-
Gaano ba Tayo Kalusog?Gumising!—1989 | Disyembre 8
-
-
Gaano ba Tayo Kalusog?
ISANG libong milyong dolyar isang araw! Ganiyan kalaki ang ginugugol ng mga tao sa Estados Unidos sa pangangalaga ng kalusugan. Ang mga naninirahan sa Pederal na Republika ng Alemanya ay gumugugol ng mahigit sa ikalimang bahagi ng kanilang kabuuang pambansang produkto, o mahigit 340 libong milyong deutsche marks isang taon, upang pangalagaan ang kanilang pangangailangang pangkalusugan. Ang kalagayan ay nahahawig sa nakararaming mga industriyalisado o maunlad na mga bansa.
Walang duda na ang pangkaraniwang mamamayan sa mga bansang ito ay nagiging higit na palaisip sa kalusugan. Lagi nang nangunguna ang mga aklat at video tungkol sa diyeta at ehersisyo sa listahan ng mga pinakamabili. Ang mga pagkaing pangkalusugan, mga bitamina, kasuotang pang-gymn at pang-ehersisyo ay naging multimilyong-dolyar na negosyo. At sa ngayon ang larawan ng isang matagumpay na tao ay hindi na ang ngumunguya-ng-sigarilyong mangangalakal kundi ang maayos, malinis, palaisip-sa-kalusugang tao.
Taglay ang lahat ng pansin at interes na ito na ibinibigay sa kalusugan at mabuting pangangatawan, tayo ba’y tunay na mas malusog ngayon kaysa mga tao ng nakaraang mga salinlahi? Ang pagkalaki-laking halaga bang ginugugol sa bayaring pangmedisina at pangangalaga sa kalusugan ay nagbunga ng mabuting pangangatawan para sa ating lahat? Totoo, gaano ba tayo kalusog?
Ang Larawan Ngayon
Kabaligtaran ng maaari nating asahan, ipinakikita ng mga ulat kapuwa buhat sa mayayaman at mahihirap na bansa sa palibot ng daigdig na ang mga tao sa ngayon ay malayo sa larawan ng kalusugan. Nagsasalita tungkol sa magkakaibang kalagayang pangkalusugan sa buong daigdig, isang ulat na inihanda ng Worldwatch Institute ang nagsasabi: “Bagama’t lubhang nagkakaiba-iba ang kanilang mga pangangailangang pangkalusugan, ang mayayaman at ang mahihirap ay may isang bagay na magkatulad: kapuwa sila namamatay nang hindi kinakailangan. Ang mayayaman ay namamatay sa sakit sa puso at kanser, ang mahihirap ay namamatay sa diarrhea, pulmonya at tigdas.”
Sa kabila ng mga pagsulong sa pananaliksik sa medisina, ang sakit sa puso at kanser ay patuloy na nagiging parusa ng mayayamang bansa. Sa katunayan, isang ulat sa The New England Journal of Medicine ang nagsasabi: “Wala kaming nakikitang dahilan upang asahan ang panlahat na pagsulong nito lamang nakalipas na mga taon. Walang dahilan upang isipin na, sa kabuuan, ang kanser ay nagiging di pangkaraniwan.” Kung tungkol sa ‘fitness boom,’ ang kalagayan ay mahusay na binuod ni Dr. Michael McGinnis ng U.S. Department of Health and Human Services: “Ang lubhang nakararami ay nakababatid ng kahalagahan ng mabuting pangangatawan. Subalit hindi sila mismo gagawa ng pagkilos. Ang mga Amerikano ay hindi mabuti ang pangangatawan gaya ng kanilang inaakala.”
