Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang mga Magasin sa Teritoryong Madalas Gawin
1 Sa Gawa 8:25 ating nababasa na sina Pedro at Juan ay nagbigay ng lubusang patotoo sa Samaria at pagkatapos ay inihayag “ang mabuting balita sa maraming mga nayon.” Sa ngayon, tayo’y kailangan ding magbigay ng lubusang patotoo sa ating teritoryo.
2 Maraming kongregasyon ang gumagawang madalas sa kanilang teritoryo. Subalit hindi tayo dapat na maging negatibo hinggil dito. Sa bawat isyu ng Ang Bantayan at Gumising!, may mga bagong paksa sa tuwi-tuwi na na maibabahagi natin sa mga tao.
MAKIPAG-USAP SA MGA TAO
3 Kadalasan ay gumagamit tayo ng maikling paghaharap ng magasin upang malawak na maipamahagi ang mga ito. Gayumpaman, kapag ginagawa ang madalas kubrehang mga teritoryo, makabubuting gumamit tayo ng higit na panahon sa pakikipag-usap sa mga maybahay. Maging ang mga bata ay maaaring makipag-usap nang higit pa sa mga bagay na pumukaw ng kanilang pansin sa mga magasin. Kapag binabasa ang mga magasin, alamin kung ano ang makatatawag-pansin sa mga tao sa inyong teritoryo. Pagkatapos, bago magtungo sa paglilingkod, piliin ang mga paksang inyong itatampok. Gamitin ang isa sa maiinam na paksa sa magasin bilang tampok na punto sa inyong pambungad. Alamin ang pangmalas ng maybahay sa palakaibigang pakikipag-usap.
4 Ang hindi pag-aapura kapag tayo’y nakikipag-usap sa mga tao ay makatutulong sa atin na malaman kung talagang interesado ang mga ito. Sa ganitong paraan ay makapag-iiwan tayo ng magasin sa mga maglalaan ng panahong basahin ang mga iyon.
INGATAN SA ISIPAN ANG ATING LAYUNIN
5 Ang layunin ng ating pagbabahay-bahay ay hindi upang malaman kung gaano karaming magasin o aklat ang ating mailalagay. Nais nating makatulong sa iba na magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan. Ipinahayag nina Pedro at Juan ang salita ni Jehova sa mga Samaritano sa puspusang paraan, at nanaisin din nating gumugol ng sapat na panahon upang makitang ang mga tao sa ating teritoryo ay nabibigyan ng pagkakataong tumugon sa katotohanan. Mag-ingat ng rekord ng mga nagpapakita ng tunay na interes at ilatag ang saligan para sa isang pag-aaral sa Bibliya hangga’t maaari.
6 Sa pamamagitan ng mabisang paggamit ng mga magasin bilang saligan ng ating pakikipag-usap, maisasagawa natin ang layuning ito. Dapat tayong manalangin para sa ating sarili at sa iba na magkaroon ng “kakayahang magsalita . . . upang maipahayag ang banal na lihim ng mabuting balita . . . taglay ang katapangan.”—Efe. 6:18-20.