Tanong
◼ Papaano dapat malasin ang paglilingkod bilang isang auxiliary payunir?
Ang pagiging auxiliary payunir ay dapat malasin bilang isang pribilehiyo at isang maselang na pananagutan. Sampu-sampung libong mamamahayag bawat buwan ang inaatasang maglingkod bilang auxiliary payunir, at tuloy-tuloy pa itong ginagawa ng ilan. Pinapupurihan namin ang masisipag na mga mamamahayag na ito na pinahihintulutan ng kanilang kalagayan upang gugulin ang kahilingang 60 oras sa paglilingkod sa larangan bawat buwan anupat sila’y naglilingkod bilang mga auxiliary payunir. Ang mga matatanda at iba pa ay dapat na magpasigla sa mga mamamahayag na nag-aplay sa paglilingkod bilang mga auxiliary payunir na dibdibin ang kanilang atas at iwasan ang anumang hilig sa pagkakaroon ng mapagwalang bahalang saloobin.
Katulad ng mga regular payunir, dapat tayahin ang magugugol niyaong mga nagboluntaryo bilang mga auxiliary payunir sa loob ng isa o dalawang buwan. (Luc. 14:28) Kalakip nito ang pag-alam nang patiuna kung makatuwiran nilang maaabot ang hinihiling na dami ng oras sa ministeryo sa larangan nang hindi napababayaan ang iba pang mga pananagutang Kristiyano. Ang desisyon ng isa na magpatala bilang isang auxiliary payunir ay dapat na gawin matapos ang may pananalanging pagsasaalang-alang sa kaniyang personal na kalagayan. Ito’y hindi dapat salig sa emosyon palibhasa’y nagpapatala ang iba. Ito’y dapat na maging isang pinag-isipang mabuting desisyon, na nalalakipan ng isang nasusulat na eskedyul para maisagawa ang mga kahilingan. Mahalagang basahing maingat ang aplikasyon at pagpasiyahan ng isa sa sariling puso kung may katapatan niyang masasabing oo sa kung ano ang hinihiling.
Sabihin pa, karagdagang pagpupunyagi ang nasasangkot. May mga buwan sa loob ng isang taon na sila’y magiging “lubusang okupado” sa pangangaral ng mabuting balita. (Gawa 18:5) Lakip na rito ang panahon ng Memoryal sa Marso, Abril, at Mayo at sa mga buwang dumadalaw sa kongregasyon ang tagapangasiwa ng sirkito. May kagalakang dinidisiplina ng maraming mamamahayag ang kanilang sarili upang sundin ang isang mahigpit na eskedyul para magkaroon ng karagdagang bahagi sa gawaing pangangaral sa mga panahong ito ng pantanging gawain, na kinikilalang ito’y kadalasang nagdudulot ng mayayamang pagpapala. (2 Cor. 9:6) Maraming mamamahayag ang gumagawa ng mga pantanging pagsisikap na magpayunir sa mga buwan ng bakasyon at sa alinmang buwan ng taon na may limang dulong sanlinggo. Subalit kapag nag-aaplay, kanilang kinikilalang ang pangangailangang mangapit sa simulaing ‘Hayaang ang inyong Oo ay mangahulugang Oo’ sa pamamagitan ng paggawa ng kanilang buong makakaya upang makapag-ulat ng 60 o higit pang oras bawat buwan sa kanilang paglilingkod bilang mga auxiliary payunir.—Mat. 5:37.
Ang mga mamamahayag na hindi makapagpapayunir ay maaaring makatulong sa pamamagitan ng paggawa kasama ng mga auxiliary payunir, na nagsasaayos ng tiyak na pakikipagtiyap sa kanila. Makatutulong ang pananatili sa paglilingkod nang mas matagal kasama ng mga payunir hanggat maaari. Maaaring lalo nang mapahalagahan ng mga payunir ang suporta ng ibang mamamahayag sa unang mga oras sa umaga, sa dapit hapon, o sa bandang gabi. Ang mga auxiliary payunir ay nagagalak kung sila’y aanyayahang gumawang kasama ng iba sa mga pagdalaw muli at pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Yaong mga maaaring umalalay nang ganito sa mga auxiliary payunir ay aani ng higit na kaligayahan na nagmumula sa pagbibigay.—Gawa 20:35.
Ang pagsisikap sa bahagi ng maraming auxiliary payunir ay lubos na pinahahalagahan. Yaong mga maaaring sumama sa kanila ay makaaasa ng mayamang mga pagpapala. (Kaw. 10:4) Kailan kayo susunod na makikibahagi sa kagalakan ng pinasulong na gawain bilang isang auxiliary payunir?