Magsaayos Na Ngayon Upang Makadalo sa 1991 “Mga Umiibig sa Kalayaan” na Pandistritong Kombensiyon
1 Dahilan sa mga kalagayan sa daigdig ngayon, hindi katakataka na sa maraming lupain ang mga tao’y matagal nang naghahangad ng kalayaan. Subalit saan matatagpuan ang tunay na kalayaan? Sinabi ni Jesu-Kristo: “Kung kayo’y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo’y tunay nga kayong mga alagad ko, at inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohana’y magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Ang kalayaang ito ay hindi yaong limitadong uri na inaasahan ng mga tao kapag kanilang tinanggihan ang isang anyo ng pamahalaan kapalit ng iba. Sa halip, ito’y tumatagos sa kaibuturan ng mga suliranin ng tao. Ang tinutukoy dito ni Jesus ay ang kalayaan mula sa kasalanan. (Tingnan ang Juan 8:24, 34-36) Kaya, kapag ang isang tao ay naging isang tunay na alagad ni Jesu-Kristo, ito’y nagbubunga ng pagbabago sa kaniyang buhay, isang paglaya.
2 TATLONG ARAW NG KOMBENSIYON: Ang serye ng 1991 “Mga Umiibig sa Kalayaan” na mga Pandistritong Kombensiyon ay magpapasimula sa Pilipinas sa Disyembre 13-15, 1991. Ang pambukas na sesyon ay magpapasimula sa alas 8:50 n.u. ng Biyernes, at ang kombensiyon ay magtatapos sa bandang alas 4 n.h. ng Linggo. Piling-piling impormasyon na mahalaga para sa ating espirituwal na kalusugan ang ihaharap sa bawat sesyon. Iba’t ibang paksa ang magtatampok kung papaano natin tatamuhin ang kalayaang binabanggit sa Roma 8:21. Nakapagpapasiglang impormasyon ang ihaharap sa mga pahayag, mga demonstrasyon, mga panayam, at isang drama.
3 Gawin ninyong tunguhin na walang malibanan kahit na isang sesyon. Ito’y maaaring mangailangan ng personal na pagsasakripisyo at mga pagbabago sa inyong eskedyul. Maaaring kailanganing gumawa kayo ng mga pantanging kaayusan sa inyong pinapasukan. Marami ang tumatalikod sa materyal na mga bentaha makadalo lamang sa lahat ng sesyon. Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang mga nananalangin ukol dito at nagsisikap na makadalo.—Luc. 13:24.
4 DUMATING NANG MAAGA: Kilala ang mga Saksi ni Jehova dahilan sa pagsisikap na maging maaasahan at nasa oras. (Luc. 16:10) Mahalaga rin ito kapag dumadalo sa pandistritong kombensiyon. Dumating nang maaga bawat araw, at maupo na bago magpasimula ang programa. Ito’y nangangailangan ng sapat na panahon upang asikasuhin ang mga bagay na dapat bigyan ng pansin, tulad ng pagpaparada ng inyong sasakyan at paghanap ng upuan para sa inyong pamilya.
5 Ang pagdalo sa pandistritong kombensiyon ay nagbibigay sa atin ng mainam na pagkakataon upang tamasahin ang kasiyasiyang pagsasamahan. Subalit ang pagdalaw sa mga kaibigan hanggang sa kalaliman ng gabi ay makahahadlang sa ating pagsisikap na maging nasa oras sa kinaumagahan. Malaking pagkabalisa at pagkasiphayo ang idudulot ng pagiging huli at pag-aapura sa umaga. Upang maiwasan ito, makabubuting matulog nang mahimbing sa gabi at maagang magpasimula sa kinabukasan. Maiiwasan nito ang pagdating samantalang isinasagawa na ang programa, anupat nakagagambala at nakakaabala sa mga nakaupo na. Ang pagdating nang maaga ay magpapahintulot sa inyong tamasahin ang pakikipagsamahan sa mga kapatid. Ang pag-ibig Kristiyano at konsiderasyon, lakip na ang paggalang kay Jehova at sa espirituwal na bagay na kaniyang inilalaan ay dapat magpasigla sa atin na dumating nang nasa panahon araw-araw.
