Panahon ng Memoryal—Isang Panahon ng Pinag-ibayong Gawain
1. Ano ang naging epekto ng “mga pangkapanahunang kapistahan” sa mga Israelita na may takot sa Diyos?
1 Sa espesipikong panahon ng santaon, ipinagdiriwang ng sinaunang mga Israelita ang “mga pangkapanahunang kapistahan ni Jehova.” (Lev. 23:2) Dahil sa paggugol ng panahon sa pagbubulay-bulay sa kabutihan ng kanilang Diyos, nakadama sila ng masidhing kagalakan at napakilos silang maging masigasig para sa tunay na pagsamba.—2 Cro. 30:21–31:2.
2, 3. Bakit angkop na pag-ibayuhin natin ang ating espirituwal na gawain sa panahon ng Memoryal, at kailan natin ipagdiriwang ang Memoryal?
2 Sa makabagong panahon, nag-iibayo ang ating maligayang teokratikong gawain bawat taon sa panahon ng Memoryal. Isa itong panahon kung kailan seryosong binubulay-bulay natin ang walang-kasinghalagang kaloob ni Jehova para sa atin—ang kaniyang bugtong na Anak. (Juan 3:16; 1 Ped. 1:18, 19) Habang binubulay-bulay natin ang pag-ibig na ipinakita ng Diyos at ng kaniyang Anak, nauudyukan tayong purihin si Jehova at magpagal sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—2 Cor. 5:14, 15.
3 Sa taóng ito, ipagdiriwang ang Hapunan ng Panginoon sa Huwebes, Marso 24, pagkalubog ng araw. At yamang mula Marso 21 hanggang Abril 17 ay mayroon tayong pantanging pamamahagi ng brosyur na Patuloy na Magbantay!, nanaisin nating gumawa ng pantangi at nagkakaisang pagsisikap sa panahong iyon. Paano natin mapag-iibayo ang ating pakikibahagi sa ministeryo sa mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo?
4, 5. (a) Ano ang nakatulong sa ilan upang maipangaral sa mas maraming tao ang mabuting balita? (b) Anong pamamaraan ang nasumpungan mong mabisa sa inyong lugar?
4 Mangaral sa Mas Maraming Tao: Humanap ng mga paraan upang makapangaral sa pinakamaraming tao hangga’t maaari kapag nakikibahagi ka sa paglilingkod sa larangan. Maaari mo bang planuhing makibahagi sa pagbabahay-bahay kapag nasa tahanan na ang mas maraming tao, gaya sa dapit-hapon o sa gabi? Kung nais ng ilan sa inyong grupo ng pag-aaral sa aklat na makibahagi sa paglilingkod bago ang pag-aaral, maaaring isaayos ng tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat ang isang maikling pagtitipon para sa paglilingkod upang mangaral sa isang malapit na teritoryo.
5 Ang isa pang paraan upang makapangaral sa maraming tao ay sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa pampublikong mga lugar. Gustong mag-auxiliary pioneer ng isang sister sa Hapon bagaman mayroon siyang buong-panahong trabaho. Iminungkahi sa kaniya ng isang elder na bago siya magtungo sa kaniyang sekular na trabaho araw-araw, maaari siyang magpatotoo sa lansangan malapit sa istasyon ng tren. Pagkatapos mapagtagumpayan ang kaniyang pagkamahiyain at panlilibak ng ilang pasahero, nakapagtatag siya ng ruta ng magasin sa mga 40 katao, kasama na rito ang mga pasahero, mga empleado sa istasyon, at mga may-ari ng kalapit na mga tindahan. Nakapagpasakamay siya ng aberids na 235 magasin bawat buwan. Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng maka-Kasulatang mga punto sa mga tao sa loob lamang ng ilang sandali bawat araw, nakapagpasimula siya ng anim na pag-aaral sa Bibliya.
6. Paano mapag-iibayo ng mga kabataan ang kanilang espirituwal na gawain?
6 Mga Pagkakataon Upang Makapagpatotoo: Sa Marso, Abril, at Mayo, karamihan sa mga mamamahayag na estudyante ay may bakasyon sa paaralan. Angkop na pagkakataon ito upang mag-auxiliary pioneer. Bukod diyan, mapag-iibayo ng mga kabataang Kristiyano ang kanilang gawain sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa paaralan. Baka magulat ka kapag nakita mo kung gaano kainteresado ang iyong mga kaklase sa mga paniniwala mo. Bakit hindi samantalahin ang mga talakayan sa silid-aralan o ang mga sanaysay sa paaralan upang makapagpatotoo? Nakapagpatotoo naman ang ilan sa pamamagitan ng paggamit sa ating mga video. Ang ilan ay nakapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa kanilang mga kaklase at natulungan nila ang mga ito na sumulong sa pag-aalay at bautismo. Mainam na mga paraan ito upang ‘purihin ang pangalan ni Jehova.’—Awit 148:12, 13.