Sa kabilang dako ng timbangan, “sangkapat sa mga tao ng daigdig ang kulang sa malinis na tubig na maiinom at malinis na pagliligpit ng dumi ng tao,” sabi ng ulat ng Worldwatch. “Bilang resulta, laganap ang mga sakit na diarrhea sa Third World o mahihirap na bansa at siyang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga sanggol.” Ang diarrhea, pulmonya, tigdas, dipterya, tuberkulosis, at iba pang mga sakit, ang pumapatay ng mga 15 milyong bata na wala pang limang taon bawat taon at sumusugpo sa normal na paglaki ng milyun-milyon pa. Subalit, ang tunay na kabalintunaan ay na nadarama ng mga dalubhasa na karamihan sa mga ito ay madaling maiwasan.
Habang ang mga bata sa mauunlad na bansa ay ligtas sa ganitong mga trahedya, may mga nakagagambalang palatandaan na ang panlahat na kalusugan ng kabataan sa ngayon ay bumababa sa halip na sumulong. Halimbawa, iniuulat ng The Guardian ng London, sa ilalim ng ulong balita na “Mga Batang ‘Mas Malusog 35 Taong Nakalipas,’” na natuklasan ng isang surbey ng Medical Research Council na “totoong dumami ang mga batang hanggang apat na taong gulang na tinatanggap sa ospital, tatlong ulit na pagdami ng mga kalagayan ng hika, at anim na ulit na pagdami ng eczema sa bagong salinlahi.” Nasumpungan din ang biglang pagdami ng diabetes sa bata, labis na pagtaba, kaigtingan, at mga karamdamang emosyonal.
Isinisiwalat din ng pambansang mga pag-aaral sa Estados Unidos na ang pisikal na kalagayan ng mga batang mag-aaral sa ngayon ay di-tulad ng nararapat dito. “Ito ang pinakatatagong lihim sa Amerika ngayon—ang kakulangan ng mabuting pangangatawan ng mga kabataan,” wika ni George Allen, tagapangulo ng President’s Council on Physical Fitness and Sports. Ang pinakahuling mga bilang na inilabas ng konseho ay nagpapakita na 40 porsiyento ng mga batang lalaki at 70 porsiyento ng mga batang babae na edad 6 hanggang 17 ay hindi makagawa ng higit sa isang chin-up. Ang ibang mga pag-aaral ay nakasumpong na ang mga tin-edyer ngayon ay mas mataas na presyon ng dugo, di-malusog na antas ng kolesterol sa dugo at taba ng katawan, huwag nang banggitin ang malubhang emosyonal na mga suliranin, gayundin ang suliranin sa pag-abuso sa droga at alkohol.
Tumitingin sa Unahan
Karamihan sa atin ang nakakaunawa na ang ating kalagayang pangkalusugan sa buong buhay ay tinitiyak, sa isang tiyak na lawak, ng kalagayan ng kalusugan noong ating kabataan. Hindi kataka-taka, kung gayon, nang sabihin ni George Allen: “Ang aking ikinababahala ay na kung hindi tuturuan ang mga kabataan tungkol sa mabuting pangangatawan ngayon, hindi na nila ito matututuhan bilang mga adulto.” Totoo rin ito sa papaunlad na mga bansa, liban na lamang na doon maraming bata ang hindi nabibigyan ng pagkakataong sumulong bilang malulusog na adulto.
Nakababalisa sa ganang sarili, ang mga suliranin ay maaaring lutasin. Bilang mga indibiduwal, saan ka man nakatira, mayroon kang magagawa sa iyong kalusugan at sa kalusugan ng iyong pamilya. Karamihan sa mga ito, gayumpaman, ay nakasalalay sa iyong pangmalas ng iyong kalusugan at ng iyong sarili. Tunay, ang mga tanong ay maaaring ibangon: Ano ang kalusugan? Ano ang magagawa mo upang panatilihin ang mabuting kalusugan? Ang mga katanungang ito ay tatalakayin sa mga sumusunod na artikulo.
Bagaman ang mga tao’y tila mas palaisip sa kalusugan, sila ay malayo sa larawan ng kalusugan
“Maraming mga mag-aaral ang ayaw mag-ehersisyo dahil ito’y masyadong nakakapagod. Wala silang lakas.”—magasing Time
-
-
Ano ang Kalusugan?Gumising!—1989 | Disyembre 8
-
-
Ano ang Kalusugan?