6 MAKINIG NA MABUTI: Ang pakikinig ay nangangahulugan ng tunay na pagbibigay-pansin sa pamamagitan ng ating isipan at puso. Kailangan nating makinig at “dinggin ang salita ni Jehova.” (Jer. 2:4) Sa Isaias 55:2 si Jehova ay nag-utos sa Israel: “Matama ninyo akong pakinggan.” Ang salitang “matama” ay nangangahulugang “nakatutok ang pansin taglay ang pananabik.” Kapag tayo ay nagbibigay-pansin, may pananabik tayong “makikinig at kukuha ng higit na tagubilin.” (Kaw. 1:5) Upang makapakinig at matuto sa isang pandistritong kombensiyon, kadalasang higit na pagsisikap ang kailangang gawin kaysa sa Kingdom Hall. Bakit? Tayo ay nakaupo nang mas matagal, at mas marami ang gambala dahilan sa malaking bilang ng dumadalo. Kung hindi tayo lubusang makikinig, malilibanan natin ang inilalaang mayamang espirituwal na pagkain. (1 Ped. 2:2) Ano ang maaaring gawin? Kasiyasiyang makita na maraming delegado sa kombensiyon ang kumukuha ng maiikling nota sa panahon ng programa. Bagaman ang ilan sa mga pahayag sa pandistritong kombensiyon ay lilitaw din sa mga publikasyon, ang iba ay hindi. Ang lahat ay hinihimok na kumuha ng maiikling nota sa panahon ng pandistritong kombensiyon dahilan sa ito’y isang mabuting paraan upang maingatang nakapako ang inyong pansin sa mga sinasabi.
7 Hindi naman kailangang maging malawak at detalyado ang mga nota. Kadalasang sapat na para sa pangunahing punto ang isa o dalawang parirala. Maging ang mga bata ay higit na nakikinabang mula sa mga pahayag at natutulungang magbigay-pansin kapag sila’y binibigyan ng lapis at papel upang kanilang maisulat ang mga susing punto at mga susing kasulatan ng tagapagsalita o bagong mga ideya na maaaring iharap. Masusumpungan ng mga matatanda na kapakipakinabang na magkaroon ng masinop na nota kapag nangangasiwa ng pagrerepaso sa programa ng kombensiyon sa Pulong Ukol sa Paglilingkod pagkatapos ng pandistritong kombensiyon. Gayundin, nanaisin nilang isama ang maraming puntong iniharap sa kombensiyon sa kanilang pagtuturo at gawaing pagpapastol.
8 MAGKAISA SA AWIT AT PANALANGIN: Bahagi ng ating pagsamba ang parangalan si Jehova sa pamamagitan ng pag-awit ng papuri sa kaniya, gaya ng ginawa ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. (Mar. 14:26) Ang pananalita ni Pablo sa 1 Corinto 14:15 ay nagpapakitang ang pag-awit ay isang regular na bahagi ng pagsambang Kristiyano. (Tingnan din ang Ating Ministeryo sa Kaharian ng Abril, 1991, pahina 7.) Ang mga pandistritong kombensiyon ay nagbibigay sa atin ng natatanging pagkakataon na makaisa ng ating mga kapatid sa pagpuri kay Jehova kapuwa sa awit at panalangin. Gayumpaman, ang ilan ay nagpakita ng kawalang paggalang sa ganitong mahahalagang bahagi ng ating pagsamba. Papaano? Sa pamamagitan ng pagdating sa kombensiyon sa panahon o kaya’y pagkatapos ng pambukas na awit at panalangin. Sa pagtatapos ng programa, umaalis sa kanilang mga upuan ang ilan samantalang umaawit o bago pa manalangin. Sa ilang pagkakataon ay maaaring may mabuting dahilan sa paggawa ng gayon. Gayumpaman, naipakikita ba ang wastong paggalang sa hapag ni Jehova kung sinasayang nila ang pagkakataong umawit at manalanging samasama dahilan sa pagnanais na makarating kaagad sa kanilang sasakyan o makakain nang maaga?—Mat. 6:33.
9 Dapat pag-ingatan na sa paghanap ng personal na kaalwanan ay hindi natin pinahihintulutang ang makasanlibutang saloobin na ako-muna o ang mga ugali gaya ng kasakiman o pag-iimbot ay makahadlang sa ating espirituwal na pagsulong. Kamakailan lamang, marami sa ating mga kapatid sa Silangang Europa ang sa wakas ay nagkaroon ng kalayaang umawit at manalangin. Kung papaanong sila’y nagagalak na makaawit at makapanalangin bilang isang malaking grupo, gayundin nawa ang ating maipakitang espiritu ng pagpapahalaga sa banal na mga bagay ngayon at huwag kailanman hamakin ang ating mga pagkakataong makaawit at makapanalanging magkakasama.
