Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Makukumbinsi ang Aking mga Magulang na Handa na Akong Magmaneho?
Nakapasa ka! Oh, ikaw ay nininerbiyos. At ang matipunong pulis ng estado na nagsasagawa ng pagsubok ay hindi ngumingiti. Gayumpaman, nagawa mong imaneobra ang kotse ng tatay mo sa ipinagagawa sa iyong mga maneobra at iparada ito na parang propesyonal. Oo, ikaw ngayon ay nagmamay-ari na ng isang lisensiya sa pagmamaneho!
Gayunman, sa paano man, ang iyong mga magulang ay hindi nakikibahagi sa iyong katuwaan. Nang ipaalam mo sa iyong itay kung puwede mong gamitin ang kotse itong dulo ng sanlinggo, ang nakuha mong sagot ay isang malabong, “Pag-iisipan ko ito.” At nang ipilit mo sa kaniya ang isang kasagutan, sinabi niya, “Hindi puwede!”
“Hindi naman makatarungan iyan!” nasabi mo. “Mayroon na akong lisensiya!”
PALIBHASA’Y may bagong lisensiya ka sa pagmamaneho na nasa iyong pitaka, ang pangarap mong pagmamaneho ng kotse ng pamilya ay wari bang malapit nang matupad. Subalit kapag ang iyong mga magulang ay tila hindi gaanong natutuwa sa inaasam mo, ito ay nakapanlulumo. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang sinaunang kawikaan: “Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso, ngunit pagka ang nasa ay dumarating ay punungkahoy ng buhay.” (Kawikaan 13:12) Paano mo makukumbinsi ang iyong mga magulang na handa ka nang magmaneho?
Ang Palagay ng Iyong mga Magulang
Ang pagkakaroon ng isang lisensiya sa pagmamaneho ay isang bagay na dapat ikatuwa. Subalit ang pagmamaneho ay hindi isang karapatan. Ito ay isang pribilehiyo, nasa ilalim ng paghatol hindi lamang ng lokal na mga autoridad kundi ng iyong mga magulang din. At maaaring ikatakot ng iyong mga magulang na ikaw ay mapabilang sa mga namamatay sa haywey. Sabi ng isang ina: “Noong nakaraang linggo ang aking anak na lalaki ay nakapasa sa kaniyang pagsubok sa pagmamaneho. Mula noon, hindi na ako makatulog. Kahapon, mag-isa niyang minaneho ang kotse ko sa kauna-unahang pagkakataon. Ito ang pinakamatagal na pagmamaneho sa buhay ko.”
Pumapasok din sa larawan ang pinansiyal na mga pagkabahala. Kusang itinataas ng mga kompaniya sa seguro ng kotse ang bayad sa seguro kapag isang tin-edyer ang napadaragdag sa talaan ng tsuper ng pamilya. Ang isa pang tsuper ay nangangahulugan ng karagdagang pagkasira ng kotse—at karagdagang mga kumpuni. At bagaman ang iyong kalusugan at kaligtasan ang pinakamahalaga sa iyong mga magulang, tiyak na pumapasok sa isipan ang yupi sa makintab at bagong depensa ng kotse.
Pagiging Tapat sa Maliliit na Bagay
Isang simulaing binanggit ni Jesu-Kristo ang naaangkop: “Ang taong mapagtapat sa kakaunti ay mapagtapat din naman sa marami, at ang taong di matuwid sa kakaunti ay di rin matuwid sa marami.” (Lucas 16:10) Ang The Family Handbook of Adolescence ay nagsasabi sa mga magulang: “Ang pinakamagaling na tagapagpahiwatig ng pananagutan sa pagmamaneho ay ang kasaysayan ng pananagutan ng adolesente sa iba pang mga bagay. Kapag ang tin-edyer ay maaasahang sumunod sa mga tuntunin at talagang maasahan, malamang na ang mga katangian ding ito ang susupil sa kaniyang paggawi samantalang nagmamaneho.” Kaya bago umingit na ‘kailangan mo ang kotse sa Sabado ng gabi,’ tanungin mo ang iyong sarili kung sa anong lawak naitayo mo na ang isang rekord sa iyong mga magulang sa pagiging mapagkakatiwalaan at maaasahan.
