Nagbabagong mga Saloobin sa Pagtanda
SA ANONG edad masasabi mong ikaw ay matanda na? Ang sagot ay waring depende sa kung sino ang tinatanong mo. Masayang uuriin ng mga tin-edyer ang sinumang mahigit na 25 sa kategoryang ito.
Sa kabilang dako naman, naaabot lamang ng mga mang-aawit sa opera ang kanilang kasikatan sa dakong huli ng buhay. At ganito ang sabi ng isang ulat sa pahayagang The Sun–Herald ng Australia tungkol sa mga desididong maabot ang mataas na posisyon: “Ang katotohanan sa ngayon ay na kung hindi mo pa ito naaabot sa edad na 40, hindi mo na ito kailanman maaabot pa.”
Karaniwang mga Palagay
Maaaring ipalagay ng ilan na ang mga may-edad na ay madaling maaksidente at mabagal matuto at mabilis na humihina ang katawan. Makatuwiran ba ang paggawa ng gayong mga palagay? Buweno, ayon sa mga estadistika ng World Health Organization, sa buong rehiyon ng Europa, “isa sa bawat tatlong pagkamatay sa trapiko sa daan ay kinasasangkutan ng mga taong wala pang 25 taóng gulang.” Isa pa, ang pinakamabilis na paghina ng katawan ay nangyayari sa pagitan ng edad na 30 at 40, at walang katibayan na humihina ang intelektuwal na kakayahan ng taong malusog habang nagkakaedad.
Kumusta naman ang palagay na ang mga may-edad na ay nagiging masasaktin? “Ang karaniwang maling akala ay na ang pagtanda at karamdaman ay magkasingkahulugan,” ang sabi ng The Medical Journal of Australia. Ang totoo, maraming may-edad na ang nagtatamasa ng makatuwirang antas ng kalusugan at hindi nila itinuturing ang kanilang sarili na matanda na. Nadarama ng ilan ang gaya ng nadama ng estadistang Amerikano na si Bernard Baruch, na nagsabi: “Para sa akin ang katandaan ay laging labinlimang taon na mas matanda sa akin.”
Kung gayon, bakit kadalasang dumaranas ng diskriminasyon ang mga may-edad na at, kung minsan, tahasang pagtatangi pa nga? Ang kasagutan sa kalakhang bahagi ay umiikot sa mga saloobin sa pagtanda.
Mga Saloobin sa Pagtanda
“Ang mga Amerikano ay labis na nabibighani sa pagiging nasa kabataan at pinilipit ang pangmalas ng media hinggil sa mga may-edad na,” ang sabi ni Max Frankel sa The New York Times Magazine. “Ang mga matatanda na ay halos pinagtabuyan na sa larangan ng media,” ang panangis niya. Maaaring ipaliwanag nito ang makabagong kabalintunaan na napansin ng The UNESCO Courier: “Hindi pa kailanman . . . nakagawa ang lipunan ng napakarami para sa pinakamatandang mga miyembro nito. Nakikinabang sila mula sa proteksiyong pangkabuhayan at panlipunan, subalit ang paglalarawan sa kanila ng lipunan ay lubhang negatibo.”
Kahit na ang propesyon ng medisina ay apektado rin ng pagtatanging ito. Ayon sa The Medical Journal of Australia: “Maraming doktor, gayundin ang pamayanan sa pangkalahatan, ang naniniwala na lubhang huli na para sa mga taong mahigit nang 65 taóng gulang ang iwas-sakit na pangangalaga sa kalusugan. . . . Ang negatibong saloobin . . . ay nangangahulugan na ang mga may-edad na ay hindi na isinasama sa maraming mahahalagang pagsusuri.”
Iginigiit pa ng babasahin ding ito: “Ang negatibong saloobin sa mga may-edad na, anupat binabansagan silang ‘geriatric’, ay maaaring gamitin bilang isang dahilan upang magbigay ng mas mababang pangangalagang pangmedisina. Maraming karaniwan, subalit maliliit na problemang gaya ng lumalabong paningin at humihinang pandinig ang hindi pinapansin o tinatanggap bilang normal na bahagi ng pagtanda. . . . Mahalaga ang isang pagbabago ng saloobin sa mga may-edad na para sa isang mabisang programa sa pag-iwas sa sakit.”
“Marahil ay dumating na ang panahon upang baguhin at pagbutihin ang tradisyunal na kahulugan ng kung sino ang bumubuo sa mga may-edad na, sa paano man sa mauunlad na bansa,” ang mungkahi ng babasahing pangmedisina sa Britanya na The Lancet. Bakit ito mahalaga? Ganito ang paliwanag ng babasahin: “Maaaring alisin ng isang binagong kahulugan ang lungkot, nakatatakot na kahihinatnan, at kalunus-lunos na mga mangyayari sa hinaharap na napakadalas gamitin upang pagtibayin ang mga pagtatangi tungkol sa ‘pagdagsa’ ng mga may-edad na na umuubos ng ‘di-makatuwirang bahagi’ ng kakaunting suplay na pangkalusugan.”
