Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ang mga “Rave” ba ay Di-Nakapipinsalang Katuwaan?
“Kapag ako’y sumasayaw nang nakataas ang mga kamay at ang musika ay bumubugso sa aking katawan, nadadala ako sa kasiglahan ng iba pang nagsasayaw. Nawawala ako sa aking sarili.”—Gena.
GANIYAN inilalarawan ni Gena ang pangingilig sa tuwa kapag pumupunta sa isang rave (maharot na sayawan). Ang mga sayawang ito, na kadalasa’y tumatagal nang magdamagan, ay unang naging popular sa Britanya noong mga taóng 1980. Ngayon ay nauuso na ito sa lahat ng bahagi ng mundo, kasali na ang Alemanya, Belgium, Canada, Estados Unidos, India, New Zealand, at Timog Aprika.
Ang rave ay ginaganap sa mga klub, pinabayaang mga bodega, mga bakanteng lote—saanmang lugar na maaaring pagtipunan ng mga tao para sa isang gabi ng umaatikabo at walang-humpay na sayawan. “Unti-unting napapalitan ng mga rave ang pagna-nightclub bilang mas nakahihiligang libangan ng mga kabataan,” isinulat ni Adam Levin, sa Sunday Times Magazine ng Johannesburg, Timog Aprika. “Kung hindi pa ito nababanggit ng inyong mga anak na tin-edyer,” dagdag pa niya, “nangangahulugan na hindi kayo gaanong nag-uusap.”
Isang Sulyap sa Eksena ng Rave
Ang rave kung minsan ay inililihim, anupat hindi sinasabi kung saan gagawin hanggang sa araw mismo ng okasyon. Gayunman, kapag nagkislapan na ang iba’t ibang kulay ng ilaw at nagsimula na ang nakayayanig na musikang tekno, maaaring mga ilang dosena hanggang sa libu-libong kabataan na may kakatwang kasuutan ang naroroon. “Para itong isang malaki at nagkakaisang pulutong ng mga tao na nagsasayawan at nagpapakawala ng kanilang kapusukan sa kumpas ng musika,” sabi ni Katy, nasa ikalawang taon sa kolehiyo.
Gayunman, ang rave ay higit pa sa basta sayaw lamang. Ito’y isa ring kultura, o isang “eksena,” gaya ng gustong itawag dito ng mga nagre-rave. Ang pangunahing simulain ng eksena ng rave ay ipinalalagay na kapayapaan, pag-ibig, pagkakaisa, at paggalang—anuman ang lahi, nasyonalidad, o seksuwal na oryentasyon. “Sinisikap naming pagsamahin ang kultura sa mga pagtitipong ito,” sabi ng may-ari ng isang tindahan na ang espesyalidad ay musika sa sayaw. “Ang ideya ay ang pagsasama-sama,” dagdag niya, “at ang sama-samang pagsasayaw ay isang epektibong paraan upang matamo iyon.”
Dahil sa ganitong waring marangal na mithiin, maitatanong mo marahil, ‘Ano naman ang masama sa rave?’ Ngunit may isa pang panig ang eksena ng rave na dapat mong isaalang-alang.
Ang Masamang Panig ng mga Rave
Sinasabi ng ilan na ang alkohol ay bihirang-bihira sa mga rave. Gayunman, ang mga droga ay napakapalasak. “Iniisip ng isa kung tatanggapin kaya agad ng publiko ang rave kung wala ritong gaanong droga,” ang inamin ng isang nagre-rave na ang pangalan ay Brian. “Mangyari pa,” dagdag niya, “marami naman ang nag-iisip kung paano naman kaya lilitaw ang mga rave nang wala ang mga ito.”
Bagaman nauso na ang marihuwana at LSD sa ilang rave, ang mas nagugustuhang droga ng mga nagre-rave ay waring ang MDMA, na kilala bilang Ekstasi. Ang Ekstasi ayon sa mga gumagamit ay ligtas naman. Iginigiit nila na pinasisigla lamang sila nito upang makapagsayaw sa buong magdamag at pinatitindi nito ang kanilang katuwaan. Ngunit, sa ilalim ng ulong-balita na “Maaaring Mapinsala ng Popular na Droga ang Utak,” sinabi ng The New York Times na ang Ekstasi “ay maaaring magdulot ng pangmatagalan at masamang epekto sa gana, pagtulog, kondisyon, pagiging pabigla-bigla at iba pang gamit ng pag-iisip.” At hindi lamang iyan. “May ilang namamatay dahil sa Ekstasi,” sabi ni Dr. Howard McKinney, “at may ilang pangyayari na ang mga taong umiinom ng katamtamang dosis ay dumaranas ng panghihina ng puso, panghihina ng atay o nakokoma.” May katuwiran si Dr. Sylvain de Miranda sa pagsasabi: “Ang mga nagre-rave na nakainom ng Ekstasi ay nakikipagsayaw kay kamatayan.”
