Ipangaral ang Daan ng Diyos sa Kapayapaan at Katiwasayan
1 Ang mga tao ay maraming mga mungkahi para sa kapayapaan at katiwasayan, subalit wala sa mga ito ang nakatutugon sa mga pangangailangan ng tao sa buong daigdig. Bagaman ang makarelihiyoso, makalahi, at makabansang pagkakapootan ay lumilitaw na malalaking hadlang sa isang matiwasay at mapayapang sanlibutan, nalalaman ng mga tunay na Kristiyano na ang mga tunay na hadlang ay si Satanas na Diyablo at ang pagtanggi ng tao na magpasakop sa Diyos na Jehova.—Awit 127:1; Jer. 8:9; 1 Juan 5:19.
2 Sa Abril, pagsisikapan nating tulungan ang ating kapuwa na makitang ang daan ng Diyos sa kapayapaan at katiwasayan ang siyang tanging daan at na si Jehova ang nagtataglay ng ultimong lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan.
3 Gamitin ang mga Bagong Tract: Maibabahagi natin ang nakapagpapatibay na mensaheng ito sa pamamagitan ng paggamit sa mga bagong tract na inilabas sa ating “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon. Isang payak na pagtatanghal ang nagpakita kung papaano gagamitin ang Tract Blg. 19 na Ang Sanlibutan Bang Ito ay Makaliligtas?, upang pasimulan ang isang pag-uusap at tumungo sa isang pag-aaral sa Bibliya. Ang matingkad na katuparan ng hula ni Jesus hinggil sa katapusan ng sanlibutang ito ay dapat makatawag ng pansin sa marami.
4 Milyun-milyong mga tao ngayon ang nanlulumo, at matagal na nilang hinihintay ang panahon ng paggaling at ng tunay na kapayapaan at katiwasayan. Ang Kaaliwan Para sa Nanlulumo (Tract Blg. 20) ay maaaring siyang tunay na pagmulan ng pampatibay-loob sa marami.
5 Ang Tract Blg. 21, Tamasahin ang Buhay Pampamilya, ay naglalaan ng praktikal na payo kung ano ang maaaring gawin upang mapasulong ang buhay pampamilya kahit na ngayon pa man habang hinihintay ang isang kamangha-manghang kinabukasan sa bagong sanlibutan ng Diyos.
6 Ang Tract Blg. 22 ay nagbibigay ng tuwirang sagot sa katanungang Sino Talaga ang Nagpupuno sa Sanlibutan? Ipinaliliwanag nito kung bakit ginamit ng mga tao ang pinakakasuklam-suklam na mga pamamaraan upang labis na pahirapan at paslangin ang isa’t isa sa kabila ng pagnanais ng karamihang tao ng isang mapayapa at tiwasay na buhay. May mga balakyot na espiritu sa makalangit na dako, at ang pinakatusong paraan ng pandaraya ni Satanas ay ang hikayatin ang marami upang maniwalang siya at ang kaniyang mga demonyo ay hindi talaga umiiral.
7 Magpasimula ng mga Pag-aaral sa Bibliya: Isang pag-aaral sa Bibliya ang maaaring mapasimulan sa pamamagitan ng tract, brochure, magasin, o isang aklat. Kung ang maybahay ay mayroon ng isa sa ating mga publikasyon, ialok na itanghal kung papaano ito maaaring gamitin sa isang pag-aaral sa Bibliya. Ang mga bagong tract at ang bagong brochure na Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos? ay mga napakainam na kasangkapan upang gamitin sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.
8 Ang tunay na katiwasayan ay maaaring manggaling lamang sa Maylikha, si Jehovang Diyos. Nawa’y gamitin nating mabuti ang mga pantulong na ito sa pagtuturo upang ipangaral ang daan ng Diyos sa kapayapaan at katiwasayan.—Isa. 2:3, 4.