Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang mga Tract at Handbill
1 “Ako’y napadaan sa isang babae na nag-abot sa akin ng isang tract sa Bibliya,” ang sulat ng isang lalake sa Samahan. “Binasa ko, ‘Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan.’ Ako’y walang sigla bago ko binasa ito, subali’t pagkatapos nito ay sumigla at ako naging mapayapa.” Ang lalake ay humiling ng higit pang impormasyon at pumidido ng aklat na Mabuhay Magpakailanman.
2 Ang marami na ngayo’y pumupuri kay Jehova ay nagkaroon ng espirituwal na gana sa pamamagitan ng mga tract at mensahe na nasa likuran ng handbill. Ginagamit ba ninyo ang mga tract at handbill sa inyong ministeryo? Marami ang gumagawa nito. Sa Brooklyn lamang, mahigit sa 122 milyong tract na Mapayapang Bagong Sanlibutan ang nilimbag, at humigit-kumulang sa 250 milyong kopya ng tatlong iba pang mga tract.
3 Huwag nating hahamakin ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos na ipinaliliwanag ng mga maiikling mensaheng ito. (Heb. 4:12; ihambing ang Zacarias 4:10; Santiago 3:4, 5.) Isang Saksi sa Arizona ang sumulat: “Ang mga tao ngayon ay ayaw gumugol ng malaking panahon para magbasa, subali’t ang mga tract ay angkop lamang ang haba para sa mahahalagang balita at hindi naman masyadong mahaba upang itaboy ang mga tao bago pa man nila tingnan ito.”
4 Ang mga tao ay kadalasang nag-aatubiling kumuha ng literatura sa atin. Subali’t marami ang tatanggap ng isa lamang tract. Ang isang tagapangasiwa ng sirkito ay may maliit na lalagyang plastik na nagpapakita ng mga tract, at hinahayaang makapili ang maybahay ng gusto niya.
SA UNANG PAGTATAGPO
5 Napatunayan ng ilang mamamahayag na ang pagbibigay ng isang tract o handbill ay isang mabuting paraan upang pasimulan ang pag-uusap. Sa pamamagitan ng pag-aalok ng isa sa mga ito, ang maybahay na nag-aatubiling magbukas ng pintuan ay maaaring magpaunlak ngayon. Ang pagpapakita sa eskedyul ng pulong sa handbill ay maaaring magbukas ng daan ukol sa isang pag-uusap hinggil sa ating gawain at layunin.
6 Kung ang maybahay ay maliwanag na abala o nababalisa, ang isang tract ay maaaring talagang angkop sa kaniya. Isang babae ang naaliw ng tract hinggil sa pag-asa ng patay anupa’t siya’y sumulat sa Samahan ukol sa higit pang impormasyon.
SA MGA PAGDALAW-MULI
7 Sa pagbabalik sa nagpakita ng interes, maaaring sabihin ng isa: “Noong una tayong magkita, ako’y humanga sa paglalaan ninyo ng panahon para pag-usapan ang Bibliya. Taglay ko ang ilang karagdagang impormasyon na inaakala kong magbibigay ng interes sa inyo. Ito’y masusumpungan sa tract na ito, Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan. Kung inyong natatandaan, pinag-usapan natin noong una ang tungkol sa pangako ng Bibliya sa tunay at namamalaging kapayapaan para sa sangkatauhan. Gayumpaman, yamang marami ang nag-iisip lamang sa langit kapag kanilang binabasa ang mga pangakong ito, pansinin na ipinakikita ng Awit 37:29 na ang mga pagpapalang ito ay magaganap dito sa lupa. [Basahin ang kasulatan, ipakita sa maybahay kung saan ito sa tract.] Di ba’t kapanapanabik ito? [Talakayin ang ilang parapo.] May karagdagan pang nakapagpapatibay na mga kasulatan sa tract na ikasisiya ninyo. Sa susunod na pagparito ko, marahil ay mababasa nating magkasama ang ilan sa mga ito kagaya ng ginawa natin ngayon.”
8 Tunay, ang ating mga tract at handbill ay mga kaloob mula kay Jehova. Mabisa nawa nating gamitin ito sa kaniyang kapurihan at walang hanggang pagpapala para sa atin.—Kaw. 22:29.