Maging ang mga organikong droga—gaya ng Herbal Acid, Acceleration, herbal na Ekstasi, o Rush—ay maaaring makapinsala. Halimbawa, sinasabi na sa ilalim ng ilang kalagayan, ang organikong droga na Acceleration ay nagiging sanhi ng atake sa puso at kamatayan pa nga.
Para sa mga nagpipilit na hindi nakapipinsala ang mga drogang ginagamit sa mga rave, may isa pang salik na dapat isaalang-alang. Sinabi ng pulis detektib na si Ian Briggs na 90 porsiyento ng drogang ipinagbibili bilang Ekstasi ay hindi naman talagang Ekstasi. “Karamihan sa mga ito ay PCP o iba pang mapanganib na droga,” sabi niya. “Ang mga taong nagtitinda nito ay mga walang konsiyensiya. Nawawala na sila kapag umeepekto na ang mga droga.”a
Di-maikakaila, may ilang rave na wala namang droga. Gayunman, maging ang mga nagre-rave ay umaamin na kadalasan nang imposibleng mahulaan kung may sinuman, kung marami, o kung karamihan sa mga naroroon sa rave ay maiimpluwensiyahan ng ilegal na droga o alkohol.
Talaga Bang Para sa Iyo ang mga Rave?
Wala naman talagang masama sa musika at pagsasayaw, ni hindi rin naman mali ang magkatuwaan. Tutal, sinasabi ng Bibliya na may “panahon para magalak” at “panahon para magsayaw.” (Eclesiastes 3:4, Today’s English Version) Nagpapayo rin ito na: “Magsaya . . . sa iyong kabataan.” (Eclesiastes 11:9) Kaya nga nais ng Maylalang na ikaw ay lumigaya! Gayunman, dapat mong tandaan na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Kaya naman, hindi magiging kataka-taka na ang mga anyo ng libangan na kinababaliwan ng sanlibutan ay malimit na nababahiran ng di-kanais-nais na mga elemento.
Halimbawa, isaisip natin yaong mga nagtutungo sa rave. Sinusunod ba nila ang payo ng Bibliya na ‘linisin nila ang kanilang mga sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu’? (2 Corinto 7:1) Totoo, ang mga nagre-rave ay nagtataguyod naman ng kapayapaan, pag-ibig, at pagkakaisa. Subalit “ang karunungan mula sa itaas” ay hindi lamang “mapayapa”; ito’y “malinis” din. (Santiago 3:15, 17) Tanungin ang iyong sarili, ‘Ang moral ba niyaong madalas na nagre-rave ay kasuwato ng mga pamantayang masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya? Nanaisin ko bang makipagdamagan sa “mga maibigin sa kaluguran kaysa maibigin sa Diyos”?’—2 Timoteo 3:4; 1 Corinto 6:9, 10; ihambing ang Isaias 5:11, 12.
Ito’y mahahalagang tanong na dapat isaalang-alang, sapagkat isinulat ni Pablo na “ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na kinaugalian.” (1 Corinto 15:33) Ang patuloy na pakikisama sa mga nagwawalang-bahala sa mga batas ng Diyos ay hahantong sa kapahamakan, sapagkat sinasabi sa Bibliya: “Ang lumalakad na kasama ng marurunong na tao ay magiging marunong, ngunit siyang may pakikipag-ugnayan sa mga hangal ay malalagay sa masama.”—Kawikaan 13:20.
Ang totoo ay na ang mga rave sa katunayan ay pagdodroga at yaong mga naroroon ay maaaring umani ng mapapait na bunga. Halimbawa, ang ilang nagre-rave ay sinasalakay at ipinasasara ng mga pulis, alinman sa dahilang ang mga ito’y ginaganap nang ilegal o dahil sa may mga droga roon. Nanaisin mo bang mapabilang sa mga hindi sumusunod sa batas? (Roma 13:1, 2) Ipagpalagay nang wala namang nilalabag na batas, makapupunta ka ba sa gayong pagkakasayahan at pagkatapos ay makapananatili pa ring “walang batik mula sa sanlibutan”? (Santiago 1:27) Yamang ang maiingay na pagsasaya, o “walang-taros na pagkakasayahan” (Byington), ay hinahatulan sa Bibliya, mapananatili mo pa ba ang isang malinis na budhi sa harap ng Diyos at ng mga tao kung ikaw ay naroroon sa isang rave?—Galacia 5:21; 2 Corinto 4:1, 2; 1 Timoteo 1:18, 19.
