Maaari Ka Bang Pumasok sa “Isang Malaking Pinto na Umaakay sa Gawain”?
1. Anong “malaking pinto na umaakay sa gawain” ang nakabukas sa atin?
1 Nang mabuksan kay apostol Pablo ang “isang malaking pinto na umaakay sa gawain,” may-pananabik niyang sinamantala ang pagkakataon upang patuloy na mangaral kahit na marami ang sumasalansang. (1 Cor. 16:9) Sa ngayon, mga 642,000 mamamahayag ng Kaharian sa buong daigdig ang pumasok sa isang malaking pinto ng gawain sa pamamagitan ng pagiging mga regular pioneer.
2. Bakit makabubuting suriin natin ang ating kalagayan sa pana-panahon?
2 Nagbabago ang mga Kalagayan: Bagaman maaaring limitado ang ating nagagawang paglilingkod dahil sa ating kasalukuyang situwasyon, nagbabago ang mga kalagayan. Kaya makabubuting suriin natin ang ating kalagayan sa pana-panahon at huwag lamang basta hintayin ang angkop na mga kalagayan. (Ecles. 11:4) Ikaw ba’y isang kabataan na nagtapos sa haiskul kamakailan? Ikaw ba’y isang magulang na ang mga anak ay malapit nang pumasok sa paaralan? Malapit ka na bang magretiro sa trabaho? Dahil sa ganitong mga pagbabago, maaaring mas marami ka nang panahon ngayon at baka makapaglingkod ka na bilang regular pioneer. Isang sister na dating may sakit ang nagpasiyang magpayunir sa edad na 89. Bakit? Yamang mahigit isang taon na siyang hindi naoospital, nadama niyang puwede na siyang magpayunir dahil sa bumuting kalusugan.
3. Anu-anong pagbabago ang ginawa ng ilan upang makapaglingkod sila bilang regular pioneer?
3 Balak noon ni Pablo na dalawin ang kaniyang mga kapananampalataya sa Corinto. Gayunman, binago niya ang kaniyang mga plano alang-alang sa mabuting balita. Marami sa mga regular pioneer sa ngayon ang kinailangang gumawa ng maraming pagbabago noon upang makapagpayunir sila. Pinasimple ng ilan ang kanilang buhay. Dahil dito, part-time na trabaho na lamang ang kailangan upang matustusan ang kanilang mas maliit na gastusin sa araw-araw. Nakasumpong sila ng kaluguran sa kanilang pribilehiyo ng paglilingkod. (1 Tim. 6:6-8) Gumawa naman ng mga pagbabago ang ilang mag-asawa sa kanilang istilo ng pamumuhay upang ang asawang lalaki na lamang ang kailangang magtrabaho at makapagpayunir naman ang asawang babae.
4. Ano ang maaari nating gawin kung nag-aalinlangan tayo kung talaga nga bang maaabot natin ang kahilingang oras?
4 Huwag kaagad isipin na hindi mo kayang magpayunir dahil sa natatakot kang baka hindi mo maabot ang kahilingang oras. Mahigit lamang nang kaunti sa dalawang oras ang kailangan bawat araw. Kung nag-aalinlangan ka kung talaga nga bang makakaya mo ito, subukan mo munang mag-auxiliary pioneer ng isa o dalawang buwan pero 70 oras ang gawin mong tunguhin. Kung gagawin mo ito, mararanasan mo ang mga kagalakan sa pagpapayunir. (Awit 34:8) Gayundin, makipag-usap sa mga kasalukuyang payunir. Maaaring napagtagumpayan nila ang mga hamon na katulad ng sa iyo. (Kaw. 15:22) Hilingin kay Jehova na pagpalain ang mga pagsisikap mo na palawakin ang iyong ministeryo.—1 Juan 5:14.
5. Bakit kapaki-pakinabang na gawain ang pagiging isang regular pioneer?
5 Kapaki-pakinabang na Gawain: Ang paglilingkod bilang regular pioneer ay nagdudulot ng maraming pagpapala. Mararanasan mo ang higit na kaligayahan na nagmumula sa higit na pagbibigay. (Gawa 20:35) Mapahuhusay ng pagpapayunir ang iyong kakayahang gamitin nang wasto ang Salita ng katotohanan mula sa Diyos. (2 Tim. 2:15) Magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataon na maranasan ang pag-alalay sa iyo ni Jehova. (Gawa 11:21; Fil. 4:11-13) Matutulungan ka rin ng pagpapayunir na malinang ang espirituwal na mga katangian, gaya ng pagbabata, at magiging mas malapít ka kay Jehova. (Sant. 4:8) Maaari ka bang pumasok sa malaking pintong ito ng gawain at maging isang regular pioneer?