Maaari Ka Bang Sumali Muli sa Ranggo ng mga Payunir?
1 Sa nakaraang limang taon, libu-libong mga regular payunir ang umalis sa ranggo ng mga payunir. Kayo ba’y isa sa mga ito? Kung ang inyong kalusugan, suliranin sa pinansiyal, o obligasyon sa pamilya ay naging dahilan ng inyong paghinto, nagbago na ba ang inyong kalagayan? Maaari ka bang gumawa ng ilang pagbabago upang makapagpayunir muli? Iniisip mo ba ang muling pag-aaplay?
2 Gaya ng alam ninyo, ang mabuting organisasyon ay kailangan upang kayo’y magtagumpay bilang isang payunir. Bagaman walang masyadong panahon para sa paglilibang, ang maikling yugto ng pag-aaliw ay kadalasang higit na kasiyasiya. (Kaw. 19:17; Gawa 20:35) Sa pamamagitan ng pagiging abala sa paglilingkod, kayo ay napangangalagaan mula sa malasariling paraan ng pamumuhay ng sanlibutan. Ipinangako ni Jehova na payayamanin niya kayo sa espirituwal kung uunahin ninyo ang kapakanan ng Kaharian. Tiyak na mararanasan ninyo ang tunay na kagalakan at kasiyahan ng buong pusong paglilingkod kay Jehova.—Kaw. 10:22; Col. 3:23, 24.
3 Ang buong panahong ministeryo ba ay pribilehiyo para sa iilan lamang? Hindi—ito’y para sa lahat. Dahilan sa ating panata ng pag-aalay, bawat Kristiyano ay dapat magbigay ng taimtim na pagsasaalang-alang sa buong panahong paglilingkuran malibang ang mga kalagayan ay hindi nagpapahintulot dito.—Mar. 12:30.
4 Kung ang inyong kalusugan at maka-Kasulatang pananagutan ay hindi nagpapahintulot sa inyo na magpayunir sa kasalukuyan, makatitiyak kayo na nalalaman at nauunawaan ito ni Jehova. Kayo’y gagantimpalaan niya alinsunod sa magagawa ninyo. (1 Cor. 4:2; 2 Cor. 8:12) Subalit kung ngayon ay posible na para sa inyo na makapagpayunir muli, bakit hindi lumapit sa punong tagapangasiwa at humiling ng aplikasyon?
5 Makatutulong ba ang Inyong Pamilya?: Maaaring iniwan ninyo ang ranggo sapagkat kailangan ninyong gampanan ang inyong pampamilyang pananagutan. Posible bang ang ibang miyembro ng pamilya ay nasa kalagayan ngayon upang tumulong para kayo’y makapasok muli sa gawaing payunir?
6 Ang mabuting pagtutulungan at kaunting karagdagang pagsisikap sa bahagi ng ibang miyembro ng pamilya ay maaaring magpangyari nito. Ang tulong ay maaaring sa pinansiyal o transportasyon, at regular na paggawang kasama nila sa paglilingkod. Kung ang kalagayan ay hindi nagpapahintulot sa inyo na kunin muli ang pribilehiyong ito ng paglilingkod, marahil ang gayong tulong ay maipagkakaloob sa ibang miyembro ng pamilya na maaaring makagawa nito.
7 Bakit hindi pag-usapan ang bagay na ito bilang isang pamilya? Ang kalalabasan nito ay maaaring maging maganda kung gagawin ninyo ito bilang nagkakaisang proyekto ng pamilya. Kung ang isa pang payunir ay maaaring maidagdag sa ranggo, ang buong sambahayan ay wastong makadarama na sila’y may bahagi rito. Ang gayong mapagbigay na espiritu ay magbubuklod nang higit pa sa pamilya sa paraang espirituwal.—Luc. 6:38; Fil. 2:2-4.