Maliwanag kung gayon, ang mga Kristiyano ay dapat mag-ingat sa panganib ng mga rave. Ngunit huwag kang mawalan ng pag-asa. Marami pang libangan na maaari mong pagkatuwaan. Halimbawa, maraming pamilya na mga Saksi ni Jehova ang nagsasaayos ng mga kapaki-pakinabang na pagtitipon.b Sa maingat na pagpaplano at pangangasiwa, ang mga ito’y nagpapangyari sa lahat ng naroroon na makadamang sila’y narepreskuhan sa espirituwal at sa pisikal. Higit na mahalaga, ang nakapagpapatibay na pagsasamahan ay nakalulugod kay Jehova, “ang maligayang Diyos,” na nagnanais na ang kaniyang bayan ay maging masaya.—1 Timoteo 1:11; Eclesiastes 8:15.
[Mga talababa]
a PCP (phencyclidine) ay isang anestisya na kung minsan ay ilegal na ginagamit upang makabuo ng maliliwanag na imahinasyon.
b Para sa higit pang impormasyon, tingnan Ang Bantayan, Agosto 15, 1992, pahina 15-20, at Gumising!, Mayo 22, 1997, pahina 8-10.
[Kahon sa pahina 26]
Ano ba ang Tekno?
Sa madaling salita, ang tekno ay tumutukoy sa elektronikang musika sa sayaw. Marami itong istilo. Halos inilalarawan ito ng lahat bilang paulit-ulit na tiyempo, yamang ito’y karaniwan nang may kumpas na umaabot sa pagitan ng 115 at 160 bawat minuto.
“Para sa mga hindi sanáy rito,” sabi ng The European, “ang tekno ay parang ingay na naririnig mo kapag nakaupo ka sa silya ng dentista, kasabay ng pagkakaingay na maguguniguni mo noong gabing pinupuksa ang Sodoma at Gomorra.” Gayunman, ang ibang tagapakinig ay naaakit ng tuluy-tuloy na tiyempo ng tekno. “Para sa akin,” sabi ng 18-taóng-gulang na si Christine, “ang musikang ito ay nagdudulot ng walang-limitasyong kalayaan at kasarinlan.” Gayundin ang nadarama ni Sonja. “Noong una,” inamin niya, “hindi ko nagustuhan ang musikang tekno. Pero kapag lagi mo itong pinakikinggan, magugustuhan mo na rin ito. Kung lalakasan mo ito nang husto, maririnig mo ang bumabayong tiyempo nito. Kusa kang mapapaindak. Kung hindi ka mag-iingat, hindi mo na mapipigil ang pagsunod ng iyong buong katawan sa tiyempo.” Si Shirley, edad 19, ay mayroon pang napatunayan tungkol sa tekno. “Ito’y higit pa sa musika,” sabi niya. “Ito’y isang kabuuang paraan ng pamumuhay, na ipinakikita sa kasuutan at pagsasalita.”
Hangad ng mga Kristiyano na “patuloy na tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.” (Efeso 5:10) Samakatuwid, dapat nilang pag-ingatan ang tekno gaya ng pag-iingat nila sa iba pang istilo ng musika. Kung masumpungan mo ang iyong sarili na nahihilig sa tekno, tanungin ang iyong sarili: ‘Paano ako naaapektuhan ng istilong ito ng musika? Pinaliligaya ba ako nito, pinahihinahon, at pinapayapa? O iniinis ako nito, anupat marahil ay sinusulsulan pa nga ng nakagagalit o imoral na mga pag-iisip? Ang pagkagiliw ko ba sa istilong ito ng musika ay naglalapit sa akin sa istilo nito ng pamumuhay? Matutukso kaya akong pumunta sa rave upang mapakinggan ang istilong ito ng musika o sayawán ito?’
Tunay, ang mahalaga ay ito: Anuman ang hilig mong musika, huwag na huwag mong hayaang pumagitna ito sa iyo at sa iyong makalangit na Ama.