Kung Bakit Namamatay ang mga Bata
Sa panahong mabasa mo ang pangungusap na ito, tatlong bata ang di-kinakailangang mamatay.
SUBALIT hindi ang baha ni ang taggutom ni ang tagtuyot ang pumapatay sa mga bata sa nakagugulat na bilis na isa sa bawat dalawang segundo. Ganito ang sulat ni William U. Chandler sa report ng Worldwatch Institute na State of the World 1986: “Mas maraming bata ang namamatay dahil sa sila ay hindi wastong inaawat kaysa namamatay dahil sa gutom. Mas maraming bata ang namamatay sapagkat hindi alam ng mga magulang kung ano ang gagawin kung ang bata ay nagtatae kaysa namamatay dahil sa epidemya. . . . Ang mga tagasuri ay karaniwang sumasang-ayon na halos 17 milyong mga bata ang namamatay taun-taon mula sa pinagsamang mga epekto ng hindi mabuting pagkain, pagtatae, malaria, pulmunya, tigdas, tuspirina, at tetano. Halos lahat ng kamatayang ito ay nangyayari sa Third World.”
Ang malungkot na sakuna ng gayong kamatayan ay pinatitindi pa ng isang kakila-kilabot na kabalintunaan. Susog pa ni Chandler: “Kalahati hanggang dalawang-katlo [ng mga kamatayang ito] ay maaari sanang naiwasan sa pamamagitan ng payak na mga hakbang.” (Amin ang italiko.) Oo, ang mga magulang sa nagpapaunlad na mga bansa ay hindi na kailangang maghintay sa malaking mga plano ng pamahalaan o sa malawakang mga proyekto sa kalusugan. Ang kaalaman upang tulungan sila na iligtas ang buhay ng kanilang mga anak ay umiiral na! Ang kailangan lamang ay ang pagkukusa sa bahagi nila na matuto at ikapit ang ilang simple at hindi magastos na mga hakbang. Kaya inaanyayahan ka namin na basahin ang mga report ng kabalitaan ng Gumising! sa dalawang bansa sa Aprika. Inaasahan namin na ang mga artikulong ito ay hindi lamang nagbibigay-impormasyon kundi nagliligtas-buhay rin.