Ang Naglalahong Maiilap na Hayop ng Aprika—Makaliligtas Ba Ito?
UMAGA noon, at pawang katahimikan sa mga damuhan na may kalat-kalat na punungkahoy sa Aprika. Isang barakong elepante ang nanginginain sa gitna ng mga palumpon. Ipinupulupot ang kaniyang nguso sa maliliit na mga halaman at mga usbong, binubunot niya ang mga ito, ipinapagpag ang dumi, at inilalagay ito sa kaniyang bibig, may pagkakontentong nginunguya ito; kinakain niya ang kaniyang pang-araw-araw na 300 librang (136 kg) pagkain ng mga pananim. Hindi niya nalalaman ito, subalit 40 taon na ang nakita niyang lumipas sa madamong kapatagang ito; ipinababanaag ng kaniyang malaking mga pangil ang kaniyang edad. Maaari pa siyang patuloy na maglahi ng mga guyang elepante sa susunod na sampung taon pa at mabuhay pa ng isa pang dekada.
Isang putok ang umalingawngaw, binabasag ang katahimikan ng umaga.
Ang bala ay mula sa isang ripleng de-sabog; ito’y bumabaon nang malalim sa tagiliran ng barakong elepante. Pinakakawalan niya ang nakapangingilabot na sigaw, susuray-suray, at nalilitong kakabug-kabog, subalit higit pang mga bala ang dumating. Siya sa wakas ay napaluhod at bumagsak. Isang maliit na trak ang sa-darating, at isang pangkat ng mga lalaki ang masiglang nagtrabaho. Nilalapa nila ang mukha ng elepante upang kunin ang mga pangil mula sa pinaka-ugat nito sa bungo at mabilis na sinisibak ang mga ito. Sa loob lamang ng mga ilang minuto ang ilegal na mga mangangaso ay wala na. Ang katahimikan ay nagbabalik sa damuhan. Ang dati-rati’y maringal na matandang barakong elepante ay isa na lamang 14,000 libra (6,300 kg) ng karne ngayon, na naiwan doon upang mabulok.
Nakalulungkot sabihin, hindi ito isang namumukod na kaso. Sa katunayan, tinataya na ang bilang ng mga elepanteng napapatay taun-taon ng ilegal na mga mangangaso ay mula 45,000 hanggang 400,000. Ipinakikita ng mga surbey sa maiilap na hayop sa kagubatan na ang bilang ng mga elepante sa Aprika ay umunti mula sa dati’y angaw-angaw hanggang sa halos 900,000 mga hayop. Kung ang ilegal na pangangaso ay magpapatuloy sa kasalukuyang bilis nito, ang bilang ay magiging kalahati na lamang sa susunod na sampung taon. Samantalang ang matatandang barako, o yaong mga may pangil, ay umuunti nang umuunti, parami nang paraming mas batang mga lalaki at pati na ang mga babaing elepante ay binabaril.
Bakit ang pagpatay na ito? Ang $50 milyon-isang-taon na kalakal ng garing, pati na ang madaling makuhang awtomatikong mga sandata, ay gumagawa sa elepante na isang hindi matatanggihang target ng ilegal na mga mangangaso.
Ang rhinoceros ng Aprika ay lalo pang nanganganib. Lubhang pinangangaso sa buong nakalipas na dantaon, ang bilang nito ay bumaba sa halos isang daang libo isang salinlahi ang nakalipas. Sa ngayon, ang mga ito ay isa na lamang nakukubkob na 11,000. Sa pagitan ng 1972 at 1978, 2,580 rhino ang napapatay taun-taon; ikinatatakot ng maraming biyologo na ang mga ito ay maaaring malipol sa taóng 2000.