ANG isang tao ba ay tunay na nasa mabuting kalusugan dahil hindi siya nakadarama ng sakit? Bueno, gaano kadalas ka na bang nakarinig ng mga indibiduwal na tila ganap na matipuno subalit biglang namatay dahil sa di-inaasahang sanhi? Ipinakikita ng mga ulat na halos ikalimang bahagi ng mga namamatay sa sakit sa puso bawat taon ay hindi kinakitaan ng bahagya mang indikasyon na may anumang diperensiya sa kanila. Malinaw, ang mabuting pakiramdam o pangangatawan ay hindi katiyakan na ang isa ay nasa mabuting kalusugan.
Kuning halimbawa, ang isang 22-anyos na manlalaro ng basketbol sa kolehiyo. Sa lahat ng pangkaraniwang pamantayan, siya ay maituturing na isang malusog na tao na nasa kaniyang kalakasan. Subalit isang gabi siya’y namatay—nang bigla. Isiniwalat ng mga pagsisiyasat na ang sanhi ng kamatayan ay isang pagmamalabis sa droga. Bagama’t nasa pinakamahusay na kalagayang-pisikal siya, siya ba’y namumuhay ng isang malusog na buhay? Hindi.
Sa katunayan, kung gayon, ang kalusugan ay higit pa kaysa hindi lamang pagkakasakit. Siyempre pa, ang pagmamana at ang kapaligiran ay gumaganap ng kanilang bahagi, ngunit sa ilalim ng mga normal na kalagayan, ang ating paraan ng pamumuhay ay marahil ang nag-iisang pinakamahalagang salik na namamahala ng ating kalusugan. Ang ating kinakain at iniinom, kung gaano tayo kaaktibo, gaano karami ang pahinga na ating nakukuha, kung paano tayo tumutugon sa kaigtingan, at ilan pang personal na mga kaugalian ay alin sa makabubuti sa ating kalusugan o makapipinsala rito. Samakatuwid, sa isang malaking antas, ang ating kalusugan ay kung ano ang ginagawa natin dito. Ang simulain ng Bibliya, “Anumang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin,” ay kumakapit rin sa ating pisikal na kalusugan.—Galacia 6:7
Kalusugan at Istilo-ng-Pamumuhay
Halimbawa, alam na alam na sa maraming malalaking kompanyang Hapones, ang mga empleyado ay sumasailalim ng mahigpit na mga rutinang pang-ehersisyo bawat araw. Ang resulta? “Mayroong di mumunting ebidensiyang pang-estadistika na nagpapatunay sa pangmalas na ang mga manggagawang Hapones ang siyang pinakamalulusog sa daigdig,” sabi ng magasing pambalita ng Asiaweek. Sa kabilang dako, itinuturo ng ulat na sa Hapon, “ang kanser ang sanhi ng halos isa sa apat na kamatayan; atake sa puso at atake serebral ay isa sa bawat lima, at mga karamdaman sa palahingahan ay isa sa bawat labindalawa. Isang lalaki sa bawat 52 ay nagpapakamatay (para sa mga babae, ang pagpapatiwakal ay isa sa 70).”
Ang mga pahayag bang ito ay tila pabagu-bago o magkasalungatan pa nga? Hindi naman, kung ating susuriin ang mga katotohanan. Dahil sa 40 porsiyento ng lahat ng mga adultong naninigarilyo ng 300 libong milyong sigarilyo sa isang taon, ang Hapon ay pumapangalawa sa buong daigdig (kasunod lamang ng Gresya) sa nakukunsumong sigarilyo per capita. Isa pa, bawat taon ang mga lalaking Hapones ay umiinom ng 8 libong milyong bote ng beer at 1.5 libong milyong litro ng sake. Ito ay katumbas ng pag-inom ng halos kalahating litro ng purong alkohol bawat lalaki bawat linggo. Tunay na nakapagtataka kung ang mga gayong nakapipinsalang gawain ay hindi magkakaroon ng malaking epekto sa kalusugan ng mga tao.
