Paghaharap ng Mabuting Balita—Pagsisimula ng mga Pag-aaral sa Tuwirang Pag-aalok
1 Inutusan tayo ni Jesus na “gumawa ng mga alagad.” (Mat. 28:19) Upang magawa ito kailangang magsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga taong interesado. Ang tuwirang pag-aalok upang pasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya ang makatutulong upang madali nating maisagawa ito.
2 Ano ang maaari nating sabihin kapag tuwirang nag-aalok ng pag-aaral sa Bibliya? Pinakamabuti na gawing simple ang pag-aalok. Maaari nating sabihin: “Interesado akong tulungan ang mga tao na maunawaan ang Bibliya at malulugod ako kung mapag-aaralan natin ito kasama ng inyong pamilya sa inyong tahanan nang walang bayad o obligasyon. Puwede nating gamitin ang inyong sariling Bibliya. Kung wala kayo, makapagdadala ako ng isa para sa inyo.”
3 Ang isa pang paraan ay ganito: “Ang layunin ng pagdalaw ko ngayon ay upang magpasigla ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, na tutulong sa inyong maunawaan kung saan patungo ang sanlibutang ito at kung ano ang layunin ng Diyos para sa atin. Nais kong ipakita sa inyo kung papaano kayo lubos na makikinabang sa inyong Bibliya. Wala kayong obligasyon o bayad dito.” Kung sang-ayon ang maybahay, maaari ninyong gamitin ang tract na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan o ang brochure na “Narito!” pasimula sa pahina 3, parapo 1. Ang unang mga pahina ng brochure na ito ay nagtatampok ng pangako ni Jehova na isauli ang Paraiso.
4 Gamitin ang mga Tract sa Bibliya: Nasumpungan ng marami na ang mga tract ay nakatutulong kapag tuwirang nag-aalok ng pag-aaral. Paglabas ng maybahay, iabot ninyo ang tract na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan na nakabukas upang makita niya ang buong larawan. Nasa inyong kamay ang isa pang tract, at maaari ninyong basahin ang mga tanong sa unang dalawang parapo. Pag-usapan ang mga sagot, at bumasa ng isa o dalawang umaalalay na teksto. Pagkatapos ay magsaayos ng pagdalaw-muli. Ipaliwanag sa maikli ang ating walang-bayad na programa ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, o kaya isaayos na dumalaw muli upang talakayin ang karagdagang punto sa tract.
5 Sa pagsasaayos ng pagdalaw-muli, makabubuting banggitin ang isang punto na sa palagay mo’y makapupukaw ng interes ng maybahay. Maaaring gawin ito sa pamamagitan ng tanong. Sa ganito masasabik ang maybahay sa inyong susunod na dalaw kung kailan sasagutin ang tanong na iyan.
6 Kaya samantalahin nating lahat ang bawat pagkakataon upang magsimula ng mga pag-aaral at makibahagi sa atas na “gumawa ng mga alagad.”—Mat. 24:14; 28:19, 20; Mar. 13:10.