Kayo Ba’y Mag-aauxiliary Payunir sa Nobyembre o Disyembre?
1 Pinasimulan ni Jesus ang isang napakahalagang gawain anupat depende sa kalalabasan nito ang kinabukasan ng lahat ng sangkatauhan. (Mat. 4:17) Aabot sa kaniyang kasukdulan ang gawaing ito bago “ang katapusan,” kapag ang pabalita ng Kaharian ay “naipangaral na sa lahat ng tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.”—Mat. 24:14.
2 Yamang tayo ay napakalapit na sa katapusan, ang gawaing ito ay apurahan higit kailanman. Palibhasa’y mga buhay ang nakataya, ang di kinakailangang pagkabalam ay maaaring magbunga ng malulubhang resulta. Ang kaayusan hinggil sa pagiging auxiliary payunir ay nagpasigla sa marami na maging higit na aktibo sa pagsasagawa ng apurahang gawaing ito. Maaari ba kayong mag-auxiliary payunir sa Nobyembre o Disyembre?
3 Maiinam na Buwan Para sa Pagpapayunir: Yamang kadalasang mainam ang panahon kung Nobyembre pagkatapos ng tag-ulan, mabuting isaalang-alang ang pagpapayunir. Gayundin, sa taóng ito ang Nobyembre ay may limang Linggo, na makatutulong sa mga nagtatrabaho kung karaniwang araw. Nasusumpungan ng marami na maaari silang mag-auxiliary payunir sa Disyembre, yamang sa taóng ito ang mga kombensiyon ay hindi magsisimula kundi sa ikaapat na linggo ng buwan. Gayundin, marami sa ating mga kabataan ay bakasyon sa eskuwelahan kung Disyembre.
4 Sa nakaraang dalawang taon nagkaaberids tayo ng mahigit pa sa 5,000 auxiliary payunir bawat buwan sa Pilipinas, na napakainam. Gayumpaman, noong nakaraang Nobyembre tayo’y nagkaroon lamang ng 2,658 na mga auxiliary payunir, at noong Disyembre ay 2,068 lamang. Kaya nais naming pasiglahin ang lahat na tingnan kung maaari silang makapagpayunir. Bakit hindi ipakipag-usap ang posibilidad na ito sa mga naaprobahan na at humiling ng mga mungkahi sa kanila?
5 Bakit Palalawakin ang Ating Ministeryo? Oo, bakit pinalalawak ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang ministeryo sa halip na humanap ng materyal na kapakinabangan? Ito’y dahilan sa kanilang pagnanais na purihin si Jehova at sabihin sa iba ang tungkol sa kaniyang mga layunin. Kanilang nalalaman na “ang sanlibutan ay lumilipas, . . . . datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Gayundin, sila’y kumikilos na kasuwato ng kanilang panalangin na ang Panginoon ng pag-aani ay “magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.” (Mat. 9:37, 38) Pagpalain nawa ni Jehova ang inyong mga plano sa pagpapalawak ng inyong personal na pakikibahagi sa ministeryo sa Nobyembre at Disyembre.