Ang Pagdagsa ng May-Edad Na
Ang totoo, nangyayari na ang pagdagsa ng mga may-edad na—hindi lamang ito pagdagsa kundi isang lumalaking pagdaluyong. “Sa buong daigdig, ang bilang ng mga taong ang edad ay 65 at pataas ay darami nang apat na beses sa pagitan ng 1955 at 2025, at ang porsiyento nila sa kabuuang bilang ng populasyon ay madodoble,” ang ulat ng The UNESCO Courier.
Ang bilang ng mga taong may-edad na sa India ay mas marami na kaysa buong populasyon ng Pransiya. At sinasabing sa Estados Unidos, 76 na milyon ng tinatawag na mga baby boomer—yaong ipinanganak 18 taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II—ay magreretiro na sa susunod na kalahatian ng dantaon. Samantalang ikinababahala ng maraming ekonomista at mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan ang kalakarang ito ng pagdami ng tumatandang mga tao sa daigdig, napipilitan silang baguhin ang dati nilang mga ideya tungkol sa pagtanda.
Binabago ang Iskrip
Inihahambing ng ilan ang buhay sa isang dula na may tatlong yugto. Inaasahang mangingibabaw sa unang yugto ang katuwaan ng kabataan at ang edukasyon. Ang mga pananagutan ng pagpapamilya at ang walang-tigil na panggigipit ng trabaho naman ang katangian ng ikalawang yugto. Sa ikatlong yugto, ang mga artista ay hinihimok na maupo na sa isang silya na malayo sa pansin ng madla at malungkot na maghintay sa pagbagsak ng pangwakas na tabing.
Gayunman, dahil sa iba’t ibang kadahilanan, pati na ang kahanga-hangang mga pagsulong sa pangangalagang pangkalusugan at kalinisan noong ika-20 siglo, ang haba ng panahong ginugugol ng “mga artista” ngayon sa labas ng tanghalan sa “ikatlong yugto” ay naragdagan nang hanggang 25 taon. Hindi na kontento ang marami na basta magretiro na lamang nang walang ginagawa. Ang dumaraming bilang ng mga aktibong may-edad na ito ay humihiling na baguhin ang iskrip.
Isang Napakalaking Impluwensiya
Hindi totoo ang dating pinaniniwalaang ideya ng marami na ang karamihan sa mga taong may-edad na ay umaasa sa iba. Iniulat ng The New York Times Magazine na sa Estados Unidos, “ang karamihan ng mga may-edad na ay sapat ang kinikita, mga mamimiling medyo nakaririwasa sa buhay na may higit na ari-arian kaysa mga kabataang mag-asawa . . . at [na] nakikini-kinita ng mga sosyologo ang paglitaw ng isang malakas na grupo ng . . . may-kayang mga taong may-edad na.” Nagkomento si Philip Kotler, propesor ng marketing sa Northwestern University sa Estados Unidos hinggil dito. “Hindi magtatagal at mapapansin na ng mga nagbebenta,” sabi niya, “ang pinakakapaki-pakinabang na puntiryang grupo ng mga tao, ang nakaririwasang mga mamimili na ang edad ay 55 at pataas.”
Ang naitutulong ng aktibong mga taong may-edad na ay higit pa sa nagagawa ng salapi. Binanggit ng The Sunday Telegraph ng Sydney na sa Australia ang “mga lola ngayon ang nagsasagawa ng kalahati ng lahat ng di-suwelduhang trabaho na nauugnay sa pag-aalaga ng bata, kung saan pinaaalagaan ng mahigit na sangkatlo ng mga babaing nagtatrabaho ang kanilang mga anak sa isang lola kapag sila’y nasa trabaho.”
Sa mga lugar na gaya ng lunsod ng Troyes sa Pransiya, ang natipong karunungan ng mga may-edad na ay itinuturing na pinagmumulan ng mahalagang yaman. Ang karunungang ito ay pinakikinabangan kapag tinuturuan ng mga may-edad na ang mga bata pagkatapos ng klase ng mga kasanayang gaya ng karpinterya, paggawa ng kristal, pagtabas ng bato, konstruksiyon, at pagkakabit ng mga tubo. Karagdagan pa sa pagtuturo, napakaraming may-edad na ang pumapasok din sa paaralan upang magkamit ng iba’t ibang kasanayan.
