Isinilang na Maaga, Isinilang na Maliit
ANGAW-ANGAW na mga mag-asawa sa buong daigdig ang umaasa ng isang mahalagang “balutan.” Nalalaman ng karamihan sa kanila humigit-kumulang ang petsa ng pagdating ng kanilang sanggol. Gayunman, ang iba ay lubhang nagugulat kapag ang kanilang sanggol ay isinisilang na maaga at mas maliit kaysa inaasahan nila.
Noong Marso 22, 1980, isang sanggol ang isinilang sa isang mag-asawa malapit sa Middletown, New York, mahigit na tatlong buwang mas maaga kaysa inaasahan. Siya ay tumitimbang ng 794 gramo at 35 centimetro ang haba, halos kasukat ng dalawang pahinang ito.
Pinanganlan ng mga magulang ang kanilang sanggol na Kelly. Siya ay isinilang na maaga, isinilang na maliit. Si Kelly ay dumating pagkaraan lamang ng 26 na linggo ng pagdadalang-tao, sa halip na pagkaraan ng normal na 40 linggo. Ang pagdadalang-tao ay binibilang mula sa unang araw ng huling normal na pagriregla ng ina.
Mga Sanggol na Kulang-sa-Buwan at Kulang sa Timbang
Ang isang sanggol ay kulang-sa-buwan kung siya ay ipinanganak na maaga ng mahigit na tatlong linggo, o bago ang ika-37 linggo ng pagdadalang-tao. Dati, ang isang sanggol ay tinatawag na kulang-sa-buwan kung ito ay tumitimbang ng wala pang 2,500 gramo. Subalit ang kahulugan ay binago, yamang ang ilang husto-sa-buwan na mga sanggol ay tumitimbang din ng wala pang 2,500 gramo. Kapuna-puna,
ang epidemya ng panganganak sa gitna ng mga tin-edyer, at kahit na sa mga hindi pa tin-edyer, ay nagbunga ng higit at higit na mga sanggol na kulang sa timbang.
Sa Estados Unidos, mga 10 porsiyento ng lahat ng ipinanganganak na buháy ay kulang-sa-buwan. Oo, hanggang sa 300,000 ng mga sanggol na iyon ay isinisilang sa Estados Unidos taun-taon! Ang mga ito ay itinutulak mula sa bahay-bata tungo sa isang kapaligiran na hindi pa sila lubos na nababagay. Maaari silang ihambing sa mga manggagalugad sa Artiko na pinagkaitan ng kanilang mga tolda at mga bag na tulugan.
Totoo, ang mga sanggol na ito na kulang-sa-buwan ay mayroon ng lahat ng sangkap ng katawan, bagaman ang mga ito ay nasa hindi pa maygulang na kalagayan. Sa katunayan, sa ika-15 linggo ng pagdadalang-tao, ang puso, utak, atay, at sistema ng panunaw ng sanggol ay buo na at halata na. Aba, sa ikatlong linggo ang bahagyang nabuong puso ay nagsisimula na ngang tumibok!
Datapuwat, mangyari pa, ang sanggol ay hindi maaaring mabuhay sa labas ng bahay-bata ng ina sa panahon ng napakaagang mga linggo ng pagdadalang-tao. Gayunman, dahil sa mga pagsulong sa siyensiya ng medisina, kahit na ang mga kulang-sa-buwan na isinilang sa ika-22 linggo ng pagdadalang-tao ay nabubuhay na ngayon. Ito, gayunman, ay nagbunga ng problema, at isang napakagastos na problema. Isaalang-alang kung paano nangyari ito.
Bagong Mga Pagsulong sa Medisina
Noong maagang 1960’s, mahigit na kalahati ng lahat ng mga kulang-sa-buwan na tumitimbang ng mula halos 900 hanggang 1,400 gramo ay namatay. Noong 1963 hindi nailigtas ng pinakamagagaling na doktor ng bansa ang buhay ni Patrick, ang 1,400 gramong bagong silang na anak na lalaki ng pangulo ng E.U. na si John F. Kennedy.
Ang totoo ay, hanggang kamakailan lamang may tinatawag na “hands-off approach” sa pakikitungo sa mga kulang-sa-buwan. Yaong mga napakaliit o masasakitin ay hinahayaang mamatay nang natural. Siempra pa, sila ay pinakakain at inaalagaan, subalit walang agresibong paggamot na isinasagawa. Pagkatapos, ipinasiya ng masigasig na mga tauhan ng medisina na gawing isang karera ang pagliligtas sa mga bagong silang na ito.