Bagama’t maaaring ikatuwiran na ang mga Hapones ay may pinakamahabang buhay kaysa alinmang bayan at na ang kanilang konsumo ng tabako at alkohol ay mas mababa kaysa mga iba pa, ang ganitong mga paghahambing sa katapus-tapusan ay walang saysay. Ang totoo ay na ang mga tao ay namamatay nang wala sa panahon at di-kinakailangan. Maaaring sila’y mukhang mas malusog kaysa iba, subalit sila ba’y tunay na malusog?
Maliwanag, kung gayon, na ipinakikita ng ating kalusugan ang kabuuan ng ating istilo ng pamumuhay at ang ating pangaraw-araw na mga kaugalian. Ang mabuting kalusugan ay nagsasangkot ng isang timbang na paraan ng pamumuhay na nagbubunga ng ating mabuting pisikal, mental, emosyonal, at sosyal na kalagayan, pinangyayari tayong makaya ang ating kapaligiraan at magtamasa ng makatuwirang kaligayahan at kasiyahan mula sa ating pangaraw-araw na mga gawain. Ano ang maaari nating gawin upang matamo iyan?
[Blurb sa pahina 6]
Ang pagmamana at ang kapaligiran ay gumaganap ng kanilang mga bahagi, subalit ang ating paraan ng pamumuhay ay marahil ang tanging pinakamahalagang salik na namamahala sa ating kalusugan
[Larawan sa pahina 5]
Ang hitsura ng mabuting kalusugan ay maaaring nakapandaraya
-
-
Mabuting Kalusugan—Ano ang Magagawa Mo Rito?Gumising!—1989 | Disyembre 8
-
-
Mabuting Kalusugan—Ano ang Magagawa Mo Rito?
“BILANG bahagyang bunga ng ilang kagila-gilalas na tagumpay ng modernong medisina, isang saloobin ang kumalat sa maraming bahagi ng daigdig na ang kalusugan ay isang bagay na inilalaan ng mga manggagamot sa mga tao, sa halip na isang bagay na natatamasa ng mga pamayanan at indibiduwal para sa kanilang mga sarili.” Ganiyan ang isinulat ni Dr. Halfdan Mahler sa World Health, ang opisyal na babasahin ng World Health Organization.
Siyempre pa, ang mga doktor at pagamutan ay tumutulong ng malaki sa ating kalusugan at mabuting kalagayan. Gayumpaman, sila ay gumaganap ng pangunahin na’y bahaging panggagamot. Ating sinasangguni ang kanilang mga paglilingkod kapag mayroong di-mabuti, subalit bihira natin silang maisip kapag mabuti ang ating pakiramdam. Ano, kung gayon, ang ating maaaring gawin upang magtamasa ng mabuting kalusugan para sa ating sarili?
Mga Tagubilin para sa Malusog na Pamumuhay
Sa pangkalahatan, ang mga dalubhasa ay sumang-ayon na ang mabuting kalusugan ay nasasalalay sa tatlong pangunahing mga salik: timbang na pagkain, palagiang ehersisyo, at pamumuhay na responsable. Tiyak na walang kakulangan ng impormasyon sa mga paksang ito, at karamihan sa mga ito ay praktikal at nakatutulong. Ilang may kinalaman at napapanahong mga ideya tungkol sa kung paano ang diyeta at ehersisyo ay kaugnay ng ating kalusugan ay inihaharap sa mga kahong “Ang Iyong Pagkain at ang Iyong Kalusugan” at “Ehersisyo, Mabuting Pangangatawan, at Kalusugan.”