Ayon sa The UNESCO Courier ng Enero 1999, “ang nakabase sa Paris na International Association of Universities of the Third Age” ay nagsasabi na “may mahigit na 1,700 unibersidad para sa mga may-edad na sa buong daigdig.” Hinggil sa mga unibersidad na ito, ang babasahin ay nag-uulat: “Bagaman ang kanilang mga kaayusan at mga paraan ng pangangasiwa ay lubusang nagkakaiba-iba sa bawat bansa, ang mga unibersidad para sa mga may-edad na ay karaniwang may iisang hangarin na tulungan ang mga taong may-edad na na lubusang makibahagi sa buhay na pangkultura at panlipunan.” Iniulat na isang institusyong gaya nito sa Hapón ang may 2,500 estudyante!
“Napakalaki ng pangunahing naitutulong ng mga taong may-edad na sa kani-kanilang pamilya at pamayanan, bagaman mahirap bilangin ito yamang ang karamihan nito ay hindi mababayaran,” sabi ni Alexandre Kalache, lider ng grupo ng Ageing and Health Programme ng World Health Organization. Ang sabi niya: “Dapat malasin ng mga bansa . . . ang kanilang may-edad nang mga mamamayan hindi bilang isang problema kundi bilang isang posibleng solusyon sa mga problema . . . , una at pinakamahalaga bilang isang yaman na mapapakinabangan.”
Walang alinlangan, ang ating kakayahang masiyahan sa ating pagtanda ay maaaring maimpluwensiyahan ng mga pagkaunawa at mga pagtatangi ng iba, subalit sa kalakhang bahagi, tinitiyak din ito ng atin mismong saloobin sa buhay. Ano ang personal na magagawa mo upang manatiling aktibo, kapuwa sa mental at pisikal na paraan, kahit na ang iyong katawan ay tumatanda? Pakisuyong basahin ang kahon sa pahina 12 at 13, at pansinin kung ano ang sinasabi ng mga may-edad na hinggil sa kanilang lihim sa pananatiling aktibo at nasisiyahan sa buhay.
Sikaping Mapanatili ang Isang Aktibong Buhay
Mapapansin mo na ang isang karaniwang katangian ng aktibong mga may-edad na ay ang kanilang pagpapanatili ng isang makabuluhang iskedyul ng gawain—sa sekular na trabaho man o bilang boluntaryong mga manggagawa. Sila rin ay regular na nag-eehersisyo, pinananatili ang aktibong interes sa mga tao na may iba’t ibang edad, at sinasapatan ang kanilang mahahalagang espirituwal na pangangailangan. Gaya ng mapapansin mo, ang mga lihim na ito ng maligaya at aktibong buhay ay pakikinabangan kapuwa ng bata’t matanda.
Sa kasalukuyan, ang malungkot na katotohanan ay na habang binabasa mo ang artikulong ito, ikaw rin naman ay tumatanda. (Eclesiastes 12:1) Gayunman, makabubuting bigyang-pansin mo ang sumaryo sa Bulletin of the World Health Organization: “Kung paanong naisasagawa ang isang gawain dahil sa kalusugan, ang pagiging aktibo sa buhay ang pinakamainam na tsansa upang maging malusog.”
[Kahon/Mga larawan sa pahina 12, 13]
Nananatili Silang Aktibo at Nasisiyahan sa Buhay
◼ TIMOG APRIKA: Si Piet Wentzel, 77, ay isang buong-panahong boluntaryong manggagawa.
“Natanto ko na upang manatiling malusog sa pisikal, mahalaga ang regular na ehersisyo. Sa nakalipas na mga taon, nag-aasikaso ako ng isang maliit na personal na hardin. Iba ang pakiramdam ko pagkatapos ng gayong ehersisyo. Upang magawa ang pinakamarami, sinikap kong maudyukan ng simulaing, ‘Ang pag-aatubili ay magnanakaw ng panahon; ang pagpapaliban ang pangunahing kasapakat nito.’”
[Larawan]
“Natanto ko ang kahalagahan ng regular na ehersisyo.”—Piet
◼ HAPÓN: Si Yoshiharu Shiozaki, 73, ay nagtatrabaho bilang isang real-estate consultant.
“Mayroon akong lumbago, alta presyon, at Meniere’s disease. Nagbibisikleta ako mula sa bahay patungo sa opisina apat na araw sa isang linggo; ang balikang biyahe ay 12 kilometro. Mabuting ehersisyo ito para sa akin, yamang hindi ito nagdudulot ng pananakit sa aking likod subalit nagpapalakas sa aking mga kalamnan sa paa. Sinisikap kong mapanatili ang pakikipagpayapaan sa iba, pati sa mga kapitbahay. Sinisikap kong huwag hanapin ang mga pagkukulang at mga pagkakamali ng iba. Natanto ko na mas mabilis tumugon ang mga tao kapag pinalalakas-loob kaysa kapag pinupuna.”
