Paggawa sa Teritoryong Madalas na Kubrehan
1 Kami ay nagagalak na tumanggap ng mga ulat na maraming kongregasyon ang malimit na gumagawa sa kanilang teritoryo. (Mat. 24:14; 1 Tim. 2:3, 4) Bagaman ito ay nagsisilbing isang hamon, maaari itong mapagtagumpayan kung tayo’y lubusang handa sa pagharap sa iba’t ibang kalagayan na maaaring bumangon.
2 Mabibisang Pambungad ang Siyang Susi: Napakahalaga na maging handa upang gamitin ang isa o higit pang mga pambungad na maingat na pinag-isipan. Dapat na kalakip nito ang tuwirang mga salita na nagpapakitang maliwanag sa mahahalagang dahilan ng madalas na pagdalaw natin.
3 Ang aklat na Nangangatuwiran ay nagbibigay ng maraming maiinam na halimbawa ng angkop na mga pambungad na maaaring gamitin. Ang tatlo ay nakalista sa pahina 15 sa ilalim ng uluhang “Sa Teritoryong Madalas Magawa.” Ensayuhin yaong nanaisin ninyong gamitin sa inyong teritoryo.
4 Ang ilang mamamahayag ay naging matagumpay sa paggamit ng mga balita sa lokal na pahayagan upang pasimulan ang pakikipag-usap sa teritoryong madalas nagagawa. Ang aklat na Nangangatuwiran ay nagbibigay ng tatlong halimbawa kung papaano gagawin ito. Isaalang-alang ang ikalawang pambungad sa ilalim ng uluhang “Krimen/Kapanatagan” sa pahina 11 (pahina 10 sa Ingles) at ang unang dalawang pambungad sa ilalim ng uluhang “Kasalukuyang mga Pangyayari” sa pahina 11 (pahina 10 at 11 sa Ingles).
5 Mga Pambungad na Inihahanda Ninyo: Huwag mag-atubiling gamitin ang mga pambungad na komento sa aklat na Nangangatuwiran. Sabihin ang mga ito sa inyong sariling pananalita. Maaari ninyong ensayuhin ang mga ito kasama ng isang makaranasang mamamahayag bago gamitin sa larangan.
6 Halimbawa, maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Buhat noong huli namin kayong dalawin, [banggitin ang pangyayari kamakailan lamang na pinag-uusapan ng mga tao sa komunidad]. Dahilan sa apektado tayong lahat, marami sa ating mga kapitbahay ang masyadong nababahala. Marahil ay sumagi na rin ito sa inyong isip. [Huminto sumandali para sa posibleng sagot.] Dahilan sa mga kalagayan sa daigdig sa ngayon, hindi ba kayo sasang-ayon sa isinulat ng propetang si Jeremias sa kabanata 10, talatang 23?” Pagkatapos basahin ang kasulatan, kunin ang obserbasyon ng maybahay, pagkatapos ay bumaling sa isang teksto na nagpapakita kung papaano lulutasin ni Jehova ang suliraning partikular na pinag-uusapan.
7 O maaari ninyong sabihin:
◼ “Walang alinlangang napansin ninyo sa balita ngayon [banggitin ang espisipikong pangyayari]. Marahil ay sasang-ayon kayo na ito’y nakakaapekto sa ating lahat. [Huminto sumandali para sa posibleng sagot.] Maaari nating asahan ang pansamantalang remedyo na maibibigay ng pamahalaan; gayunpaman, ang Bibliya ay nagpapakita kung papaano permanenteng malulutas ang suliranin.” Bumaling sa kasulatan na nagpapakita kung ano ang gagawin ng Diyos.
8 “Bakit Kayo Malimit na Dumadalaw?” Ang angkop na mga tugon sa ganitong pagtutol ay ibinibigay sa aklat na Nangangatuwiran sa pahina 20 sa ilalim ng uluhang “Bakit Kayo Madalas na Dumadalaw sa mga Tao?” Kahit na hindi tinatanong, maaari tayong makapagbigay ng mainam na patotoo kung tutulungan natin ang iba na mapahalagahan na ang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang nagpapakilos sa atin na dumalaw nang malimit hanggat maaari. Ang pagtalakay sa mga salita ni Jesus sa Juan 21:15-17 ay maaaring makatulong sa bagay na ito.
9 Hanggang sa panahong sabihin ni Jehova na sapat na, patuloy nating harapin ang hamon sa paggawa sa teritoryong madalas kubrehan. Taglay ang determinasyong ito, makatitiyak tayo sa kaniyang patnubay, proteksiyon, at pagpapala hanggang sa katapusan.—Mat. 28:19, 20.