Nais Ko ng Isang Pag-aaral sa Bibliya!
1 Ang karamihan sa atin ay nagpahayag na ng pagnanais para sa isang pag-aaral sa Bibliya, at ito’y sa mabuting kadahilanan. Sa gawaing pag-aaral sa Bibliya ay natatamo natin ang ating tunguhing gumawa ng mga bagong alagad. (Mat. 28:19, 20) Subalit lumipas na ang mga buwan, marahil ay mga taon, nang hindi nararanasan ng marami sa atin ang pantanging kagalakan na nagmumula sa pagtuturo ng katotohanan sa iba. Ano ang magagawa natin hinggil dito ngayong Nobyembre? Yamang ang aklat na Kaalaman ay itatampok sa buwang ito, magagawa natin ang pantanging pagsisikap na gamitin ito para magpasimula ng bagong mga pag-aaral sa Bibliya.
2 Magtakda ng Isa o Higit Pang Dulong Sanlinggo: Pinasisigla namin ang lahat na magtakda ng ilang panahon sa buwang ito upang pagtuunan ng pansin ang pagpapasimula ng isang bagong pag-aaral sa Bibliya. Dapat na piliin ng mga konduktor sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ang (mga) dulong sanlinggo na pantanging gagamitin sa layuning ito at pagkatapos ay organisahin ang kanilang mga grupo upang magsagawa ng sama-samang pagsisikap sa gawaing pagdalaw-muli.
3 Dalhin ang inyong mga rekord ng pagdalaw-muli sa mga pagtitipong ito bago maglingkod. Pagkatapos ay dalawin yaong lahat ng nagpakita ng interes, kumuha ng literatura, o dumalo sa mga pulong. Gawin ang bawat pagdalaw taglay ang espesipikong layuning magpasimula ng isang pag-aaral.
4 Itanghal ang Isang Pag-aaral sa Bibliya: Sa piniling mga pagtitipon bago maglingkod, isang pagtatanghal na inihandang mabuti ang dapat na iharap, na nagpapakita kung paano magpapasimula ng isang pag-aaral sa isang pagdalaw-muli. Maaari ninyong sabihin: “Maraming tao ang may Bibliya, subalit hindi nila nababatid na ito’y nagtataglay ng mga kasagutan sa mahahalagang katanungan sa buhay na napapaharap sa atin. [Ipakita ang listahan ng mga nilalaman sa aklat na Kaalaman, at basahin ang mga pamagat ng mga kabanata 3, 5, 6, 8, at 9.] Sa paggamit ng pantulong na ito sa pag-aaral sa loob ng isang oras o higit pa sa isang linggo, kayo ay maaaring magtamo ng saligang kaunawaan sa Bibliya sa loob lamang ng ilang buwan. Kung makapipili kayo ng isa sa mga paksang ito, kagalakan kong ipakita sa inyo kung paano isinasagawa ang programa.” Kung nag-aatubiling mag-aral ang indibiduwal dahilan sa pagkakaroon ng abalang iskedyul, ipaliwanag na mayroon din tayong pinaikling programa. Iharap ang brosyur na Hinihiling, at aluking mapag-aralan ang isang maikling aralin bawat linggo sa 15-30 minuto.
5 Kung tayong lahat ay gagawa ng nagkakaisang pagsisikap na magpasimula ng mga pag-aaral at kung tayo ay mananalangin upang ang pagpapala ni Jehova ay sumaating pagsisikap, tiyak na makasusumpong tayo ng mga bagong pag-aaral! (1 Juan 5:14, 15) Kung nais ninyo ng isang pag-aaral sa Bibliya, baka ito na ang pagkakataon ninyong mapasimulan ang isa.