Pagbabagong-anyo—Maniniwala Na ba Kapag Ito’y Nakita?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CENTRAL AFRICAN REPUBLIC
ANG mangkukulam ay patay na. Subalit para sa marami sa pulutong na nagkatipon sa labas ng kaniyang bahay, nagbagong-anyo lamang siya. Sapagkat sa sandali ng kaniyang kamatayan, isang malaking sawa ang nakitang gumagapang palabas ng pinto ng kaniyang bahay! Para sa ilan, nagkataon lamang ito. Subalit para sa iba, ito’y matibay na patotoo na ang mangkukulam ay naging isang sawa—nagbagong-anyo!
Sa maraming bahagi ng Aprika, malalim ang pagkakaugat ng ideya na ang isang tao ay maaaring magbago o baguhin tungo sa isang hayop. Ang mga manggagaway ay karaniwan nang pinaniniwalaang nagtataglay ng kapangyarihang mag-anyong leopardo at sawa. Laganap din ang takot na ang iba ay maaaring gawing hayop ng isang manggagaway. Sa kanlurang Aprika ay pinaniniwalaan na maisusugo ng mga mangkukulam ang mga espiritu ng mga tao sa pamamagitan ng mga ibon at iba pang hayop upang makapaminsala. Sa sentral Aprika hindi papatayin ng ilan ang isang elepante o isang serpiyente, dahil sa takot na baka ang isang namatay na kamag-anak ay naging isa sa mga hayop na ito.
Bagaman ang mga paniniwalang tulad nito ay maaaring waring kakatwa sa ilang mambabasa, maraming Aprikano ang naniniwala na ang gayong mga pagbabagong-anyo ay napatunayan ng mga saksing nakakita. Ikinakatuwiran nila na ang maraming kuwento na isinalaysay ng mga makatuwirang tao ay hindi puwedeng nagkataon lamang.
Isa ring katotohanan na ang nakakatulad na paniniwala ay masusumpungan sa buong daigdig. Sa Hapon, halimbawa, may paniniwala na ang mga tao ay maaaring alihan ng mga lobo, aso, at mga badger. Ang mga kuwentong-bayan ng mga Europeo ay may mga istorya tungkol sa mga lalaking nagiging mga mamamaslang na taong-lobo sa gabi. Sa ibang bahagi ng daigdig, may mga istorya ng mga tigre, baboy-ramo, buwaya, at maging ng mga pusa na nakapag-aanyong tao at hayop.
Sinusuhayan ba ng mga Kasulatan?
Inaangkin pa man din ng ilan na ang Kasulatan mismo ay nagrerekomenda ng paniniwala sa mahiwagang mga pagbabagong-anyo. Apat na salaysay sa Bibliya ang karaniwang binabanggit bilang patotoo. Sa una, pinalayas ni Jesus ang mga demonyo mula sa dalawang lalaki, at pagkatapos silang palayasin, ang mga demonyo ay pumasok sa isang kawan ng mga baboy. (Mateo 8:28-33) Sa ikalawa, na nakaulat sa Bilang 22:26-35, ang asno ni Balaam ay nakipag-usap sa kaniya. Sa pangatlo, marahil ang pinakabantog sa mga salaysay na ito, isang serpiyente ang nagsalita kay Eva sa hardin ng Eden.—Genesis 3:1-5.
Gayunman, ang isang maingat na pagsusuri sa mga salaysay na ito ay nagsisiwalat na ang mga ito ay tiyak na hindi mga halimbawa ng pagbabagong-anyo. Kuning halimbawa ang mga baboy na inalihan ng demonyo. Hindi sinasabi ng Bibliya na ang mga baboy na ito ay mga tao na naging mga hayop. Hindi, sinasabi ng salaysay na bago alihan ang mga ito ang ‘kawan ng maraming baboy ay nanginginain.’ (Mateo 8:30) Ang mga demonyo ni Satanas, hindi ang espiritu ng mga tao, ang pumasok sa mga baboy.
