Tulungan ang Iba na “Tumupad sa mga Bagay na Nasusulat”
1 Hindi sapat na ‘makinig’ sa mga salita ng mga hula sa Apocalipsis. Upang lubusang makinabang, kailangan na ang isa ay ‘tumupad’ sa nasusulat. (Apoc. 1:3) Ang pamamahagi ng literatura ay panimulang hakbang lamang tungo sa paggawa ng mga alagad. Minsang masumpungan natin ang mga nagnanais na makinig, dapat tayong bumalik agad upang tulungan silang higit na matuto. Ano ang ating masasabi sa ating pagdalaw muli?
2 Kung kayo’y tumalakay hinggil sa makasagisag na apat na mangangabayo sa inyong unang pagdalaw, maaari ninyong pasimulan ang pag-uusap sa ganitong paraan:
◼ “Noong nakaraan ay ating pinag-usapan ang tungkol sa pagsakay ng makasagisag na apat na mangangabayo na magdudulot ng labis na karahasan at kabagabagan sa lupa. Nakikita nating nagaganap ito sa harapan ng ating mga mata. Marami ang nag-iisip kung kailan magwawakas ang kabagabagang ito upang tamasahin natin ang buhay sa isang mapayapang daigdig. Ano ang masasabi ninyo? [Hayaang sumagot.] Ang mga tagasunod ni Jesus ay interesado sa kasagutan sa katanungang ito.” Basahin ang Mateo 24:3, na dito’y ibinangon ang katanungan, at pagkatapos ay ang bersikulo 34, na dito’y ibinigay ni Jesus ang kasagutan.
3 Kung inyong tinalakay ang Kaharian ng Diyos sa unang pagdalaw, maaari kayong magpatuloy sa pamamagitan ng pagtatanong:
◼ “Sa inyong palagay, anong uri ng pamahalaan ang kailangan upang masapatan ang lahat na pangangailangan ng sangkatauhan? [Hayaang sumagot. Basahin ang Jeremias 10:23.] Gaya ng inyong makikita, hindi kailanman nilayon ng Diyos na pamahalaan ng tao ang kaniyang sarili. Ang mga pagtatangkang gawin iyon nang walang tulong ng Diyos ang sanhi ng karamihan sa ating mga suliranin. Ang Kaharian lamang ng Diyos ang siyang tanging pamahalaan na makapaglalaan ng kinakailangan natin.” Bumaling sa pahina 230 ng aklat na Nangangatuwiran, at talakayin ang mga kasulatan sa ilalim ng unang sub-titulo. Isaayos na maipagpatuloy ang pagtalakay sa susunod na linggo.
4 Maaaring subukan ninyo ito upang pasimulan ang maka-Kasulatang pag-uusap:
◼ Ipakita ang ilustrasyon sa pahina 302 ng aklat na Apocalipsis, at ipaliwanag: “Tatamasahin ng sangkatauhan ang mga kalagayang ito kapag naganap na ang kalooban ng Diyos sa lupa gaya na rin sa langit. Gayunpaman, natatakot ang ilan na ang masasamang kalagayan ay babalik muli. Iyon ay magiging imposible dahilan sa ang lahat ng balakyot ay mawawala na.” Basahin ang Awit 37:10, 11. Anyayahan ang maybahay na samantalahin ang ating programa sa pag-aaral ng Bibliya upang matuto nang higit pa.
5 Kung kayo’y nag-iwan ng tract na “Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan”:
◼ Maaari ninyong ipakita ang ilustrasyon sa harapan at basahin ang parapo 1 sa ilalim ng uluhang “Ang Buhay sa Bagong Sanlibutan ng Diyos.” Pagkatapos ay sabihin: “Kung nais nating mabuhay sa sanlibutang gaya nito, may mahalagang bagay na kailangan nating gawin.” Basahin ang huling parapo, at ialok ang aklat na Apocalipsis.
6 Yamang ang ating tunguhin ay ang magsimula ng mga pag-aaral sa Bibliya, mag-iskedyul ng panahon para sa mga pagdalaw muli, at maghandang mabuti. Sa ganitong paraan ay tunay na makatutulong tayo sa mga tapat-puso.—Apoc. 22:6, 7.