10 ANG ATING PAGGAWING KRISTIYANO: Ang ating Kristiyanong paggawi at kaanyuan sa mga pandistritong kombensiyon ay patuloy na nagbibigay sa atin ng mabuting reputasyon bilang mga Saksi ni Jehova. Ito’y dahilan sa ating kataimtiman sa pagsamba kay Jehova at dahilan sa hindi natin itinuturing na isa lamang sosyal na pagliliwaliw ang pagdalo sa isang kombensiyon. Kapag nagsasamasama sa ganitong pantanging okasyon, dapat nating panatilihin ang ating Kristiyanong dignidad at espirituwal na kalagayan ng isipan sa pamamagitan ng paggawi bilang mga ministro sa lahat ng panahon.—1 Cor. 10:31-33.
11 Kapag tayo’y nabigong gawin ito, apektado maging ang kaligayahan ng iba, na maaaring katisuran ng mga baguhan. Pinahahalagahan ba natin maging ang kaliitliitang kabutihang ipinakita sa atin? Kailangang alalahanin natin ang ibang nasa palibot natin at magpakita ng paggalang at konsiderasyon sa kanila. Dapat na pahalagahan ng lahat na kapag may programa, ito’y panahon ng pakikinig, hindi ng paglalakad at pag-uusap.—Deut. 31:12.
12 Ang isa pang larangan na doo’y mapararangalan si Jehova sa pamamagitan ng ating paggawing Kristiyano ay may kinalaman sa ating mga tuluyan. Kung tayo’y titira sa mga motel, dapat nating ipakita ang ating pagpapahalaga at konsiderasyon sa mga tauhan ng motel sa pamamagitan ng pagiging magalang at hindi masyadong mapaghanap. (Gal. 6:10) Ang ilang mga Saksi ay lumabas sa mga motel at iniwan ang kanilang mga kuwarto sa di mabuting kalagayan. Ang kalinisan at konsiderasyon ay dapat na makita hindi lamang sa ating pananamit at paggawi kundi sa atin ding pakikitungo sa ariarian ng iba. Kung ang mga nangangasiwa sa estadiyum ay maibiging magpahintulot sa atin na gamitin ang ibang bahagi nito para sa tuluyan, kung gayon, dapat nating laging ingatang malinis at masinop iyon, at dapat nating linisin ang mga kuwarto at iwan ang mga iyon sa mabuting kalagayan pagkatapos ng kombensiyon. Oo, sa dumarating na mga pandistritong kombensiyon, dapat na maging kapasiyahan nating lahat na kumilos sa paraang “mapalalamutihan ang aral ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng mga bagay.”—Tito 2:10.
13 Sa ilang mga kombensiyon, napansin noong nakaraang taon na napakaraming kalat ang naiwan sa assembly hall. Maraming piraso ng papel, balat ng kendi, bote, at ibang pang lalagyan ang naiwan sa mga upuan. Tunay na hindi ito pagpapakita ng paggalang sa pangalan ni Jehova o kaya’y konsiderasyon sa mga naatasang maglinis pagkatapos na tayo’y lumisan. Tiyaking pulutin ang anumang nakakalat at itapon iyon sa basurahan, o kung hindi na puwede doon, dalhin sa bahay upang doon na itapon.
14 Sa mga kombensiyon, dapat na ipako ang ating isipan sa espirituwal na bagay. Magiging kawalang-galang sa hapag ni Jehova kung gagamitin ang okasyong ito upang magnegosyo o kumita, na sinasamantala ang malaking pulutong ng mga kapatid. Nais naming muling ipagunita sa lahat na walang pahihintulutang magtinda ng anumang personal na bagay sa loob ng kombensiyon, at ang mga bagay na galing lamang sa Samahan ang pahihintulutan sa bookroom o sa iba pang mga departamento.
15 Kaayon ng nasa itaas, isasara ang mga departamento ng refreshment sa panahon ng mga sesyon ng kombensiyon, anupat dapat na kunin na ninyo ang anumang kailangan ninyo sa pagitan ng mga sesyon. Sa ganitong paraan ay makakapakinig ang lahat sa sasabihin sa plataporma, lakip na yaong mga nagtatrabaho sa mga departamento ng refreshment.