Ano naman ang tungkol sa asno ni Balaam at sa serpiyente sa Eden? Sa naunang kaso, tiyakang sinasabi ng Bibliya na “binuksan ni Jehova ang bibig ng asno” upang ito ay makapagsalita. (Bilang 22:28) Iyon ay hindi isang tao na nagbagong-anyo. At tungkol naman sa serpiyente sa Eden, ipinakikilala ng Bibliya ang balakyot na espiritu na pinanganlang Satanas na Diyablo bilang “ang orihinal na serpiyente.” (Apocalipsis 12:9) Si Satanas ang nagsalita sa pamamagitan ng serpiyente at ‘nandaya kay Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito.’ (2 Corinto 11:3) Oo, kapuwa ang asno ni Balaam at ang serpiyente ay mga hayop—bago, habang, at pagkatapos magsalita ang mga ito.
Ang ikaapat na salaysay ay madalas banggitin tungkol sa palalong hari ng Babilonya na si Nabucodonosor. Sinasabi ng Bibliya na ibinaba ng Diyos si Nabucodonosor. Ang kaniyang “puso mismo ay ginawang tulad ng sa isang hayop, at nanirahan siyang kasama ng mga maiilap na asno. Mga pananim ang ibinibigay sa kaniya upang kainin na gaya ng mga toro, at ang kaniyang sariling katawan ay nababasa ng hamog ng langit, hanggang sa malaman niya na ang Kataas-taasang Diyos ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao.” (Daniel 5:21) Sa panahon ng kaniyang pitong taong pagiging baliw, si Nabucodonosor ay nagmukha at gumawi na parang hayop. Ayon sa Daniel 4:33, “ang kaniyang buhok mismo ay humabang gaya ng balahibo ng agila at ang kaniyang mga kuko na gaya ng kuko ng ibon.” Gayunpaman, ang hari ay hindi kailanman tinubuan ng tunay na mga balahibo at kuko. Nanatili pa rin siyang tao!
Ang ideya ng mahiwagang pagbabagong-anyo ay tuwirang salungat sa mga turo ng Bibliya. Una, ipinakikita ng Bibliya na ang tao ay walang hiwalay na kaluluwa na maaaring manirahan sa isang hayop. Sa halip, ang tao mismo ay “isang kaluluwang buhay”! (Genesis 2:7) Ang pagbabagong-anyo ay sumasalungat din sa likas na kaayusan ng mga bagay na itinatag ng Diyos na Jehova. Ang mga hayop ay nilalang upang magparami “ayon sa kani-kanilang uri.” (Genesis 1:24, 25) Dahil sa henetikong limitasyon na itinakda ng Diyos, hindi posible para sa magkakaibang uri, o mga pangunahing grupo, ng mga hayop na mag-asawa at magparami. Lalo nang malaki ang agwat na umiiral sa pagitan ng mga hayop at tao, na nilalang ‘ayon sa larawan ng Diyos.’ (Genesis 1:26) Tiyak, ang Diyos ay hindi kikilos nang salungat sa kaniyang sariling mga batas sa pamamagitan ng pagkakaloob sa mga tao ng kapangyarihang baguhin ang kanilang sarili tungo sa di-makatuwirang mga hayop.
Totoo, ang pagbabagong-anyo ay mamamasdan sa kalikasan. Ang mga higad ay nagiging paru-paro, at ang mga butete ay nagiging palaka. Gayunman, ang masusing pagmamasid ay nagpapakita na ang mga halimbawang ito ng pagbabagong-anyo ay hindi nagsasangkot ng pagbabago ng “mga uri” kundi mga yugto lamang ng pagbabago sa loob ng iisang “uri.” Kapag narating na ang yugto ng pagiging nasa hustong gulang, ang mga ito ay magpaparami “ayon sa kani-kanilang uri.”
Huwag Laging Maniwala sa Nakikita
Kung gayon, paano tayo makapangangatuwiran sa mga saksing nakakita na nag-aangking nasaksihan nila ang mahiwagang pagbabagong-anyo? Maliwanag, ito ay isa na namang halimbawa ng “pagkilos ni Satanas taglay ang bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan at taglay ang bawat di-matuwid na panlilinlang para doon sa mga nalilipol.”—2 Tesalonica 2:9, 10.
Gaya ng lahat ng maton, nais ng mga demonyo na maniwala ang mga tao na nagtataglay sila ng kapangyarihan na higit kaysa sa aktuwal na taglay nila. Gumagawa sila ng nakakukumbinsing “mga tanda” na pawang mga panlilinlang lamang ng mga magnanakaw at manggagantso.
