalita ng pagsaway na binigkas ng isang mataas na pulitikong Aleman noong 1986: “Kapag ang namamatay na kagubatan ay tinatalakay na mas mahaba kaysa kay Jesu-Kristo, nawawala ng simbahan ang tunay na komisyon o atas nito.”
Ang Protestantismo, gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, ay bumangon mula sa isang pagnanais na magprotesta o tumutol sa kung ano ang nangyari noon. Kaya, mula sa pagkakatatag nito, ang Protestantismo ay may hilig na maging liberal, tumatanggap ng bagong mga ideya, bukas-isip sa pamamaraan nito, handang magbago ayon sa mga pamantayan ng panahon. Inilalarawan itong mabuti ng teolohiyang Protestante. Dahil sa walang pangwakas na awtoridad na magtatakda ng tuntunin tungkol sa doktrina—gaya ng Vaticano sa kaso ng mga Katoliko—ang bawat teologo ay pinahintulutan na hipan ang kaniya mismong trumpeta ng teolohikal na pagpapakahulugan.
Magkakasalungat na Teolohikal na mga Tagapagtrumpeta
Ito ay nagbunga ng ilang totoong kakatwang mga tunog. Iniulat ng magasing Time ang isang halimbawa noong 1979: “Kailangan mo bang maniwala sa Diyos upang maging isang ministrong Protestante? Ang sagot, gaya ng sa napakaraming kaso sa ngayon, ay oo at hindi. Ang Alemanya, lalo na, ay siyang pinagmumulan ng pag-aalinlangang Protestante sa loob ng mga dekada. Subalit noong nakaraang linggo, nagpapasiyang kailangan nitong maging iba sa paano man, ang United Evangelical Lutheran Church ng Kanlurang Alemanya . . . ay inalisan ng tungkulin si Rev. Paul Schulz dahilan sa hidwang paniniwala o erehiya. . . . Mula noong 1971 ay ipinangaral niya na ang pag-iral ng isang personal na Diyos ay ‘isang nakaaaliw na imbensiyon ng mga tao.’ . . . Ang panalangin? Isa lamang ‘pagpapabanaag-sa-sarili.’ . . . Si Jesus? Isang normal na tao na may mabubuting bagay na sinasabi na nang dakong huli’y niluwalhati bilang Anak ng Diyos ng sinaunang mga Kristiyano.” Ipinakikita na “ang mga palagay ni Schulz ay hindi bago, o pambihira pa nga” ay ang bagay na noong panahon ng paglilitis kaniyang “inantig sa pamamagitan ng kaniyang talumpati ang damdamin ng pumapalakpak na mga estudyante ng teolohiya na kumampi sa kaniya.” At sa kabila ng pagkilos nito, “iginiit ng komisyon na ito ay pabor pa rin sa ‘isang malawak na pagpapahayag’ ng indibiduwal na pagpapakahulugan.”
Tinutukoy ang malawak na pagpapahayag na ito ng indibiduwal na pagpapakahulugan, isang editoryal ng pahayagan ang nagsasabi na ang teolohiyang Protestante ay kulang ng “malinaw na pagkaunawa at teoretikal na katiyakan” at tinatawag itong “panimulang halu-halong teolohiya na walang ipinagkaiba sa walang kabuluhang dogmatismo.” Ganito pa ang sabi ng isang Suisong babasahing Protestante: “Ang ‘alin sa ito o iyon’ na pagkaunawang Kristiyano” ay “napalitan na ng ‘ito gayundin naman iyon’.” Hindi kataka-taka na ang mga teologo ay hindi sumasang-ayon!a
Ang Tahanan ba ni Luther ay Patungo sa Pagbagsak?
Ang krisis sa simbahan ay sa katunayan isang krisis sa pananampalataya. Subalit maaari bang linangin ang pananampalataya sa mga taong pinakakain ng “panimulang halu-halong teolohiya” at ginagabayan ng mahinang, “ito gayundin naman iyon” na patnubay? Maaasahan ba ng Protestantismo na ganyakin ang mga kawal nito sa Kristiyanong pagkilos taglay ang gayong malabong tunog ng trumpeta?
Noon pa mang 1932, ang guro sa teolohiya na si Dietrich Bonhoeffer ay nagreklamo: “Sinisikap nito [ang Iglesya Lutherano] na maging nasa lahat ng dako at sa gayo’y nagwawakas na wala saanmang dako.” Huli na ba para sa simbahan na masumpungan ang pagkakakilanlan nito? Karamihan ng mga opisyal ng simbahan ay sumasang-ayon na ang karaniwang mga pamamaraan ng pagpapanibagong-sigla ay hindi gagana. Kakailanganin ang isang bagay na bago at kakaiba. Subalit ano? Ganito ang sabi ng nagretiro nang Obispo Hans-Otto Wölber: “Ang kinabukasan ng simbahan ay walang kaugnayan sa mga pamamaraan, kundi sa mga nilalaman. . . . Ang mensahe ang mahalaga. . . . Sa ibang salita, tayo ay tumatayo o bumabagsak may kaugnayan sa Bibliya.”
Tama.
[Talababa]
a Si Karl Barth, isa sa mas kilalang teologong Protestante ng dantaong ito, ay iniulat na inilarawan ang ilan sa mga teoriya ng kapuwa teologong si Paul Tillich na “kasuklam-suklam.” Marahas din niyang hindi sinang-ayunan ang teologong si Rudolf Bultmann, na pinag-alinlanganan ang pagiging literal ng ilan sa mga ulat ng Bibliya.
[Kahon sa pahina 7]
Sino ang Nagpatunog nang Malinaw na Tunog ng Trumpeta Para sa Kristiyanong Neutralidad?
“Kaunting-kaunti pa lamang ang nalalaman namin tungkol sa kahihinatnan ng mga tumangging magsundalo dahil sa relihiyosong kadahilanan noong Digmaang Pandaigdig II; hanggang sa ngayon ang sumusunod pa lamang ang nalalaman: Sa gitna ng mga Lutherano, si Hermann Stöhr at Martin Gauger ay walang pagkukompromisong tumanggi sa serbisyo militar . . . Pitong pangalan ng mga Katoliko ang maaaring banggitin . . . Hindi pinili ng mga Mennonitang Aleman, na tradisyonal na pasipistiko, na ‘isagawa ang simulain ng hindi pagdepensa’ noong panahon ng Third Reich, batay sa isang pasiya na ginawa ng isang miting ng mga matatanda at mga ministro noong Enero 10, 1938. Dalawang Quaker sa Alemanya ang napag-alamang tumangging maglingkod sa militar. . . . Pitong membro ng Seventh-Day Adventist ang maaaring banggitin na tumangging manumpa ng katapatan . . . at pinatay. Ipinagdalamhati ng mga Saksi ni Jehova (Bible Students) ang pinakamalaking bilang ng mga biktima. Noong 1939 mayroong halos 20,000 katao sa ‘Kalakhang German Reich’ na kabilang sa . . . relihiyosong organisasyong ito. Tinataya na sa Alemanya lamang mga 6,000 hanggang 7,000 mga Saksi ni Jehova ang tumangging maglingkod sa militar noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II. Dahil doon binigyan ng Gestapo at ng SS ang pangkat na ito ng pantanging pansin.”—“Sterben für den Frieden” (Ang Mamatay Alang-alang sa Kapayapaan), ni Eberhard Röhm, inilathala noong 1985.