16 PARA SA MGA MAGULANG: Ang mga kabataan at mga tin-edyer ay tinatanggap at inaasahang dadalo sa “Mga Umiibig sa Kalayaan” na Pandistritong Kombensiyon. Ang kalayaang iniaalok ng sanlibutan ay maaaring umakay sa kanilang espirituwal na kamatayan, kung papaanong naiwala ni Adan ang kalayaang ibinigay sa sangkatauhan sa pasimula. Ang maibiging organisasyon ni Jehova ay naglalaan sa ating lahat ng wastong pangangatuwiran sa bagay na ito. Tayo’y napasisiglang makita ang mga kabataan na natututong makinig na mabuti sa lahat ng mga Kristiyanong pagpupulong at lubusang interesado sa programa ng kombensiyon. (Awit 148:12, 13) Subalit lahat ng ito ay depende sa halimbawa at superbisyon ng mga magulang. Maraming mga kabataan ang nasanay na mabuti sa pagkuha ng mga nota. Kung hindi pa ninyo natuturuan ang inyong mga anak kung papaano kukuha ng mga nota, bakit hindi gamitin ang nalalabing panahon bago ang inyong kombensiyon upang gawin iyon? Maging ang mga mumunting bata ay mapasisiglang magtala ng mga binabanggit na kasulatan habang kanilang naririnig ito sa mga tagapagsalita. Isinasaayos ng ibang mga magulang na repasuhin ang mga pangunahing punto ng programa sa maghapon pagkatapos na umuwi sila sa kanilang mga tuluyan o samantalang naglalakbay papauwi.
17 Sabihin pa, nauunawaan ng karamihang magulang na likas lamang sa mga bata ang paglalaro. Kulang pa sila ng karanasan sa buhay, at sila’y walang gulang. Kung gayon, kailangang turuan sila kung kailan dapat na matamang makinig at kung papaano gagawi sa mga pulong. Ito’y humihiling ng mabuting superbisyon ng kanilang mga magulang. Ang ilang magulang ay maluwag sa bagay na ito. May mga panahon na samantalang ang mga magulang ay nagpapakita ng wastong paggalang kay Jehova samantalang nananalangin, ang kanilang mga anak ay naglalaro ay nakagagambala sa iba. Dapat na nalalaman ng mga magulang kung ano ang ginagawa ng kanilang mga anak kahit sa panahon ng pananalangin. Gayundin, ano ang kanilang ginagawa samantalang sila’y umaalis sa kanilang upuan sa panahon ng programa? Naiiwan ba ang mga bata na walang superbisyon sa panahon o pagkatapos ng programa ng kombensiyon?—Kaw. 29:15.
18 Sa ilang mga kaso ang mga kabataan ay hindi nasusubaybayan sa gabi, kapag ang mga magulang ay kumakain sa labas o may ibang ginagawa. Ito’y hindi wasto. Ang ilang mga anak ay naging magugulo at naging mga walang galang sa matatandang kapatid na nagsikap na sila’y sawayin sa mabait na paraan. Ang gayong katigasan ng ulo ay kadalasang resulta ng pagiging maluwag at kakulangan ng disiplina sa tahanan. Kailangan itong maituwid. Ang lahat ng mga magulang na Kristiyano ay dapat na maingat na sumubaybay sa kanilang mga anak sa lahat ng panahon habang “sila’y pinalalaki sa disiplina at kaisipan ni Jehova.”—Efe. 6:4.
19 ANG INYONG LUBUSANG PAKIKIPAGTULUNGAN AY PINAHAHALAGAHAN: Maraming paghahanda ang kailangang gawin upang matiyak na magkakaroon ng sapat na mga upuan, literatura, pagkain, at iba pang paglalaan ang lahat ng mga magsisidalo. Upang matiyak na magiging mabisa ang mga kaayusang ito, ang bawat kongregasyon ay inatasan sa isang partikular na kombensiyon. Ang inyong lubos na pakikipagtulungan ay mahalaga upang maiwasan ang pagsisiksikan. Sabihin pa, may mga kalagayan na kung saan ay kailangan na dumalo ang ilan sa isang kombensiyon sa ibang lugar. Gayumpaman, ang karamihan ay nararapat na dumalo sa kombensiyon kung saan sila inatasan.—1 Cor. 13:5; Fil. 2:4.
