Mga Maling Akala at Katotohanan Tungkol sa mga May-Edad Na
Napakaraming maling akala tungkol sa pagtanda. Isinisiwalat ng “Ageing—Exploding the Myths,” isang publikasyon ng World Health Organization’s Ageing and Health Programme, ang tungkol sa kawalang-katotohanan ng ilan sa mga maling akala na ito. Kuning halimbawa ang ilan.
Maling Akala: Ang karamihan sa mga may-edad na ay naninirahan sa industriyalisadong mga bansa.
Katotohanan: Ang totoo, mahigit sa 60 porsiyento ng 580 milyong mga may-edad na sa daigdig ang naninirahan sa papaunlad na mga bansa. Ang dumaraming tao sa mga bansang ito ay nagkakaedad bunga ng mas mabuting pangangalaga sa kalusugan at pinaghusay na sanitasyon, pabahay, at nutrisyon.
Maling Akala: Walang maitutulong ang mga may-edad na.
Katotohanan: Malaki ang naitutulong ng mga may-edad na sa pamamagitan ng paggawa ng mga gawaing hindi naman sila binabayaran. Halimbawa, tinatayang 2 milyong bata sa Estados Unidos ang inaaruga ng kanilang mga lolo’t lola, na ang 1.2 milyon sa mga ito ay nakatira sa kanilang mga lolo’t lola. Sa gayon ang mga may-edad na ang naglalaan ng bahay, pagkain, at edukasyon at nagpapamana ng pangkulturang mga kahalagahan sa kanilang mga apo samantalang naipagpapatuloy ng mga ina at mga ama ang kanilang pagtatrabaho. Gayundin, sa industriyalisadong mga bansa, hindi makakakilos ang maraming organisasyon ng mga boluntaryo kung walang kapaki-pakinabang na tulong ng mga may-edad na. Sila rin ay kailangang-kailangang mga tagapag-aruga. Sa ilang papaunlad na mga bansa, kung saan mahigit sa 30 porsiyento ng mga adulto ang nagkaroon ng AIDS, ang mga may-edad na ang nangangalaga sa kanilang mga adultong anak na nahawahan, na pagkamatay ng mga ito ay ang mga lolo’t lola ang magpapalaki sa kanilang naulilang mga apo.
Maling Akala: Humihinto sa pagtatrabaho ang mga may-edad na dahil sa hindi na nila magawa ang kanilang mga trabaho.
Katotohanan: Mas malimit silang umalis sa trabaho dahil sa kawalan ng pinag-aralan o pagsasanay o dahil sa ageism (pagtatangi sa mga may-edad na) sa halip na sa pagtanda mismo.
Maling Akala: Ayaw nang magtrabaho ng mga may-edad na.
Katotohanan: Madalas na di-tinatanggap ang mga may-edad na sa mga trabahong may sahod sa kabila ng kagustuhan nila at kakayahang magpatuloy sa pagtatrabaho. Lalo na sa panahon ng kawalan ng trabaho, malimit na ipinangangatuwiran na dapat umalis ang mga may-edad na sa kanilang pag-eempleo upang mabakante ang mga puwesto para sa mga mas batang naghahanap ng trabaho. Gayunman, ang maagang pagpapaalis sa mga may-edad nang empleado mula sa trabaho ay hindi nangangahulugan ng pagkakaroon ng trabaho para sa mga kabataan. Ang isang mas batang naghahanap ng trabaho ay maaaring walang kasanayan na kinakailangan upang humalili sa mas nakatatandang nagtatrabaho. Ang mga makaranasang may-edad nang nagtatrabaho ay nakatutulong sa pagpapanatili ng pagiging mabunga sa trabaho at katatagan sa larangan ng paghahanapbuhay.
Taglay sa isipan ang mga katotohanang ito, ang sabi ng World Health Organization (WHO), dapat malasin ng mga tao sa daigdig ang mga may-edad na bilang pinagmumulan ng kadalubhasaan na maaaring mapakinabangan. Kaya naman nasabi ni Alexandre Kalache, ang nangunguna sa grupo ng Ageing and Health Programme ng WHO na “dapat . . . malasin ng mga bansa ang kanilang may-edad nang mamamayan hindi bilang isang problema kundi bilang posibleng solusyon sa mga problema.” At iyan ang totoo.