Bagama’t maraming impormasyon ang makukuha, ipinakikita ng katotohanan, nakapanghihinayang, na ang pagtatamasa ng mabuting kalusugan ay hindi nangunguna sa talaan ng mga prayoridad ng mga tao. Kabilang sa iba pang bagay, “alam ng lahat kung ano ang kailangan upang magbawas ng timbang,” wika ni Dr. Marion Nestle ng Office of Disease Prevention and Health Promotion sa Washington, “ngunit ang paglaganap ng labis na timbang ay tila hindi gaanong nagbabago.” Ayon sa kaniyang tanggapan, halos 1 sa 4 na tao sa Estados Unidos ay mahigit na 20 porsiyento ang labis na timbang.
Kahawig nito, isang pag-aaral ng U.S. National Center for Health Statistics ang naghahayag: “Sa pangkalahatan, sa pagitan ng 1977 at 1983 may lumilitaw na pagsulong sa di-kanais-nais na mga kaugaliang pangkalusugan.” Ano ang mga “di-kanais-nais na mga kaugaliang pangkalusugan” na ito? Ang mga ito ay hindi mga suliranin na hindi kayang pigilin ng indibiduwal, tulad baga ng malnutrisyon, mga epidemya, o polusyon. Sa halip, ang mga ito ay mga salik na sa kalahatan ay pananagutan ng indibiduwal—mga gawaing tulad ng paninigarilyo, labis na pagkain, labis na pag-inom, at pag-abuso sa droga.
Malinaw, higit kaysa medikal o siyentipikong impormasyon sa kung ano ang gagawin upang magtamasa ng mabuting kalusugan ang ating kailangan. Higit na pangganyak ang kailangan upang gawin ang ating indibiduwal na mga pananagutan. Tayo’y dapat na maganyak na gawin hindi lamang ang mga bagay na tumutulong sa mabuting kalusugan kundi ang pag-iwas rin naman sa mga bagay na sisira dito. Saan tayo makakasumpong ng gayong pampasigla at pangganyak na tutulong sa ating mamuhay ng malusog?
Bagama’t ang karamihan ng mga tao ay hindi nakababatid nito, isang doktor-autor, si S. I. McMillen, ay nagkomento sa paunang-salita ng kaniyang aklat na None of These Diseases: “Ako’y nananalig na matatawag ang pansin ng mambabasa na alamin na ang mga tagubilin ng Bibliya ay makapagliligtas sa kaniya mula sa tiyak na mga nakahahawang sakit, sa maraming nakamamatay na mga kanser, at mula sa mahabang pagpapahirap ng mga sakit saykosomatiko na lumalago sa kabila ng lahat ng mga pagsisikap ng modernong medisina. . . . Ang kapayapaan ay hindi dumarating sa mga kapsula.”
Makikita natin mula sa mga pahayag na ito na bagama’t ang Bibliya ay hindi isang aklat-aralin sa medisina o isang manwal sa kalusugan, ito ay naglalaan ng mga simulain at tagubilin na magbubunga ng kanais-nais na paggawi at mabuting kalusugan. Ano ang ilan sa mga simulaing ito?
Mga Damdamin at Pangmalas sa Buhay
Bilang halimbawa, “kinikilala ng siyensiyang pangmedisina na ang mga damdamin gaya ng takot, kalungkutan, inggit, sama-ng-loob at pagkapoot ay may pananagutan sa karamihan ng ating mga karamdaman,” sabi ng sinipi-sa-itaas na si Dr. McMillen. “Ang mga kalkulasyon ay nagkakaiba-iba mula sa 60 porsiyento hanggang sa halos 100 porsiyento.”
