Paano Mo Minamalas ang mga Tao ng Ibang Lahi?
“Ang skinheads ng Amerika, gaya ng dinamikong skinheads sa Europa, ay uring-manggagawang mga kabataang Aryan.
Sinasalansang namin ang kapitalista at ang hamak na komunista na sumisira sa aming lahing Aryan. . . . Ang parasitikong lahing Judio ang nasa gitna ng aming problema.”
GAYON ang sabi ng isang pulyeto mula sa isang gang ng mga skinhead na base-sa-Chicago. Ito ang mga kabataang nag-aahit ng kanilang mga ulo, nagsusuot ng mapagkikilanlang siga-sigang kasuotan na may nakaburdang mga swastika, pinupuring mainam ang karahasan, nakikinig sa ‘lakas ng puti’ na musika, at hinahamak ang mga Judio, itim, at iba pang minoridad.
Sinabi ng lider ng isang gang na tinatawag na Romantic Violence sa isang asamblea ng mga lider ng puting lahi na ang kaniyang pangkat “ay kumakatawan sa digmaan,” at susog pa niya: “Ako’y marahas na tao. Mahal ko ang lahing puti, at kung mahal mo ang isang bagay ikaw ang pinakamasamang tao sa lupa.”
Kung ihahambing sa ibang kilusan, ang mga skinhead ay kakaunti sa bilang. Ang kanilang mga pangmalas ay labis-labis. Kakaunting tao lamang ngayon ang hayagang panatiko at agresibo sa kanilang pangmalas. Gayunman, marami ang lihim na nagtatanim ng galit sa mga tao ng ibang lahi at hindi nagtitiwala rito. Sa buong daigdig, ang mga tao ay hinahatulan ayon sa hilis ng kanilang mga mata o sa kulay ng kanilang balat. May anumang saligan ba ito? Mayroon bang katutubong mental at temperamental na pagkakaiba sa pagitan ng mga lahi? Upang sagutin ang mga tanong na ito, dapat muna nating suriin kung paano nagkaroon ng sarisaring pangmalas tungkol sa lahi sa nakalipas na mga dantaon.