7. (a) Paano sinamantala ng isang brother ang mga pagkakataon upang makapagpatotoo sa iba? (b) Nagkaroon ka na rin ba ng gayong karanasan?
7 Sa iyong pang-araw-araw na rutin, humanap ng mga paraan upang makausap mo ang mga tao hinggil sa ating kahanga-hangang Diyos at sa kaniyang kamangha-manghang mga pangako. Isang brother na sumasakay sa iyo’t iyon ding tren araw-araw ang nagpapatotoo sa mga kapuwa niya pasahero sa angkop na mga pagkakataon. Halimbawa, araw-araw siyang nagpapatotoo sa isang kabataang lalaki sa loob ng mga limang minuto samantalang naghihintay sa isang istasyon para sa susunod na tren na kaniyang sasakyan. Bilang resulta, sumang-ayon ang kabataang lalaki at ang kasamahan nito na mag-aral ng Bibliya. Idinaraos ang pag-aaral sa Bibliya sa tren samantalang naglalakbay sila. Pagkaraan ng ilang panahon, isang may-edad nang babae na nakikinig sa kanilang mga pag-uusap ang lumapit sa brother at humiling ng pag-aaral sa Bibliya. Nasisiyahan din siya sa kaniyang pag-aaral sa mga araw na sumasakay siya sa tren. Sa ganitong paraan, nakapagdaos ang brother ng pag-aaral sa sampung indibiduwal sa tren.
8. Anong larangan ng paglilingkod ang makatutulong upang mapag-ibayo ng mga nalilimitahan ng katandaan o pagkakasakit ang kanilang pakikibahagi sa ministeryo?
8 Paano kung limitado lamang ang magagawa mo dahil sa katandaan o pagkakasakit? Maaaring may iba pang paraan upang mapag-ibayo mo ang iyong pagpuri kay Jehova. Nasubukan mo na bang magpatotoo sa telepono? Kung hindi mo alam kung paano ito gagawin, banggitin ito sa inyong tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat. Maaari niyang isaayos na gumawa kang kasama ng mga mamamahayag na gumagamit ng pamamaraang ito. Sa paggawang magkasama, matututo kayo at matutulungan ninyo ang isa’t isa na makapagpatotoo nang mabisa. Masusumpungan sa Ating Ministeryo sa Kaharian ng Pebrero 2001, pahina 5-6, ang mabibisang mungkahi sa pagpapatotoo sa telepono.
9. Paano natin matutulungan ang mga estudyante sa Bibliya na maging kuwalipikadong makibahagi sa pangmadlang ministeryo kasama ng kongregasyon?
9 Dahil sa pagdalo sa Memoryal, maaaring mapasigla ang mga baguhan na naising pag-ibayuhin pa ang kanilang pagpuri kay Jehova. Matutulungan mo silang daigin ang anumang pangamba hinggil sa pormal na gawaing pangangaral sa pamamagitan ng paglalahad ng nakapagpapatibay na mga karanasan sa paglilingkod sa larangan at sa pamamagitan ng pasulong na pagsasanay sa kanila kung paano ipaliliwanag ang mga turo sa Bibliya at paano ipagtatanggol ang kanilang pananampalataya. (1 Ped. 3:15) Kung sasabihin ng isang estudyante sa Bibliya na gusto na niyang maghayag ng mabuting balita, makipag-usap sa punong tagapangasiwa. Isasaayos niyang makausap ang estudyante upang matiyak kung kuwalipikado na itong makibahagi sa pangmadlang ministeryo kasama ng kongregasyon. Tiyak na sumasaya ang puso ni Jehova kapag nakikita niyang pumapanig sa kaniya ang mga baguhan sa isyu ng pansansinukob na soberanya!—Kaw. 27:11.
10. (a) Paano makatutulong ang mabuting iskedyul upang makapag-auxiliary pioneer tayo? (b) Nakapag-auxiliary pioneer ka ba noong nakaraang taon sa panahon ng Memoryal? Paano?
10 Makapag-o-auxiliary Pioneer Ka Ba? Dapat seryosohin ang kahilingang 50 oras para sa mga auxiliary pioneer. (Mat. 5:37) Nangangahulugan ito na kailangan mong isaayos na gumugol ng aberids na 12 oras bawat linggo sa paglilingkod sa larangan. Angkop ba sa kalagayan mo ang isa sa mga sampol na iskedyul para sa mga auxiliary pioneer sa pahina 5? Kung hindi, makapagsasaayos ka ba ng iskedyul na magpapahintulot sa iyo na makapag-auxiliary pioneer sa Marso, Abril, o Mayo? Hilingin kay Jehova na pagpalain ang iyong mga pagsisikap na pag-ibayuhin ang iyong mga gawain sa paglilingkod.—Kaw. 16:3.