20 Ang inyong lubos na pakikipagtulungan ay hinihiling sa mga bagay may kaugnayan sa pagrereserba ng mga upuan. Pakisuyong ingatan sa isipan na ang mga UPUAN AY MAAARI LAMANG IRESERBA PARA SA INYONG KASAMBAHAY AT SA SINUMANG NAGLALAKBAY NA KASAMA NINYO SA INYONG SASAKYAN. Pakisuyong huwag magreserba ng mga upuan para sa iba. May mga panahong ang ekstrang upuan ay basta nakareserba bagaman walang tiyak na uupo. Ito’y kawalang pag-ibig at nakalilito sa mga attendant o sa mga naghahanap ng upuan. Kaayon ng payo ng Bibliya, dapat tayong magsikap na magpamalas ng pag-ibig kapatid at pakikipagtulungan nang lubusan may kinalaman sa kaayusan sa pagrereserba ng upuan. Walang sinuman ang may karapatan sa karagdagang upuan maliban doon sa kaniyang sariling kasambahay o kasama sa sasakyan.—2 Ped. 1:7.
21 Walang pahihintulutang magreserba ng upuan sa gabi pa lamang. Dapat na sunding maingat ng mga dumarating nang maaga ang kaayusan sa itaas hinggil sa pagrereserba ng upuan. Dapat na maagang lumagay sa kanilang puwesto ang mga attendant bawat umaga upang masubaybayan kung ano ang nangyayari, upang maiwasan ang pag-abuso sa tagubilin ng Samahan hinggil sa pagrereserba ng upuan. Pakisuyong makipagtulungan nang lubusan sa mga attendant habang kanilang tinutupad ang kanilang atas sa kapakinabangan ng lahat ng mga dumadalo.
22 Iminumungkahi na gumamit ng mabuting pagpapasiya sa pagdadala ng personal na mga bagay sa lugar ng kombensiyon. Ang ilan ay nagdala ng malalaking bagay na hindi magkasiya sa upuan anupat iyon ay inilagay sa mga pasilyo o sa kalapit na mga upuan. Dahilan dito’y nawalan ng upuan ang iba, at kung minsan ay nakaharang sa mga pasilyo. Dapat tayong magpakita ng konsiderasyon sa mga bagay na ito.
23 Walang alinlangang pinahahalagahan ng bayan ni Jehova ang makapagtipon sa mainam na mga pasilidad upang makinabang sa inihandang espirituwal na programa. Atin ding pinahahalagahan ang maraming paglilingkod at kaalwanang inilalaan sa gayong mga pagtitipon. Taglay ang malaking pagsisikap at gastos ng Samahan, ang mga kaayusan ay ginawa para sa sapat na upuan, paglalagay ng mga mamahaling sound system, pagpapatakbo ng Food Service Department, at pagsasagawa ng mga kaayusan at mga paglilingkod upang ang pagdalo sa kombensiyon ay gawing kalugod-lugod at kasiyasiya sa espirituwal na paraan.
24 Ang mga gastos na ito ay natatakpan ng inyong kusang-loob na abuloy bilang pagtangkilik sa pambuong daigdig na gawain ng Samahan. Ukol sa inyong kaalwanan, ang markadong mga kahon ng abuluyan ay ilalagay sa buong pasilidad ng kombensiyon. Ang lahat ng abuloy ay lubusang pinahahalagahan, anupat nais ng Samahan na pasalamatan kayo nang patiuna para sa inyong masagana at nagkakaisang pagtangkilik sa mga kapakanan ng Kaharian sa ganitong paraan. Kami ay nagtitiwala na mapakikilos ang lahat hinggil sa kanilang indibiduwal na pananagutan tungkol sa mga gastos na ito at lubusang makikipagtulungan sa pamamagitan ng pakikibahagi alinsunod sa ipinahihintulot ng kanilang kalagayan.—Luc. 6:38.
