Pagreretiro—Isang Pinto na Umaakay sa Ibayong Gawain?
1 Inaasam-asam ng maraming masisipag na tao ang panahon kapag pinalaya na sila ng pagreretiro mula sa pagpapagal at panggigipit ng sekular na trabaho. Gayunman, kadalasang ang pagreretiro ay nagiging dahilan ng pagwawalang-bahala, pagkainip, at maagang pagtanda. Dahil sa kawalan ng makabuluhang gawain, maaaring maging okupado ang isip sa pag-aalala sa sarili. Iniulat ng isang diyaryo sa Brazil na ang retiradong mga empleado ng gobyerno ay dumaranas ng mga problemang kagaya ng ‘kawalang-kasiyahan, pagiging madaling mairita, kawalang-kapanatagan, kawalan ng halaga, depresyon, at pagkadama na gumuguho na ang kanilang daigdig.’
2 Sa kabaligtaran, itinuturing ng maraming Kristiyano ang bagong kabanatang ito sa kanilang buhay bilang isang pinto na umaakay sa ibayong espirituwal na gawain. Isang brother na nagsimulang magpayunir dalawang linggo matapos mag-edad 65 ang nagsabi: “Hindi pa ako nakaranas ng isang yugto sa aking buhay na saganang pinagpala na gaya ng nakalipas na sampung taon ng pagpapayunir.” Sumulat ang isang mag-asawa: “Ang tunay na ginintuang mga taon namin ay nagsimula nang magpayunir kami.” Oo, para sa marami, ang pagreretiro ay nagbibigay ng magandang pagkakataon upang palawakin ang kanilang ministeryo at umani ng mayayamang pagpapala mula kay Jehova.
3 Pananatiling Abala at Mabunga: Marami sa mga retirado na ngayon ang lumaki na walang mga kaalwanan na karaniwan sa ngayon at natutong magtrabaho nang masikap noong sila’y bata pa. Bagaman maaaring hindi na nila taglay ang sigla ng kabataan, sila’y lubha pa ring mabungang mga manggagawa. Sa teritoryo ng isang sangay, 22 porsiyento ng mga payunir—mga 20,000 kapatid—ang may edad na di-bababa sa 60 taon. Malaki ang naitutulong ng mga may-edad nang ito sa gawaing pangangaral. Ang kanilang karanasan at makadiyos na mga katangian ay nagpapayaman sa mga kongregasyong pinaglilingkuran nila.—Sant. 3:17, 18.
4 Ang pananatiling abala sa ministeryong Kristiyano ay nakatutulong sa pagkakaroon ng mas mabuting kalusugan at mas mahusay na kalidad ng buhay. Isang 84-na-taóng-gulang na sister na nagsimulang magpayunir nang siya ay magretiro ang nagsabi: “Ang pagdaraos ng maraming pag-aaral sa Bibliya sa interesadong mga tao ay nakatulong na manatiling aktibo ang aking isip. Walang akong kotse, kaya madalas akong naglalakad. Iyan ang tumutulong sa akin na manatiling malusog.” Ganito ang komento ng isang may-edad nang mag-asawang payunir: “Ang paglilingkod ay tumutulong sa amin na manatiling malusog sa mental at pisikal. Lagi kaming magkasama. Tumatawa kami nang madalas at nasisiyahan sa buhay.”
5 Paglilingkod Kung Saan May Pangangailangan: Ang ilang retiradong Kristiyano na maganda ang kalagayan sa pananalapi ay lumipat upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mangangaral ng Kaharian. Pinalawak ng iba ang kanilang ministeryo upang maglingkod sa larangan na banyaga ang wika. Tulad ni apostol Pablo, ginagawa ng masisigasig na mamamahayag na ito “ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maging tagapamahagi [sila] nito sa iba.”—1 Cor. 9:23.
6 Isang mag-asawa ang nagsimulang magpayunir matapos palakihin ang kanilang dalawang anak na lalaki. Makalipas ang ilang taon ng pagpapayunir, nag-aral sila ng wikang Tsino. Ngayong malapit na silang mag-80 anyos, tinamasa nila kamakailan ang kagalakan na makitang maging isang kongregasyon ang grupo na nagsasalita ng Tsino na kanilang tinutulungan. Tunay ngang isang pagpapala ang mga mag-asawang tulad nito!
7 Walang Pagreretiro sa Ministeryo: Samantalang ang karamihan sa mga tao ay nagreretiro sa kanilang sekular na trabaho sa dakong huli, walang pagreretiro sa paglilingkod sa Diyos para sa sinumang Kristiyano. Ang lahat ay kailangang patuloy na maging tapat “hanggang sa wakas.” (Mat. 24:13, 14) Sabihin pa, dahil sa pagtanda, ang ilan ay hindi na nakagagawa ng gaya ng kaya nila noon sa paglilingkod kay Jehova. Ngunit nakapagpapasigla ngang makita na kanilang ginagawa ang buong makakaya nila sa taos-pusong paraan! Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na hindi kalilimutan ni Jehova ang kanilang gawa at ang pag-ibig na ipinakita nila para sa kaniyang pangalan.—Luc. 21:1-4; Heb. 6:10.
8 Kung malapit ka na sa edad ng pagreretiro, bakit hindi isaalang-alang nang may pananalangin kung paano mo lubusang magagamit ang iyong nagbabagong mga kalagayan? Sa tulong ng Diyos, maaari mong masumpungan na ang pagreretiro ay nagbubukas sa iyo ng isang pinto na umaakay sa ibayong gawain na nagdudulot ng papuri kay Jehova at ng maraming pagpapala.—Awit 148:12, 13.