Pag-aaral sa Ang Pinadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
1 Sa linggo ng Pebrero 8-14, pasisimulan natin ang pag-aaral sa Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman sa ating mga Pag-aaral ng Aklat sa Kongregasyon. Tunay na isang kagalakang repasuhin ang buhay at ministeryo ni Jesu-Kristo! Yamang ang aklat ay dinisenyo na kakaiba sa iba pang aklat na ating napag-aralan na, ang ilang tagubilin ay makatutulong.
2 Ang aklat ay hindi nagtataglay ng mga numero ng pahina, kaya ang eskedyul na inilagay sa Ating Ministeryo sa Kaharian pasimula sa susunod na buwan ay magpapakita sa mga kabanata na pag-aaralan, kadalasa’y tatlo o apat sa bawat linggo. Ang mga kabanata 35, 111, at 116 ay mahahaba at hahatiin sa dalawang pag-aaral ang bawat isa. Pagkatapos na ipabasa sa isang kuwalipikadong kapatid na lalake ang buong kabanata (o ang buong sub-titulo, gaya sa mga kabanata 35, 111, at 116), ang mga konduktor sa pag-aaral ay maghaharap ng mga tanong na nasa katapusan ng kabanata para doon sa kabanata o seksiyong kababasa lamang. Ang mga sagot ay hindi laging makikitang sunod-sunod doon sa kabanata. Ang maikli at tuwirang sagot ay dapat na laging batay sa materyal na nasa leksiyon.
3 Pagkatapos nito, habang ipinahihintulot ng panahon, dapat ipabasa ang lahat ng mga kasulatang binanggit sa katapusan ng kabanata. Ang mahahabang kasulatang binanggit ay maaaring hati-hatiin sa maliliit na bahagi upang mabasa ng iba’t ibang mamamahayag, at pagkatapos ay maaaring magbigay ng komento sa binasa. Ang tuwirang mga tanong na inihanda ng konduktor ay makatutulong upang palabasin ang maiinam na komento kung papaanong ang mga kasulatan na binasa ay kaugnay sa mga itinampok sa aklat. Ang lahat ng mga tanong at komento ay dapat na tumulong sa mga dumadalo na maipako ang pansin kay Jesu-Kristo, sa kaniyang pamumuhay, at sa kaniyang mga turo.
4 Ang aklat na Pinakadakilang Tao ay tumatalakay sa buhay ni Jesus sa paraang kronolohikal. Ang pagsasagunita at pagpapako sa isip kung saan naganap ang mga ito ay isang malaking tulong upang matandaan ang mga yaon. Kaya, tiyaking isaalang-alang ang makulay na mga ilustrasyon at gumawa ng malimit na pagtukoy sa mapa na lumilitaw sa pasimula ng aklat, pagkatapos ng pambungad.
5 Ang pambungad ng aklat ay isasaalang-alang sa unang linggo. Pagkatapos na basahin ang lahat ng mga parapo sa ilalim ng sub-titulo, magtatanong ang konduktor ng mga angkop na katanungan na inihanda niya. Ang pasimulang pagsasaalang-alang na ito ay maghahanda sa lahat para sa mga susunod na pag-aaral sa dumarating na taon. Ang laki ng tagumpay sa pagkubre sa materyal ay magiging depende sa laki ng paghahanda ng lahat ng dadalo. Ang konduktor ay lalo nang dapat maging lubusang handa bawat linggo upang tulungan ang grupo na lubos na makilala ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman, ang ating Panginoon at Tagapagligtas, si Jesu-Kristo.