25 DUMALO SA “MGA UMIIBIG SA KALAYAAN” NA PANDISTRITONG KOMBENSIYON! Sa pamamagitan ng pagdalo sa “Mga Umiibig sa Kalayaan” na Pandistritong Kombensiyon at lubusang pakikinig sa programa, mapasusulong natin ang ating pagpapahalaga sa kalayaan na nagmumula sa pamamagitan ni Kristo at sa wastong paggamit ng Kristiyanong kalayaan. Gumawa na ngayon ng plano na naroroon na sa pambukas na awit at madaluhan ang lahat ng sesyon hanggang sa katapusang panalangin sa Linggo ng hapon.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
TULUYAN: Kami ay nagpadala ng suplay ng Room Request form sa bawat kongregasyon. Dapat punan ang pormang ito ng mga nangangailangan ng tuluyan at ibigay iyon sa kalihim ng inyong kongregasyon. Susuriin niya iyon at pipirmahan, at pagkatapos ay ipadadala sa Watch Tower Convention sa isa sa mga direksiyong nasa ibaba.
Disyembre 13-15, 1991
Maasin, Southern Leyte: c/o Conrado Balaga, Rosario Village, Asuncion, Maasin, 6600 Southern Leyte.
Disyembre 20-22, 1991
Ilagan, Isabela: c/o Zosimo G. Linda, Baculod, Ilagan, 3300 Isabela.
Vigan, Ilocos Sur: c/o Pablo Nolasco, 54 Quirino Boulevard, Vigan, 2700 Ilocos Sur.
Tarlac, Tarlac: c/o Gregorio Ibarra, Aguso, Tarlac, 2300 Tarlac.
Lucena City: Kingdom Hall, 1 Granja Street, 4301 Lucena City.
Quezon City: P. O. Box 2044, 1099 Manila.
San Fernando, Pampanga: Kingdom Hall, 850 Juliana Subdivision, San Fernando, 2000 Pampanga.
Dumaguete City: c/o Alexander Echon, 110-A Springville, Tubod, 6200 Dumaguete City.
Tacloban City: 186 M. H. del Pilar Street, 6500 Tacloban City.
Tagbilaran City: c/o Hermenegildo Sang-an, 11 Tamblot Street, 6300 Tagbilaran City.
Bacolod City: c/o Serafin Sabordo, 68 Mabini Street, 6100 Bacolod City.
Surigao City: c/o Alfredo Alutaya, 735 Navarro Street, 8400 Surigao City.
General Santos City: c/o Clarustino Labrador, P. O. Box 122, 9500 General Santos City.
Mati, Davao Oriental: P. O. Box 6, Mati, 8200 Davao Oriental.
Davao City: c/o Cesar’s Portrait, City Hall Drive, San Pedro Street, 8000 Davao City.
Pagadian City: Kingdom Hall, V. Sagun Street, 7016 Pagadian City.
Tantangan, South Cotabato: c/o Liberato Supnet, New Cuyapo, Tantangan, 9510 South Cotabato.
Disyembre 27-29, 1991
Tuguegarao, Cagayan: c/o Santiago Panaga, 60 Public Market, Tuguegarao, 3500 Cagayan.
Bayombong, Nueva Vizcaya: c/o Trinidad V. Bunuan, Market Site, Diversion Road, Bayombong, 3700 Nueva Vizcaya.
Baguio City: c/o Anastacio Cruz, 47 Bayan Park Extension, Aurora Hill, 2600 Baguio City.
Mangaldan, Pangasinan: c/o Benjamin Caberto, Sr., 97 Salay, Mangaldan, 2432 Pangasinan.
Iriga City: c/o Leonardo de Villa, 38 Waling-waling Street, San Miguel, 4431 Iriga City.
Puerto Princesa City: Kingdom Hall, Malvar Street, 5300 Puerto Princesa City.
Marikina, Metro Manila: P. O. Box 2044, 1099 Manila.
Cavite City: Kingdom Hall, 497 Padre Pio Street, Caridad, 4100 Cavite City.
Cebu City: c/o Parcon’s Machine Shop, Bagumbayan Street, 6000 Cebu City.
Iloilo City: 65 Escarilla Subdivision, Mandurriao, 5000 Iloilo City.
Kidapawan, North Cotabato: c/o Ponciano Dongog, P. O. Box 34, Kidapawan, 9400 North Cotabato.
Surallah, South Cotabato: c/o Eugenio Ordanza, Poblacion, Surallah, 9512 South Cotabato.
Tagum, Davao del Norte: Kingdom Hall, 1036 Rizal Street, Tagum, 8100 Davao del Norte.
Cagayan de Oro City: Kingdom Hall, F. Abellanosa Street, 9000 Cagayan de Oro City.
Zamboanga City: Kingdom Hall, 541 San Jose Road, Baliwasan, 7000 Zamboanga City.