Magugunita natin ang mga madayang nagbabaraha na naglipana sa maraming palengke sa Aprika. Hindi sila nahihiyang hikayatin ang ilang ginang ng tahanan na ipatalo ang pinaghirapang salapi ng mga ito sa madayang laro ng baraha. Ipakikita nila sa isang babae ang tatlong baraha—dalawang pula at isang itim—at sasabihin sa kaniya na maaari niyang doblehin ang kaniyang pera sa pamamagitan lamang ng pagpili sa itim na baraha. Ang babae ay nag-aatubiling maglaro—hanggang sa makita niya ang isang tao na waring nanalo sa madaling larong ito. Hindi niya alam na ang sinasabing nanalo ay kasabuwat pala sa panloloko. Tumaya siya, anupat itinutuon ang kaniyang mata sa itim na baraha habang binabaligtad at binabalasa ang mga baraha. Subalit gayon na lamang ang hiya at pagkagimbal niya, sapagkat ang napili niyang baraha ay napatunayang pula. Naipatalo niya ang pera para sa pagkain ng kaniyang pamilya—nabiktima ng kaniyang sariling kasakiman at ng mabilis na kamay ng isang mahusay na manlalansi! Huli na, natutuhan niya na hindi pala dapat laging maniwala sa nakikita.
Sa katulad na paraan, natutuwa si Satanas at ang kaniyang mga demonyo na linlangin ang mga tao sa pag-iisip na ang mga tao ay maaaring maging hayop. Si Satanas ay dalubhasa sa panlilinlang. Kung sa bagay, siya ang nagsabi ng kauna-unahang kasinungalingan, sa pagsasabi kay Eva: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. . . . Kayo ay magiging tulad nga ng Diyos.” (Genesis 3:4, 5) Ang kasinungalingang ito ay nagbunga ng sari-saring turo na patuloy na naghahasik ng takot sa mga tao, tulad ng imortalidad ng kaluluwa, apoy ng impiyerno, at pagbabagong-anyo. Kaya naman, ang mga tao sa Aprika ay magbabayad nang malaking halaga upang “mabakunahan” dahil iniisip nila na ito ay makapagsasanggalang sa kanila mula sa pagiging isang hayop. Sa katotohanan, ang gayong mga tao ay napaalipin sa “mga turo ng demonyo” at nahahadlangan sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—1 Timoteo 4:1; Santiago 4:7.
Ang Tunay na Pagbabago
Marahil mula pa noon ay naniniwala na kayo o posible pa ngang natatakot sa pagbabagong-anyo. Kung gayon, bigyang-pansin ang mga salita ng Bibliya sa Roma 12:2. Doon sa orihinal na teksto, ginamit ang isang anyo ng Griegong salita na me·ta·mor·phoʹo. Mababasa natin: “Magbagong-anyo [me·ta·mor·phouʹsthe] kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.” Ito ay tumutukoy sa pagbabagong-anyo na maaaring mangyari—isang kumpletong pagbabago ng personalidad!
Yaong nagnanais na makalugod sa Diyos ay kailangang gumawa ng gayong pagbabago, sapagkat hinihimok ng Bibliya: “Hubarin ninyo ang lumang personalidad kasama ng mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong mga sarili ng bagong personalidad, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay ginagawang bago alinsunod sa larawan ng Isa na lumalang nito.”—Colosas 3:9, 10.
Paano kayo magbabago? Sa pamamagitan ng pagkuha ng tumpak na kaalaman mula sa Bibliya. Ang kaalamang ito ay maaaring umakay sa inyong pagtalikod sa mga pinahahalagahang ideya at palagay. Subalit, gaya ng sabi ni Jesus, “malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Oo, mapalalaya kayo buhat sa mga kasinungalingan at takot tungkol sa pagbabagong-anyo.
[Larawan sa pahina 15]
Ang “nakikita” ng ating mata ay hindi siyang laging katotohanan
[Picture Credit Line sa pahina 13]
Doktor kulam: Sa kagandahang-loob ng Africana Museum, Johannesburg