Paghaharap ng Mabuting Balita Taglay ang Positibong Saloobin
1 Nais nating lahat na makasumpong ng kagalakan sa ating ginagawa, lalo na sa paggawa ng mga alagad. Ano ang nagdudulot sa atin ng gayong kasiyahan? Ito’y nagsisimula sa pagpapanatili ng positibong kaisipan kapag tumutulong sa iba. (Kaw. 11:25) Ang ating paraan ng paghaharap ng mabuting balita ay dapat na magpakita na talagang pinaniniwalaan natin ang ating sinasabi. Kapag tayo’y nagsasalita mula sa puso, ang ating kataimtiman at personal na paniniwala ay mahahayag. (Luc. 6:45) Sa pamamagitan ng pag-eensayo sa ating presentasyon, higit tayong magiging palagay kapag nakikipag-usap sa mga tao. Ito’y makatutulong sa atin lalo na sa Setyembre kapag iniaalok natin ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Masusumpungan ninyong nakatutulong ang sumusunod na mga mungkahi.
2 Kapag nag-aalok ng aklat na “Creation,” maaari ninyong sabihin ang ganito sa unang pagdalaw:
◼ “Sa pakikipag-usap sa ating mga kapitbahay, nasumpungan namin na ang ilan ay may pagtitiwala sa Diyos. Ang iba naman ay nahihirapang maniwala sa kaniya. Ano ang inyong palagay? [Hayaang sumagot.] Pansinin kung paano nangangatuwiran ang Bibliya sa bagay na ito. [Basahin ang Roma 1:20.] Makikita natin ang katunayan na taglay ng Diyos ang ‘walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos’ sa pamamagitan ng pagmamasid sa mga bagay na kaniyang nilikha.” Basahin ang huling parapo sa pahina 48 ng aklat na Creation, at akayin ang pansin sa masalimuot na nabubuhay na selula. O gamitin ang parapo 18 sa pahina 147 upang ipakita kung paanong ang kamangha-manghang circulatory system ng isang punungkahoy ay nagtatampok sa gawa ng isang Maylikha. Ialok ang aklat at isaayos na magbalik.
3 Kapag bumabalik upang dalawin ang mga nakausap hinggil sa pagiging Maylikha ng Diyos, maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Sa aking nakaraang pagdalaw, ating pinag-usapan ang hinggil sa katunayan ng pag-iral ng Diyos—ang kaniyang kamangha-manghang paglalang. Nahihirapan ba kayong maniwala na ang Isa na lumalang sa sansinukob ay magiging interesado rin sa ating kinabukasan? [Hayaang sumagot.] Kasiya-siyang mabatid na ang kinabukasan ay tiniyak na ng Maylikha.” Basahin ang Isaias 46:9, 10. Depende sa interes ng indibiduwal, gamitin ang mga larawan at kapsiyon sa kabanata 19 ng aklat na Creation upang itampok ang kaayaayang mga kalagayan na ipinangako ng Diyos. Basahin ang parapo 1 ng kabanata 20, at ialok ang isang pag-aaral sa Bibliya. Kung tanggapin, pasimulan ang pag-aaral sa aklat na Kaalaman.
4 Maaari ninyong subukan ang presentasyong ito kapag nag-aalok ng aklat na “Creation”:
◼ “Sa pakikipag-usap sa inyong kapitbahay, napansin ko na ang karamihan ay nagnanais ng isang ligtas na komunidad at isang mapayapang daigdig. Sa palagay ninyo’y bakit nabigo ang tao na tamuhin ang gayong mga kalagayan? [Hayaang sumagot.] Ang ilang lider ay maaaring taimtim at gumagawa ng ilang kabutihan, subalit pansinin kung ano ang payo ng Bibliya.” Basahin ang Awit 146:3, 4; at pagkatapos ay magtanong: “Masasapatan ba ng sinuman ang mga pangangailangan ng tao?” Basahin ang mga talatang 5 at 6. Ipakita ang larawan sa pahina 251 ng aklat na Creation, at akayin ang pansin sa mga kapakinabangan ng pamamahala ng Diyos. Ialok ang aklat.
5 Kung ang pamamahala ng Diyos ang tinalakay sa pasimula, maaari ninyong subukan ang mungkahing ito sa pagdalaw-muli:
◼ “Nang ako’y naririto ilang araw lamang ang nakalilipas, ating tinalakay ang kabiguan ng tao na magdala ng kapayapaan sa lupa. Maaaring naaalaala ninyo ang dahilan na ibinibigay ng Bibliya sa gayong kabiguan. [Basahin muli ang Awit 146:3.] Napansin ba ninyo kung bakit pinapayuhan tayo ng Diyos na huwag maglagak ng ating mga pag-asa sa mga tao? [Hayaang sumagot.] Marahil ay sasang-ayon kayo na anumang pag-asa para sa namamalaging solusyon ay kailangang magmula sa Diyos. Ang dahilan sa pagkakaroon natin ng pagtitiwalang ito ay ipinaliwanag sa Awit 146:10. [Basahin.] Kung nais nating maging sakop ng Kaharian ng Diyos, ano ang kailangan nating gawin?” Bumaling sa pahina 250 ng aklat na Creation, basahin ang parapo 13, at itampok ang Juan 17:3. Ialok na maitanghal kung paano tatamuhin ang kaalaman na umaakay sa buhay na walang-hanggan. Kung pumayag, iharap ang aklat na Kaalaman at pasimulan ang pag-aaral.
6 Sa paggawa sa mga tindahan, maaari ninyong gamitin ang maikling paglapit na ito taglay ang aklat na “Creation”:
◼ “Sa ngayon kami ay nagsasagawa ng isang pantanging paglilingkod sa mga negosyante sa komunidad. Tayong lahat ay nababahala sa pagdami ng krimen at karahasan sa ating lugar. Sa palagay ba ninyo’y mayroong nagtataglay ng tunay na solusyon sa suliraning ito? [Hayaang sumagot.] May solusyon ang Diyos.” Bumaling sa pahina 196 ng aklat na Creation; basahin at komentuhan ang Kawikaan 2:21, 22 sa parapo 19. Ipakita ang pamagat ng kabanata 16, at ialok ang aklat.
7 Kapag gumagawa ng pagdalaw-muli sa isang negosyante na napaglagyan ninyo ng aklat na “Creation,” maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Sa aking nakaraang pagdalaw, nabanggit ko na ang Diyos ang tanging isa na nagtataglay ng namamalaging solusyon sa krimen at karahasan. Ayon sa kaniyang pangako, tayo’y makapagtitiwala na magkakatotoo ang isang mapayapang lupa. Pansinin ang pagpipilian na nasa harapan ng bawat isa sa atin.” Basahin ang parapo 11 sa pahina 250 ng aklat na Creation, lakip na ang Awit 37:37, 38. Komentuhan ang larawan sa pahina 251, at basahin ang unang pangungusap ng parapo 14. Ialok ang libreng pag-aaral sa Bibliya, na idaraos alinman sa lugar ng kanilang negosyo o sa kanilang tahanan.
8 Bilang “mga kamanggagawa ng Diyos,” taglay natin ang lahat ng dahilan upang maging positibo kapag inihaharap ang mabuting balita. (1 Cor. 3:9) Ang patuloy na pagkakaroon ng saloobing ito ay magbubunga ng mayamang pagpapala ni Jehova.