Alalahanin ang Pantubos Nang May Pagpapahalaga
1, 2. Bakit dapat nating alalahanin ang pantubos nang may pagpapahalaga?
1 Bilang pagsunod sa utos ni Jesus, ang mga Kristiyano sa buong daigdig ay magtitipon pagkalubog ng araw sa Sabado, Marso 22, 2008, upang alalahanin ang kamatayan ni Jesu-Kristo. (Luc. 22:19; 1 Cor. 11:23-26) Nauudyukan tayong gawin ito dahil sa matinding pagpapahalaga sa lahat ng naisakatuparan noong petsang iyon, 1,975 taon na ang nakalilipas. Sa pagpapanatili ni Jesus ng sakdal na katapatan sa kabila ng masakit na kamatayan sa pahirapang tulos, napabanal niya ang pangalan ng kaniyang Ama, at nakapaglaan ito ng pinakamainam na sagot sa mga panunuya ni Satanas.—Job 1:11; Kaw. 27:11.
2 Nagkaroon ng bisa ang bagong tipan dahil sa itinigis na dugo ni Jesus, na naging dahilan upang maampon ang di-sakdal na mga tao bilang mga anak ng Diyos at magkaroon ng pag-asang mamahala kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian. (Jer. 31:31-34; Mar. 14:24) Karagdagan pa, kitang-kita ang lalim ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan nang ibigay Niya bilang hain ang kaniyang sinisintang Anak, gaya ng ipinaliwanag mismo ni Jesus kay Nicodemo.—Juan 3:16.
3. Paano makikinabang ang mga dadalo sa Memoryal?
3 Anyayahan ang Iba: Iminungkahi sa Ating Ministeryo sa Kaharian noong Enero, na gumawa tayo ng listahan ng pangalan ng mga kakilala natin at isa-isa silang anyayahan. Naanyayahan mo na ba ang mga nasa listahan mo? Naisaayos mo na ba ang iyong iskedyul upang makabahagi nang lubusan sa kampanyang magsisimula sa Marso 1 upang anyayahan ang mga tao sa Memoryal? Ang mga dadalo ay makaririnig ng mga impormasyon mula sa Kasulatan na makapagpapatibay ng kanilang pananampalataya sa pantubos, na aakay naman sa buhay na walang hanggan.—Roma 10:17.
4. Bakit dapat tayong dumating nang maaga sa Memoryal?
4 Hangga’t maaari, dapat tayong dumating nang maaga upang malugod na tanggapin ang mga nagpaunlak sa espesyal na imbitasyon. Karaniwan nang marami ang dumadalo sa Memoryal, kaya napakahalaga na bigyan natin nang higit na pansin ang mga baguhan gayundin ang mga paminsan-minsang dumadalo sa mga pulong.
5. Paano mo maihahanda ang iyong puso para sa okasyong ito?
5 Ihanda ang Iyong Puso: Makikita sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-araw—2008 at sa 2008 Calendar ang iskedyul para sa espesyal na pagbabasa ng Bibliya sa panahon ng Memoryal na magsisimula sa Marso 17. Ang pagbubulay-bulay sa mahahalagang pangyayari sa huling mga araw ng buhay ni Jesus sa lupa ay tutulong sa iyo na maihanda ang iyong puso para sa pagdiriwang ng Memoryal. (Ezra 7:10) Kapag binubulay-bulay mo nang may pananalangin ang mga ulat na ito ng Bibliya, higit na lalalim ang iyong pagpapahalaga sa pag-ibig ni Jehova at ng kaniyang Anak sa paglalaan sa atin ng pantubos.—Awit 143:5.
6. Paano tayo makikinabang kung higit nating pahahalagahan ang pantubos?
6 Habang papalapit ang Memoryal, ihanda nawa nating mabuti ang ating sarili at tulungan din nating maghanda ang iba para sa mahalagang okasyong ito. Kung aalalahanin natin ang pantubos nang may pagpapahalaga, mapatitibay nito ang ating kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang Anak. (2 Cor. 5:14, 15) Mauudyukan din tayo nito na tularan sila sa pagpapakita ng mapagsakripisyong pag-ibig sa iba.—1 Juan 4:11.