Ang Bantayan at Gumising!—Mga Magasin Para sa Ating Apurahang Panahon!
1 Habang nakikita natin kung ano ang nagaganap sa ating palibot sa sanlibutan at maging sa loob ng teokratikong organisasyon, napahahalagahan natin kung gaano kaapurahan ang tayo’y mangaral ng “mabuting balita” ng Kaharian. (Mar. 13:10) Ito’y nagbibigay sa atin ng dahilan upang ganapin ang ating ministeryo taglay ang sigasig sa buwan ng Abril.
2 Ang kahalagahan ng ating mensahe ay idiniriin ng pantanging gawain na isasakatuparan natin sa buwang ito. May pananabik nating hinihintay ang paglalabas ng Kingdom News na ipamamahagi natin sa Abril at Mayo. Upang tayo’y mapasigla sa gawaing ito, Ang Bantayan at Gumising! ay magtataglay ng mga artikulong magdiriin ng makahulang kahalagahan ng mga pangyayari sa sanlibutan. Papaano tayo makapaghahanda ng isang presentasyon na aantig ng interes sa mga magasin?
3 Malamang na kayo’y makabuo ng isang mabisang presentasyon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga saligang hakbanging ito: (1) Pumili ng artikulo sa isa sa mga magasin na makatatawag-pansin sa mga tao sa inyong komunidad. (2) Pumili ng isang pananalita o isang kasulatan sa artikulong ito na aantig sa interes ng maybahay. (3) Maghanda ng isang maikling presentasyon na may isang palakaibigang pagbati, isang tanong o pananalita na nagtatampok ng isang maka-Kasulatang kaisipan, at isang taimtim na paanyaya na sumuskribe. Gaya ng inyong nakikita, hindi ito mahirap gawin. Bakit hindi maghanda ng isang presentasyon kasama ng isa pang mamamahayag sa ministeryo?
4 Yamang ang Abril 22 ng “Gumising!” ay nagbabangon ng tanong na, “Ito ba ang mga Huling Araw?,” maaaring repasuhin ninyo ang materyal sa ilalim ng uluhang “Mga Huling Araw” sa pahina 13 ng aklat na “Nangangatuwiran.” Maaari kayong magsimula sa pagsasabing:
◼ “Kami’y dumadalaw upang ipakipag-usap ang kahulugan ng magulong mga pangyayari na nagaganap sa palibot natin. Pansinin kung ano ang sinasabi ng artikulong ito . . .”
5 Ang Abril 1 ng “Bantayan” ay nagbabangon ng katanungan: “Relihiyon—Isa Bang Bawal na Paksa?” Kapag nag-aalok ng suskrisyon, maaari ninyong sabihin:
◼ “Kadalasang sinasabi na ang relihiyon ay isang paksa na hindi dapat pag-usapan dahilan sa ito’y pinagtatalunan. Ano ang palagay ninyo dito?” Pagkatapos ay tukuyin ang isang pananalita sa artikulo.
6 Maaaring ang ginagamit ninyo ay ang Abril 15 ng “Bantayan” na may artikulong “Makakamtan ba ang Katotohanan Ukol sa Relihiyon?” Maaaring magtamo kayo ng mabuting pagtugon sa ganitong pambungad:
◼ “Dahilan sa napakaraming relihiyon sa ngayon, ang ilang tao ay nag-iisip kung ang relihiyosong katotohanan ay maaaring matamo. Ang artikulong ito ay nagpapakita ng paraan kung papaanong kayo at ako ay makasusumpong ng kasiya-siyang kasagutan sa tanong na ito. . . .”
7 Habang papalapit ang katapusan, dagdagan nawa natin ang ating pagsisikap na matulungan ang mga tao na makatakas mula sa Babilonyang Dakila. (Apoc. 18:4) Ang Bantayan at Gumising! ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa hindi na muling mauulit na gawaing ito.