Noong 1975 isang bagong espesyalidad sa medisina na tinatawag na neonatolohiya (isang sangay ng medisina na may kinalaman sa pangangalaga, pag-unlad, at mga sakit ng bagong silang na mga sanggol) ay itinatag ng American Academy of Pediatrics. Ang modernong mga NICU (neonatal intensive care units) ay ginawa upang tularan ang mga gawain ng bahay-bata. Ngayon halos 90 porsiyento ng mga sanggol na tumitimbang ng 900 hanggang 1,400 gramo ay nabubuhay!
Gayunman, ang paggamot ay hindi kaaya-aya ni maganda. Ang isang kulang-sa-buwan ay maaaring may kalahating dosenang mga tubo na nakasaksak sa kaniyang katawan, at ang kaniyang balat ay baka bugbog na sa mga tusok ng iniksiyon. Inilalarawan ng magasin sa siyensiya na Discover ang isang modernong NICU:
“Karamihan ng mga sanggol ay hubad na nakahiga sa may sapin, iniinit ng kuryenteng mga mesa, nakakabit sa mga bote at makina. Ang bawat isa ay karaniwang may kaniyang sariling nars. . . . Ang kanilang dibdib ay bumabayo; ang kanilang mga tadyang at buto sa dibdib ay napakalambot anupa’t ito ay bumabaluktot paloob sa bawat paghinga. Sang-ayon sa kanilang mga aparatong nagmomonitor, ang karamihan ng mga puso ay tumitibok ng 150 beses sa isang minuto, at sila ay humihinga ng mula 30 hanggang 90 mga paghinga sa panahong iyon.”
Isang Tunay na Problema
Sang-ayon sa isang surbey, mga 17,000 kulang-sa-buwan na tumitimbang ng wala pang 900 gramo ay tinatanggap taun-taon sa daan-daang pantanging infant care units na ngayo’y kumikilos sa Estados Unidos. Ngayon, kahit na yaong mga masyadong maliit ay sinasabing halos 70-porsiyentong may tsansang mabuhay! Subalit sa anong halaga?
Ang mga tantiya para sa grabeng kapansanan sa isip at sa katawan para sa mga kulang-sa-buwan ay mula 5 hanggang 20 porsiyento, di-hamak na mas malaki kaysa husto sa buwan na mga sanggol. At, mangyari pa, mientras mas maliit ang sanggol, mas malaki ang panganib. Ang pangunahing panganib ay kinabibilangan ng pagbagal ng isip, mga suliranin sa paningin at pandinig, at cerebral palsy. At hindi lamang iyan. Ang autor ng The Premature Baby Book ay nagsasabi: “Maraming bata na akong nakita na isinilang na wala pang 1500 gramo na may suliranin sa kakayahang bumasa, suliranin sa paggawi, suliranin sa paningin, o iba pang mga problema na tinatawag ng mga doktor na ‘maliit’ na problema.”
Kahit na ang mga kulang-sa-buwan na sinasabi ng mga doktor na normal ay may mga problema. Si Dr. Forest C. Bennett, direktor ng programa na sumusubaybay sa lubhang-nanganganib na mga sanggol sa University of Washington sa Seattle, ay nagsasabi: “Ang aming mga pagsubok sa mga sanggol na kulang-sa-buwan ay pawang lumalabas na normal. Subalit patuloy na sinasabi sa amin ng mga magulang na ang mga sanggol na ito ay kakaiba sa kanilang mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae. Sila ay hindi gaanong ngumingiti, hindi gaanong nakikipag-usap sa kanilang mga ina, hindi gaanong nagbibigay-pansin sa liwanag o tunog, at mas maselan kaysa ibang bata. At kapag lumaki sila at nag-aral, hindi sila gaanong mahusay.”
Karagdagan pa, napakahirap para sa mga pamilya na magkaroon ng isang kulang-sa-buwan na nasa isang NICU na marahil ay kilu-kilometro ang layo at ang madalas na pagbiyahe upang dumalaw—upang makita lamang ang sanggol na labis na naghihirap. At kapag ang sanggol sa wakas ay inuwi na ng bahay, ito ay maaaring maging lubhang napakahirap. Ganito ang sabi ni Sandy E. Garrand, presidente ng isang samahan na kilala bilang Parent Care:
“Hindi kapani-paniwala na ang mga ospital ay gugugol ng $300,000 upang panatilihin ang isang sanggol sa isang masusing pangangalaga sa loob ng dalawa o tatlong buwan, subalit kapag ang sanggol ay iniuwi na, ang mga magulang ay ganap na pinababayaan sa kanilang sarili nang hindi man lamang nalalaman kung ang bata kaya ay masasalanta. Ito ay lumilikha ng matinding damdamin ng pag-iisa. Ang mga pamilya ay umiigting. Ang mga pag-aasawa ay umiigting.”