[Larawan]
“Sinisikap kong huwag hanapin ang mga pagkukulang ng iba.”—Yoshiharu
◼ PRANSIYA: Si Léone Chalony, 84, ay isang buong-panahong ebanghelisador.
“Nang magretiro ako noong 1982, mahirap ito sapagkat gustung-gusto ko ang aking trabaho bilang isang hairdresser. Wala akong mga obligasyon, kaya ako’y naging isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ebanghelisador ng mga Saksi ni Jehova. Ang pagkakaroon ng maraming idinaraos na pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado ay nakatulong sa akin na manatiling aktibo ang isipan. Wala akong kotse, kaya madalas akong naglalakad. Ito ang nagpapanatili sa akin na malusog.”
[Larawan]
“Ang pagkakaroon ng maraming inaaralan sa Bibliya ay nagpapanatiling aktibo sa aking isipan.”—Léone
◼ BRAZIL: Si Francisco Lapastina, 78, ay isang buong-panahong boluntaryong manggagawa.
“Karaniwang hindi ako nagdaramdam kapag may nakasakit sa akin o hindi ako pinapansin ng iba. Ipinalalagay ko na ang taong iyon ay maaaring dumaranas ng mga panggigipit at mga problema. Lahat tayo ay may mga araw na hindi tayo gaanong palabati. Sinisikap kong huwag magkimkim ng sama ng loob at isaisip na ako man ay pinagtitiisan ng mga tao. Ito ang nakatulong sa akin na magkaroon ng maraming tunay na mga kaibigan.”
[Larawan]
“Sinikap kong huwag magkimkim ng sama ng loob.”—Francisco
◼ AUSTRALIA: Si Don MacLean, 77, ay nagtatrabaho pa rin ng 40-oras sa isang linggo.
“Apat na taon pagkatapos ng isang bypass na operasyon sa aking puso, patuloy akong nagkaroon ng mahusay na kalusugan. Hindi ko minalas ang operasyong ito bilang isang permanenteng nakapipinsalang kabanata sa aking buhay. Patuloy akong naglalakad araw-araw, gaya ng ginagawa ko sa loob ng mga taon. Noong ako’y bata pa at nakikita ko ang iba na tumatanda nang maaga, naipasiya ko sa tuwina na hindi ko hahayaan ang aking sarili na magkaroon ng gayong kaisipan. Nakasumpong ako ng tunay na kaluguran na makipagkilala at makipag-usap sa mga tao. Kung mayroon tayong espirituwal na aspekto sa ating buhay, kung gayon ay mararanasan natin ang inilalarawan sa Awit 103:5: ‘Binubusog [ni Jehova] ang iyong buong buhay ng bagay na mabuti; ang iyong kabataan ay patuloy na nababagong tulad ng sa agila.’ ”
[Larawan]
“Huwag mong hayaang tumanda ka nang maaga.”—Don
◼ HAPÓN: Si Chiyoko Chonan, 68, ay isang buong-panahong ebanghelisador.
“Ang susi upang mapanatili ang mabuting kalusugan ay iwasang tumindi ang kaigtingan at mapagod. Sinikap kong huwag maging sobrang seryoso at ang pagbabago ng gawain sa pana-panahon ay nakatulong sa akin. Kamakailan ay nag-aral ako ng abakus upang masanay ang aking mga daliri at ang aking isip. Sa palagay ko’y mabuting magsimula ng mga bagong bagay.”
[Larawan]
“Sa palagay ko’y mabuting magsimula ng mga bagong bagay.”—Chiyoko
◼ PRANSIYA: Si Joseph Kerdudo, 73, ay isang buong-panahong boluntaryong manggagawa.
“Ang mahalagang paraan upang magkaedad ng may magandang saloobin at hitsura ay manatiling aktibo hangga’t maaari. Ang paggawa ay humahantong sa kasiyahan, at kailangan mong bigyang-pansin ang iyong kinakain at gumawa ng kinakailangang mga pagbabago. Sa palagay ko kung may layunin ang buhay, ito ang gumagawa sa iyo na naiiba. Inaakala kong ang espirituwalidad ay napakahalaga upang matulungan tayong manatiling malusog. Bago ako naging Saksi ni Jehova, masyado akong atubili at pesimistiko. Ang pagkaalam sa mga katotohanan ng Bibliya ay isang kamangha-manghang puwersa na nagbibigay sa isang tao ng lakas ng isipan na maharap ang iba’t ibang kalagayan.”
[Larawan]
“Napakahalaga ng espirituwalidad.”—Joseph