Halimbawa, anong uri ng mga marka sa paaralan ang nakukuha mo? Marahil ay walang gaanong kaugnayan sa pagitan ng pagpasa sa matematika at ng pagpapagamit ng kotse. Subalit kung hindi mo dinidibdib ang iyong pag-aaral, ano’t iisipin ng iyong mga magulang na didibdibin mo rin ang pagsunod sa mga tuntunin sa trapiko? Isaalang-alang din, ang iniatas sa iyo na mga gawain sa bahay. Kung hindi ka maaasahan ng iyong mga magulang na ilabas ang basura nang nasa panahon, maaasahan kaya nila ang pag-uwi mo sa bahay nang nasa panahon mula sa ekskursiyon na gamit ang kotse nila? At kumusta naman ang iyong kuwarto? Kung hindi makita ni inay ang sahig dahil sa nagkalat mong damit, papayag kaya siyang ipagamit sa iyo ang kaniyang napakalinis na kotse?
Kung gaano ka kaingat sa maliliit na bagay ay maaari ring makaapekto sa paggamit mo sa kotse ng pamilya. Kung ikaw ay walang-ingat sa skateboard, bisikleta, o sa basketball court, mag-iisip muna ang iyong mga magulang nang makalawa bago ipagkatiwala sa iyo ang isang potensiyal na instrumento ng kamatayan. Oo, baka kinakailangang gumawa ka ng ilang mahalagang pagbabago bago ipagamit sa iyo ng iyong mga magulang ang kotse.
Ang Galit na Tsuper
Ganito ang sabi ng aklat na Licensed to Kill: “Mula sa likuran ng manibela ng . . . kotse ay lumalabas ang ilan sa pinakapangit sa lahat ng damdamin ng tao—pagkapoot, kawalang-tiyaga, kawalang konsiderasyon at kasakiman, upang banggitin lamang ang ilan. . . . Wari bang kapag ang isa ay nasa likod ng manibela ng kaniyang kotse, inaakala niyang para bang siya ay naiingatan sa pinsala, at samakatuwid ay malayang ilabas ang kaniyang kinukuyom na galit at mga kabiguan nang hindi nag-aalala tungkol sa ganting-pinsala.”
Gayunman, kalimitan nang nakakaharap ng galit na mga tsuper ang ganting-pinsala—sa anyo ng sugat-sugat na mga braso, mga pasâ sa mukha, bali at durog na buto, at kung minsan ay kamatayan. Kung gayon, ano ang reaksiyon mo kapag ang isang tsuper ay sumingit sa harap mo, yamot na bubusina sa iyo, o napakabagal magpatakbo kung kailan ikaw ay nagmamadali? Ang mga Kristiyano ay pinag-uutusang “magsuot ng bagong pagkatao.” Ito’y nangangahulugan ng “pag-aalis ng lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig.”—Efeso 4:24, 31.
Subalit kung ikaw ay mahilig sumpungin ng galit o mayamot, maaaring makatuwirang ikatakot ng iyong mga magulang na ilalabas mo ang gayong damdamin sa daan.
Paghahasa ng Iyong mga Kasanayan sa Pagmamaneho
Si Dr. Robert B. McCall ay nagtatanong sa mga magulang: “Kayo ba’y komportable sa kasanayan, saloobin, tiyaga, bilis, pagiging depensibo at pagkuha ng panganib [ng inyong mga tin-edyer]?” Maraming magulang ang asiwa.
Kaya dapat mong hasain ang iyong mga kasanayan sa pagmamaneho na higit pa sa pagkatuto lamang kung paano paparada. Kung maaari, ikaw ba ay seryosong kumuha ng anumang pagsasanay sa pagmamaneho na iniaalok sa paaralan? Dapat ay alam mo ang mga tuntunin sa daan—hindi lamang basta magmadaling pag-aralan ito upang makapasa sa pagsubok. Tandaan din, na kung paanong ang pang-unawa ng isa ay nasasanay “sa paggamit,” ang mga kasanayan sa pagmamaneho ay natatamo sa pamamagitan ng karanasan. (Hebreo 5:14) “Magsanay, magsanay, magsanay,” payo ng propesyonal na tsuper na si Lyn St. James sa magasing Seventeen. “Bigyan mo ang iyong sarili ng maraming panahon na maging maginhawa sa likuran ng manibela.”