Bakit ang pagpaslang? Minsan pa ang salapi ang nangunguna sa kasagutan: Ang sungay ng rhino ay maaaring magdala ng mahigit $5,000 bawat libra ($11,000 por kg) sa tingian. Ito’y ipinagbibili sa anyong pinulbos sa buong Dulong Silangan bilang isang gamot para sa mga sakit ng ulo at lagnat, bagaman ipinakikita ng mga pagsubok na ito ay walang silbi sa bagay na ito. Ang mas malakas na benta ng sungay ng rhino ay sa Hilagang Yemen, kung saan ang bagong mayamang mga kabataang lalaki ay naghahangad na magkaroon ng isang punyal na panseremonya na may prestihiyosong tatangnan na yari sa sungay ng rhino—bagaman ang sungay ng baka ay maaaring magsilbi sa layuning iyan.
Sa itaas ng bulkanikong mga bundok ng Rwanda at Zaire, at sa kalapit na kagubatan ng Bwindi sa Uganda, ay nakatira ang kahuli-hulihang mga gorilyang bundok. Ang kanilang bilang ay umunti hanggang sa bingit ng pagkalipol. Sa kasalukuyan halos 400 na lamang sa kanila ang nananatili sa kaparangan. Bakit? Sila ay pinapatay ng ilegal na mga mangangaso para sa mga tropeo. Ang ulo ng gorilya ay maaaring ipagbili sa black market hanggang sa halagang $1,200 upang gawing adorno sa dingding, ang kaniyang kamay sa halagang $600 para gamitin bilang isang abúhan!
Ang pinakamabilis na hayop sa lupa, ang cheetah, ay inaakala rin na malapit nang malipol. Mga 20,000 na lamang sa kanila ang nananatili sa kaparangan. Ang mga siyentipiko ay nagbababala pa sapagkat ang maliit na bilang na ito ng mga cheetah ay mahirap paramihin, at ang dami ng namamatay na mga kuting ay napakataas sa gitna ng mga cheetah. Kaya, sila ay mas malamang na maapektuhan ng mga panggigipit ng lumiliit na tirahan.
Sa katunayan, ang pangangailangan sa matitirhang lugar para sa maiilap na hayop ng Aprika ay lumilikha ng masalimuot na mga problema. Halimbawa, ang isang mailap na elepante na nagdaraan at nanginginain sa isang maliit na bukid ay maaaring madaling isapanganib ang kabuhayan mismo ng magsasaka. Gayunman, kung napakaraming elepante naman ang nasa loob ng isang parke o isang lugar na hindi ipinahihintulot ang pangangaso kung saan hindi nila maisasapanganib ang mga ani ng magsasaka, maaaring mabilis na gawin nilang damuhan ang mga kagubatan ng parke dahilan sa kanilang napakatakaw na ugali sa pagkain. Yamang ang mga elepante ay hindi maaaring lumayo, ang kagubatan ay walang pagkakataon na lumagong muli.
Ang mga nagtataguyod sa pangangalaga ng mga likas na yaman, mga nangangalaga sa mga hayop, at mga siyentipiko ay puspusang nagsumikap sa mga suliraning ito at nagkaroon ng ilang tagumpay sa kanilang kredito. Sa Timog Aprika, halimbawa, ang puting rhino ay mayroon lamang mga isang daan kamakailan. Mabisang mga hakbang ay isinagawa upang pangalagaan ang mga ito, kaya ngayon sila ay may bilang na halos 3,000.
Gayunman ang panganib ay nagpapatuloy hindi lamang sa rhino ng Aprika at sa maiilap na hayop ng Aprika kundi, bagkus, sa lahat ng maiilap na hayop sa buong daigdig. Kapuwa ang elepante at ang rhinoceros sa Asia ay lalo pang nanganganib na malipol kaysa mga uri nito sa Aprika na tinalakay na natin dito. Higit pang nakababahala, ipinakikita ng ilang mga pag-aaral na ang isang buong uri ng buhay ay nalilipol araw-araw. Binanggit pa ng isang report na mula ngayon at sa pagtatapos ng dantaon, ang mga uri ng hayop ay maglalaho sa bilis ng isa sa bawat oras!
Kaya ba natin ang ganitong uri ng kawalan? Ang pagbibili ba ng mga pangangailangan ng tao, tunay man o guniguni, ay maaaring magbigay-matuwid sa gayong walang-ampat na paglipol?