11. Paano masusuportahan ng mga elder at ministeryal na lingkod ang mga mag-o-auxiliary pioneer?
11 Lubusang susuportahan ng mga elder at ministeryal na lingkod ang mga pagsisikap mong purihin si Jehova sa natatanging paraan sa panahong ito ng Memoryal, lalo na yamang may kampanya tayo sa pamamahagi ng brosyur na Patuloy na Magbantay! Malamang na mag-o-auxiliary pioneer ang marami sa kanila. Isasaayos ng mga elder na magkaroon ng karagdagang mga pagtitipon para sa paglilingkod, gaya sa dapit-hapon, sa gabi ng mga karaniwang araw, at sa mga dulo ng sanlinggo, kung kinakailangan. Upang matiyak kung saan at kung kailan idaraos ang gayong mga pulong at kung sino ang mangunguna, maaaring makipag-usap ang mga elder sa mga kapatid na may tiyak nang mga plano sa pagpapayunir o sa mga nagpaplanong magpayunir. Sisikapin ng mga elder na gumawa ng mga kaayusan upang may makasama kang ibang mamamahayag sa mga araw at oras na iniskedyul mo para sa paglilingkod. Sa ganitong paraan, matibay na matatatag ang mga plano at maraming mabubuting bagay ang maisasakatuparan.—Kaw. 20:18.
12. Ano ang nag-uudyok sa atin na purihin si Jehova sa lahat ng panahon?
12 Gawin ang Iyong Buong Makakaya: Kung hindi ka makapag-o-auxiliary pioneer dahil sa iyong mga kalagayan, tandaan na tinatanggap ni Jehova ang ating mga pagsisikap at mga sakripisyo ‘ayon sa taglay natin, hindi ayon sa hindi natin taglay.’ (2 Cor. 8:12) Marami tayong dapat ipagpasalamat kay Jehova. May mabuting dahilan si David upang isulat: “Pagpapalain ko si Jehova sa lahat ng panahon; ang papuri sa kaniya ay laging sasaaking bibig.” (Awit 34:1) Ganiyan nawa ang maging determinasyon natin sa panahong ito ng Memoryal.
[Kahon sa pahina 3]
Paano Mo Pag-iibayuhin ang Iyong Gawain?
◼ Mangaral kapag nasa tahanan ang mga tao
◼ Magpatotoo sa pampublikong mga lugar
◼ Magpatotoo sa trabaho o sa paaralan
◼ Magpatotoo sa telepono
◼ Mag-auxiliary pioneer
[Tsart sa pahina 5]
Mga Sampol na Iskedyul Para sa mga Auxiliary Pioneer—Mga Paraan Upang Makapag-iskedyul ng 12 Oras Bawat Linggo sa Paglilingkod sa Larangan
Umaga—Lunes Hanggang Sabado
Maaaring ihalili ang Linggo sa anumang araw.
Araw Yugto Oras
Lunes Umaga 2
Martes Umaga 2
Miyerkules Umaga 2
Huwebes Umaga 2
Biyernes Umaga 2
Sabado Umaga 2
Kabuuang Oras: 12
Dalawang Maghapon
Maaaring piliin ang alinman sa dalawang araw ng sanlinggo. (Depende sa napiling mga araw, ang iskedyul na ito ay maaaring magkaroon lamang ng kabuuang 48 oras sa buong buwan.)
Araw Yugto Oras
Miyerkules Maghapon 6
Sabado Maghapon 6
Kabuuang Oras: 12
Dalawang Gabi at Dulo ng Sanlinggo
Maaaring piliin ang alinman sa dalawang gabi ng karaniwang araw.
Araw Yugto Oras
Lunes Gabi 1 1⁄2
Miyerkules Gabi 1 1⁄2
Sabado Maghapon 6
Linggo Kalahating Araw 3
Kabuuang Oras: 12
Tatlong Hapon at Sabado
Maaaring ihalili ang Linggo sa anumang araw.
Araw Yugto Oras
Lunes Hapon 2
Miyerkules Hapon 2
Biyernes Hapon 2
Sabado Maghapon 6
Kabuuang Oras: 12
Ang Aking Personal na Iskedyul sa Paglilingkod
Ipasiya kung ilang oras ang gugugulin sa bawat yugto.
Araw Yugto Oras
Lunes
Martes
Miyerkules
Huwebes
Biyernes
Sabado
Linggo
Kabuuang Oras: 12