Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
1. Kailan sisimulan ang pagtalakay sa brosyur na Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon? at paano tayo makikinabang dito?
1 Simula sa linggo ng Oktubre 28, ang brosyur na Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon? ay tatalakayin sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya. Ito ay inilabas sa “Ingatan Mo ang Iyong Puso!” na Pandistritong Kombensiyon at dinisenyo para akayin sa organisasyon ang mga inaaralan sa Bibliya. Sa pagtalakay sa publikasyong ito, lalo nating mapahahalagahan na kabilang tayo sa organisasyon ni Jehova at magiging pamilyar din tayo sa napakahalagang pantulong na ito sa ministeryo.—Awit 48:13.
2. Paano pag-aaralan ang brosyur na ito sa kongregasyon?
2 Kung Paano Ito Pag-aaralan: Kailangang hati-hatiin ng konduktor ang kaniyang oras para mabigyan ng sapat na panahon ang bawat aralin. Sisimulan niya ang pagtalakay sa bawat aralin sa pagbasa ng pamagat nito. Pagkatapos, ipababasa niya sa tagabasa ang unang parapo. Sumunod, itatanong ng konduktor sa mga tagapakinig ang tanong na inihanda niya para dito. Pagkatapos nito, dapat basahin at talakayin nang isa-isa ang bawat seksiyon na nagsisimula sa makakapal na letra. Pagkabasa ng seksiyon, itatanong ng konduktor kung paano nito sinasagot ang pamagat ng aralin. Ang brosyur na ito ay marami ring larawan na puwedeng komentuhan. Ang mga susing teksto ay dapat basahin hangga’t ipinahihintulot ng panahon. Bago talakayin ang susunod na aralin, ibabangon ng konduktor ang mga tanong sa ibaba ng pahina bilang repaso. Kung may kahong “Ang Puwede Mong Gawin,” ipababasa niya ito sa tagabasa, at saka niya tatanungin ang mga tagapakinig kung paano makikinabang ang inaaralan sa Bibliya sa pagsunod sa mga mungkahi. Sa pagtatapos ng pag-aaral, maaari niyang gamitin ang pamagat ng mga aralin bilang mga tanong sa repaso, kung may oras pa. Tandaan na hindi naman kailangang ganito rin ang gagamiting paraan sa pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
3. Paano tayo lubusang makikinabang sa pag-aaral ng brosyur na ito?
3 Para lubusang makinabang, maghandang mabuti bago dumalo sa pulong. Sikaping magkomento. Sa panahon ng pagtalakay, pag-isipan kung bakit kapaki-pakinabang ang materyal sa mga inaaralan sa Bibliya. Makatulong nawa ang pag-aaral sa bagong brosyur na ito para maakay natin ang iba na gawin din ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, magkakaroon din sila ng pag-asang mabuhay magpakailanman.—1 Juan 2:17.