Paghaharap ng Mabuting Balita—Papaano Maghahanda ng mga Presentasyon sa Magasin
1 Kung nais ninyong maipakita sa kaninuman kung papaano magtatagumpay sa mga suliranin sa ngayon, anong materyal ang gagamitin ninyo? Kung nais ninyong ibigay ang tunay na kahulugan sa likuran ng mga kasalukuyang pangyayari, at manatili pa ring neutral sa paraang politikal na hindi itinatanghal ang isang lahi kaysa iba pa, saan kayo babaling? Kung nais ninyong tumulong sa iba na manatiling gising sa mga pangyayari sa daigdig habang tinutupad nila ang hula ng Bibliya, anong impormasyon ang inyong titingnan nang may pagtitiwala? Kung nais ninyong magbigay ng anumang bagay na nagpapatibay ng pananampalataya kay Jesu-Kristo na ngayo’y nagpupunong Hari, at nagbubunyi kay Jehova bilang ang Soberano ng sansinukob, ano ang pinakamabuting babasahin para dito? Ang sagot sa lahat ng katanungang ito ay Ang Bantayan at Gumising!
2 Tunay, taglay natin sa dalawang magasing ito ang mga lathalain na kailangan ng sangkatauhan sa ngayon. Iniaalok ba natin ang mga magasing ito taglay ang pagtitiwala, sigla at sigasig? Tayo ba’y handang-handa upang hindi masayang ang panahon? Mapasusulong ba natin ang ating presentasyon?
PATIUNANG PAGHAHANDA
3 Ang isa sa pinakamabuting paraan upang maging pamilyar kaagad sa taglay ng bawa’t isyu ng Ang Bantayan at Gumising! ay ang basahin ang nasa pahina 2 sa seksiyong “Sa Labas na Ito” at “Mga Tampok na Artikulo.” Ang maraming mamamahayag ay nakakakuha ng mga ideya kung ano ang itatampok sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng maikling materyal na ito. Nguni’t pasimula pa lamang ito.
4 Pagkatapos, tingnan ang mga pahina ng bawa’t isyu at basahin ang mga pamagat ng artikulo at mga sub-titulo. Tumigil sumandali at isipin kung sino sa teritoryo ang maaaring maging interesado sa mga paksang ito. Pagkatapos, basahing lubusan ang magasin, artikulo por artikulo, na tinatandaan ang mga litaw na punto. Paminsan-minsan ang mga mahahalagang punto ay itinatampok sa pamamagitan ng pahilis na salita o malalaking titik sa artikulo mismo. Itawag-pansin ito kapag ipinakikita ang mga magasin sa mga indibiduwal.
5 Habang binabasa ninyo ang bawa’t magasin, alamin kung anong mga artikulo ang angkop sa iba’t ibang uri ng mga tao sa teritoryo. May mga artikulo na angkop na angkop sa isang partikular na bahagi ng populasyon. May mga artikulo na lumitaw hinggil sa mga nagsosolong magulang, aborsiyon, nukleyar na digmaan, pag-abuso sa bata, at mga sakuna, lakip na ang marami pang ibang mga espesipikong paksa. Kaya, habang ating binabasa ang iba’t ibang inilathalang artikulo, tingnan at tandaan ang mga punto na aangkop sa mga tao sa inyong teritoryo.
SA LARANGAN
6 Ang lahat ng ating patiunang paghahanda ay hindi makatutulong doon sa nangangailangan ng impormasyon sa Ang Bantayan at Gumising! hangga’t hindi tayo lumalabas sa larangan. Kapag ating pinahalagahan ang mga magasing ito, palagian tayong maglalaan ng panahon upang makibahagi sa gawain sa magasin. Gumawa ng pantanging pagsisikap upang itaguyod ang mga kaayusan sa paglilingkod sa larangan sa ikalawa at ikaapat na Sabado ng bawa’t buwan. Sa mga pantanging buwan ng Marso at Abril, gawin ninyong tunguhin na makapamahagi ng mas maraming magasin kaysa pangkaraniwan, marahil ay sa pamamagitan ng pagiging isang auxiliary payunir. Huwag mag-atubili sa pag-aalok nito sa kanila sa lahat ng pagkakataon. Maghandang mabuti at gawin ang inyong buong makakaya sa paggamit na matuwid ng salita ng katotohanan.—2 Tim. 2:15.