Ano ang maaaring gawin upang malunasan ito? Kawili-wili, mga 3,000 taon nakararaan, itinuturo ng Bibliya: “Ang pusong matiwasay ang buhay ng katawan, ngunit ang pananaghili ay kabulukan ng mga buto.” (Kawikaan 14:30) Ngunit paano ba nagkakaroon ang isa ng “isang pusong matiwasay”? Ang payo ng Bibliya ay: “At lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat ng kasamaan.” (Efeso 4:31) Sa ibang salita, upang tamasahin ang mabuting pisikal na kalusugan, dapat nating pag-aralang supilin ang ating mga damdamin
Ito, siyempre pa, ay kabaligtaran ng payo ng ilang makabagong mga sikayatrista at sikologo. Madalas nilang irekomenda na ilabas natin ang ating mga damdamin sa halip sa supilin ang mga ito. Ang paglalabas at pagbubulalas ng galit ng isa ay maaaring magdala ng pansamantalang ginhawa sa isa na nakadaramang nakukulong at nababalisa. Subalit ano ang nagagawa nito sa kaniyang ugnayan sa mga nakapalibot sa kaniya, at ano naman ang maaaring maging reaksiyon nila? Hindi mahirap gunigunihin ang tensiyon at bagbag na kalooban, huwag nang banggitin ang posibleng pisikal na pinsala, na maaaring ibunga kung ang bawat isa’y maglalabas ng kaniyang damdamin sa halip na pagsikapang supilin ang mga ito. Ito ay gumagawa lamang na isang masamang siklo na hindi magwawakas.
Mangyari pa, hindi madaling supilin ang mapaminsalang mga damdaming ito, lalo na kung ang isa ay madaling bumigay sa pagkagalit at pagkapoot. Kaya naman nagpapatuloy ang Bibliya sa pagsasabing: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, malumanay sa kaawaan, saganang nagpapatawad sa isa’t isa.” (Efeso 4:32) Sa ibang salita, sinasabi nito na dapat nating halinhan ang mga nakapipinsalang negatibong mga damdamin ng positibong mga damdamin.
Ano ang nagagawa sa atin ng gayong positibong mga damdamin sa iba? “Ang pagmamahal ay biolohiko,” sulat ni Dr. James Lynch sa kaniyang aklat na The Broken Heart. “Ang utos na ‘mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili’ ay hindi lamang isang kautusang moral—isa rin itong utos pisyolohiko.” May kinalaman sa mga kabutihang dulot ng gayong positibong mga kaugnayan, si Robert Taylor, isang sikayatrista, ay nagdaragdag: “Ang pagkakaalam na may mga taong maari mong takbuhan sa mga panahon ng pangangailangan ay nakapaglalaan ng mahahalagang damdamin ng katiwasayan, optimismo at pag-asa—lahat ng ito ay maaaring maging dakilang lunas sa kaigtingan.” Samakatuwid, samantalang ang makabagong medisina ay maaaring makagawa ng mga panlunas sa ilan sa mga tinatawag na sakit saykosomatiko, ang payak na mga tagubilin ng Bibliya ay makatutulong upang maiwasan maging ang kanila mismong paglitaw. Sinumang nagnanais na ikapit ang mga tagubilin ng Bibliya ay makikinabang sa emosyonal at pisikal.
Mga Bisyo at Pagkasugapa
Isa pang bagay na nakaaapekto sa ating emosyonal at pisikal na pangangatawan ay ang ating pakikitungo sa ating katawan. Taglay ang makatuwirang pagsisikap sa ating bahagi—wastong pagkain, pagkuha ng kinakailangang ehersisyo at pamamahinga, pananatiling malinis, at iba pa—ang ating katawan ay mangangalaga sa kaniyang sarili. Subalit, kung ating patuluyang pagmamalabisan ito, sa malao’t madali ito ay masisira, at mararanasan natin ang mga pinsala.
Ang payo ng Bibliya ay: “Magsipaglinis tayo sa lahat ng karumihan ng laman at ng espiritu.” (2 Corinto 7:1) Paano natin maikakapit ang ganiyang payo, at ano ang mga pakinabang? Isaalang-alang ang sumusunod na ulat ng Worldwatch Institute na nasa Washington: “Ang paninigarilyo ay isang epidemyang sumusulong ng 2.1 porsiyento sa isang taon, mas mabilis kaysa pandaigdig na populasyon. . . . Ang pagsulong sa paggamit ng tabako ay saglit na bumagal sa mga unang bahagi ng dekada otsenta, pangunahin na dahil sa mga dahilang pangkabuhayan, subalit bumabalik sa dati nitong mabilis na pagsulong. Higit sa isang bilyong katao ang naninigarilyo ngayon, kumukunsumo ng halos 5 trilyong sigarilyo bawat taon, sa katamtaman ay higit sa kalahati ng isang kaha isang araw.”