Ang iba ay nagpapayo na ang isang tin-edyer ay kumuha ng hanggang anim na buwang karanasan sa pagmamaneho bago kumuha ng isang walang-takdang lisensiya. Tutal, napakaraming kasanayan na dapat mong dalubhasain: mga pagliko, mga maneobra, pag-iwas, at kung ano ang gagawin kapag madulas ang daan, kapag matarik, at matrapik. Mientras mas bihasa ka bilang isang tsuper, higit na magtitiwala sa iyo ang iyong mga magulang.
Magkakabisa rin sa iyong mga magulang kung ipakikita mo na ikaw ay palaisip sa kaligtasan. Bagaman maaaring ipalagay mo ang mga seat belt na sagabal, sinasabi ng iba na binabawasan nito ang kalamangang mamatay sa isang aksidente ng 50 porsiyento! Matalino ring magkaroon ng isang rutina ng pagsiyasat sa kaligtasan (salamin, hangin sa gulong, mga kandado sa pinto, mga tulo, at iba pa) bago paandarin ang kotse.
“Puwede Ko bang Gamitin ang Kotse Mamayang Gabi, Itay?”
Kung napatunayan mo ang iyong sarili na isang maingat na tsuper, maaaring ipagamit sa iyo ng iyong mga magulang (marahil nang mabigat ang loob) ang kotse. Ang gayong pagpapagamit, gayunman, ay malamang na natatakdaan—sa paano man sa simula. Sa isang bagay, ang iyong mga magulang ay may pangangailangan din sa transportasyon, at hindi mo maaasahang lagi nilang ititigil ang kanilang plano upang mapagbigyan ka.
Ang malaking bahagi ay depende rin sa kung paano mo pinangangasiwaan ang iyong bagong tuklas na kalayaan. Ang pagbabalik sa kotse ng pamilya na walang lamang gasolina ang tangke o ang sahig ng kotse ay punô ng kalat na mga lata ng inumin at mga supot ay tiyak na puputol sa iyong mga pribilehiyo sa pagmamaneho. Maaaring tiyakin ng iyong mga magulang (sa pamamagitan ng pagsulat kung kinakailangan) ang mga kondisyon sa paggamit ng kotse. Sa bahagi mo naman, marahil ay maaari kang sumang-ayon na linisin ang kotse, kargahan ito ng gasolina, at tingnan ang gulong at mga antas ng likido nito bilang kapalit ng paggamit sa kotse sa isang gabi. Kung may trabaho ka pagkatapos ng eskuwela, maaaring tumulong ka sa pagbabayad ng seguro sa kotse o sa iba pang pagkakagastos sa kotse.
Palibhasa’y nalalaman na hinahatulan ng Bibliya ang “pagpapalayaw” sa anak na lalaki o babae, tama lamang na nais alamin ng iyong mga magulang kung saan ka talaga pupunta, sino ang kasama mo, at kung kailan ka babalik. (Kawikaan 29:15) Tutal, ang isang lisensiya sa pagmamaneho ay hindi isang lisensiya upang magwala o gumawa ng kalokohan sa hindi kasekso. Kaya maging tapat sa iyong mga magulang, ipaalam mo sa kanila na wala kang itinatago. At kapag ikaw ay sumang-ayon na uuwi sa isang tiyak na oras, tiyakin mo na tutuparin mo ang iyong sinabi. (Mateo 5:37) Malaki ang magagawa nito upang mahiram mo uli ang kotse.
Gayunman, tandaan: Ikaw ay may pananagutan sa iyong mga magulang at sa Diyos na sundin ang mga batas sa trapiko. (Roma 13:1-5) Mas mahalaga, ikaw ay may pananagutan na magpakita ng paggalang sa buhay—sa iyong buhay at sa iba. (Awit 36:9; 55:23) Kaya pigilin ang pagnanais na magyabang o makipagsapalaran. Huwag pagsamahin ang pag-inom at pagmamaneho.a Magmaneho nang may pananagutan, katinuan, at maingat—at ang iyong mga magulang ay baka magalak na bigyan ka ng makatuwirang paggamit sa kotse ng pamilya!
[Talababa]
[Mga larawan sa pahina 23]
Laging isauli ang kotse ng iyong mga magulang na nasa mabuting kondisyon