Enero 3-5, 1992
Urdaneta, Pangasinan: c/o Manantan Technical School, Urdaneta, 2428 Pangasinan.
Masbate, Masbate: c/o Yolando Alburo, 56-K Tara Street, Masbate, 5400 Masbate.
BAUTISMO: Dapat pagsikapan ng mga kandidato sa bautismo na maupo sa kanilang upuan sa itinalagang seksiyon bago magpasimula ang programa sa Sabado ng umaga. Ang isang mahinhing pampaligo at tuwalya ay dapat dalhin ng bawat nagpaplanong magpabautismo. Pagkatapos ng pahayag sa bautismo at panalangin ng tagapagsalita, ang tsirman ng sesyon ay magbibigay ng maikling tagubilin sa mga kandidato sa bautismo at pagkatapos ay magpapaawit. Sa pasimula ng huling stanza, aakayin ng mga attendant ang mga kandidato sa bautismo sa lugar na paglulubugan o sa mga sasakyang magdadala sa kanila doon, samantalang tatapusin ng mga tagapakinig ang pag-awit. Yamang ang bautismo na sagisag ng pag-aalay ng isa ay isang malapit at personal na bagay sa pagitan ng indibiduwal at ni Jehova, walang probisyon para sa tinatawag na ka-partner sa bautismo, na doo’y ang dalawa o mahigit pang kandidato sa bautismo ay nagyayakap o naghahawakan ng kamay samantalang binabautismuhan.
MGA PANTANGING PULONG: Isang pantanging pulong ang idaraos sa lahat ng mga regular at espesyal payunir at mga naglalakbay na tagapangasiwa sa 11:15 n.u. ng Biyernes, samantalang isang pulong kasama ang lahat ng mga matatanda at ministeryal na lingkod ang idaraos sa 11:15 n.u. ng Sabado. Ang lugar para sa mga pulong ito ay ipatatalastas mula sa plataporma.
PIONEER IDENTIFICATION: Ang lahat ng mga regular at espesyal payunir, at gayundin ang mga naglalakbay na tagapangasiwa ay dapat magdala ng kanilang Identification and Assignment card (S-202) sa kombensiyon. Ang mga payunir na nasa listahan mula noong Hulyo 1, 1991 o bago pa ng petsang ito ay tatanggap ng ₱80.00 halaga ng tiket sa kombensiyon kapag iniharap ang kanilang ID card sa kombensiyon lamang na iyon. Ingatan ang card gaya ng pera. Hindi iyon mapapalitan sa kombensiyon.
BOLUNTARYONG PAGLILINGKOD: Kailangan ang boluntaryong tulong para sa isang maayos na operasyon sa isang pandistritong kombensiyon. Kahit na kayo’y makapagtatrabaho lamang ng kaunti sa kombensiyon, ang inyong paglilingkuran ay pahahalagahan. Kung kayo’y makatutulong, pakisuyong mag-report sa Volunteer Service Department sa inyong pagdating sa kombensiyon. Ang mga batang wala pang 16 anyos ay makatutulong din sa ikapagtatagumpay ng kombensiyon, subalit sila’y kailangang gumawa kasama ng magulang o ng iba pang nakatatandang kapatid na mapagkakatiwalaan.
LAPEL CARDS: Pakisuyong isuot ang pantanging idinisenyong lapel card sa kombensiyon at habang naglalakbay mula at patungong kombensiyon. Kadalasang ito’y nagbibigay sa atin ng pagkakataong makapagbigay ng mainam na patotoo habang naglalakbay. Ang mga lapel card ay makukuha sa pamamagitan ng kongregasyon, yamang wala nito sa kombensiyon. (Pansinin ng kalihim: Ang mga lapel card ay dapat na pinidido sa Special Order Blank for forms. Kung hindi ito naisagawa, magpadala ngayon ng regular na S-14 para dito.)
ISANG BABALA: Saan man kayo dadalo, bantayan ang inyong mga dala-dalahan sa lahat ng panahon. Kung mayroon kayong sasakyan, tiyaking nakasusi ito at huwag mag-iiwan ng mahahalagang bagay sa loob ng isang nakaparadang sasakyan. Gayundin, mag-ingat sa mga magnanakaw at mandurukot na naaakit sa malalaking pagtitipon. Lakip dito ang hindi pag-iiwan ng anumang bagay na mahalaga kung walang nagbabantay sa mga upuan sa kombensiyon. Pakisuyong mag-ingat.