Ano ang naging epekto ng ganitong ‘lumalagong epidemya’? Ang sumusunod na kahon ay nagbibigay ng isang bagay na dapat pag-isipan. Ang talaaan ay hindi naman nakahahapo, subalit ang mensahe ay maliwanag: Ang pagkasugapa sa tabako ay kapuwa malakas at magastos. Ito ay isang maruming bisyo na nakapipinsala sa kalusugan ng sugapa at ng mga nakapalibot sa kaniya.
Kumusta naman ang mga pagsisikap na itigil ang bisyong ito? Sa kabila ng lahat ng mga kampanya laban sa paninigarilyo, kaunti lamang ang tagumpay sa pandaigdig na proporsiyon. Ito ay dahil sa ang pananagumpay sa bisyo ng pananabako ay isang mahigpit na pakikipagbaka. Ipinakikita ng pananaliksik na 1 lamang sa 4 na naninigarilyo ang nagtatagumpay sa pagtigil sa bisyong ito. Maliwanag na ang lahat ng mga babala na ang paninigarilyo ay isang pinsalang pangkalusugan ay hindi sapat na pangganyak.
Subalit, ang payo ng Bibliya na sinipi sa itaas, kasama ang utos sa mga Kristiyano na ibigin ang kanilang kapuwa gaya ng kanilang mga sarili, ang nagpakilos sa libu-libo na ngayo’y mga Saksi ni Jehova na tumigil sa paninigarilyo. Maging sa kanilang mga Kingdom Hall, kung saan sila nagtitipon mga ilang oras bawat linggo, o maging sa kanilang mga kombensiyon, kung saan libu-libo sa kanila ang nagtitipon ng ilang mga araw, wala kang makikitang ilan man sa kanila na may sigarilyo. Ang kanilang kusang-loob na pagtanggap at pagkakapit ng mga utos ng Bibliya ay nagbigay sa kanila ng kinakailangang tibay-loob na gawin ang hindi nagawa ng iba.
Ang ilan pang nakapipinsalang mga bisyo ay labis na pag-inom ng inuming nakalalasing, pag-abuso sa droga, handalapak na sekso taglay ang posibleng nakamamatay na mga sakit na bunga nito, at marami pang nakagagambalang suliraning pangkalusugan at panlipunan. Bagama’t ang mga autoridad sa kalusugan ay hirap na hirap sa pakikitungo sa ganitong mga suliranin, masusumpungan mo na ang Bibliya ay naglalaan ng payo na kapuwa makatuwiran at praktikal.a—Kawikaan 20:1; Gawa 15:20, 29; 1 Corinto 6:13, 18.
Kung Kailan Magwawakas ang Lahat ng Sakit
Gaano man ang ating pagsisikap na panatilihin ang mabuting kalusugan, nananatili pa rin ang masakit na katotohanan, sa ngayon, tayo’y nagkakasakit at namamatay. Subalit, ang Maylikha ng tao, ang Diyos na Jehova, ay hindi lamang nagsasabi sa atin kung bakit nagkakasakit ang tao at namamatay kundi sinasabi rin niya sa atin ang tungkol sa panahong malapit nang dumating kung saan ang sakit at maging kamatayan mismo ay mapagtatagumpayan.—Roma 5:12.
Isang hula sa Bibliya sa Isaias 33:24 ang nangangako: “Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’” Ipinapangako rin ng Apocalipsis 21:4: “At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man.” Oo, ang pangako ng Maylikha ay isang bagong sanlibutan dito mismo sa lupa kung saan ang sangkatauhan ay itataas sa kasakdalan ng tao, taglay ang mahusay na kalusugan at buhay na walang hanggan ang magiging kalagayan ng sambahayan ng tao!—Isaias 65:17-25.
-