Isang ama ng isang sanggol na kulang-sa-buwan ay napakilos na magsabi: “May panahon na kami’y natatakot na baka siya mamatay. Ngayon naman may panahon na kami’y natatakot na siya’y mabubuhay. Kung wala ang teknolohiyang ito, marahil ay namatay na siya nang natural, at hindi na namin kailangang tanungin ang aming mga sarili ng mga katanungang ito. Marahil mas mabuti pa iyon.”
Si Dr. Constance Battle, bilang isang medikal na direktor ng Ospital para sa mga Batang Maysakit sa Washington, D.C., ay nagsasabi na siya ay “abalang-abala sa kalunus-lunos na mga resulta ng mabuting-intensiyong paggamot.” Ang kaniyang payo sa mga neonatologo? “Sinasabi kong pag-isipan ninyo ito kapag mayroon kayong pinapalo tungo sa buhay na hinding-hindi na ninyo makikitang muli. Hindi ninyo nauunawaan ang hirap na dinaranas ng sanggol.”
Palibhasa ang pisikal at mental na resulta para sa maraming kulang-sa-buwan ay lubhang di-tiyak at ang halaga ng pangangalaga ay napakataas, mauunawaan mo kung bakit tinatawag ng isang magasin ang mga kulang-sa-buwan na “Isang $2 Bilyong na Problema.”
Isa Pang Bahagi ng Problema
Kailan ba itinuturing na isang tao ang isang sanggol? Ang ilang mga sanggol ay legal na inilalaglag nang hanggang 24 na linggo ng pagdadalang-tao, halos kasing-edad ng iba na inililigtas ang buhay. Kaya nga, ang magasing Omni ay nagsasabi: “Ang guhit sa pagitan ng aborsiyon at ng pangangalaga sa pagliligtas-buhay ay paliit nang paliit—napakaliit anupa’t maraming ospital ang naglalaglag ng mga ipinagbubuntis na sanggol sa isang panig samantalang inililigtas naman ang mga kulang-sa-buwan na mas matanda ng ilang linggo sa kabilang panig.”
Binanggit ng magasin kung ano ang maaaring magpalubha sa problema, na sinasabi: “Ang mga bagà ang tanging sangkap ng katawan na hindi pa kayang kumilos sa mga kulang-sa-buwan na 16 hanggang 20 linggo ang gulang. Kaya, sa pamamagitan ng high-pressure chambers o ECMO [extra corporeal membrane oxygenation], nagkakaroon ng pag-asang mabuhay,” anupa’t kahit na ang mas batang mga sanggol ay maaaring mabuhay. Oo, noong Hulyo 27, 1985, isang 340 gramong sanggol ay ipinanganak sa isang ina na 22 linggo sa pagdadalang-tao, at ito ay buháy pa!
Kapag ang puso ng isang sanggol na inilaglag ay patuloy na tumibok ng mahigit na ilang minuto, sa ilang ospital ang sanggol ay dinadala sa NICU, kung saan ito ay pinananatiling mainit at komportable hanggang sa ito ay mamatay. Gayunman, ipinaliliwanag ni Dr. Elizabeth Brown ng Boston City Hospital na isang sanggol na inilaglag ay nabuhay at nang maglaon ay inampon. Ganito ang sabi ni Dr. Brown tungkol sa ina na nagsilang: “Tuwang-tuwa siya na ang bata ay nabuhay.”
Tunay, mahalaga ang buhay. At wala nang nakapagpapasigla pa sa puso lalo na ng isang ina at ng isang ama, na gaya ng pagkakita na ang kanilang sanggol ay buháy at maging isang maligaya, malusog na bata. Totoo ito kahit na kung ang sanggol ay husto-sa-buwan o kulang-sa-buwan. Subalit ano ang nangyari kay Kelly, na binanggit sa simula? Paano matutulungan ang mga magulang ng mga kulang-sa-buwan na makayanan ito? May anumang magagawa ba ang isang nagdadalang-tao upang siya ay huwag magsilang ng kulang-sa-buwan? Ano ang sanhi ng problema ng pagsisilang ng kulang-sa-buwan, at mayroon bang isang tunay na kasiya-siyang lunas?
[Kahon sa pahina 5]
Pagliligtas sa Lubhang Kulang-sa-Buwan
“Ang mga magulang ay hindi sumigaw na nais nila ito. Ang mga manggagamot, isa na ako sa kanila, ang nagnanais na magpatuloy. Ang mga doktor ay may sarili nilang mga programa, sarili nilang mga akademikong hagdan na dapat akyatin. Kung kakausapin mo ang mga magulang, masusumpungan mo na mas natatakot silang magkaroon ng dispormado, may kapansanang mga anak kaysa magkaroon ng mga sanggol na ipinanganganak na patay.”—Dr. William Silverman, retiradong propesor ng pediatrics sa College of Physicians and Surgeons sa Columbia University.