Magsisimula sa Marso 1 ang Kampanya Upang Ipag-anyaya ang Memoryal
1. Kailan natin sisimulang ipag-anyaya ang Memoryal, at bakit mas mahaba ang kampanya sa taóng ito?
1 Sa Marso 1, araw ng Biyernes, sisimulan natin ang taunang kampanya para anyayahan ang iba na dumalo sa Memoryal. Gaganapin ang Memoryal sa Marso 26, kaya ang kampanya ay mas mahaba kaysa noong nakaraang mga taon. Sa gayon, mas maraming tao ang makatatanggap ng imbitasyon, lalo na kung malaki ang teritoryo ng kongregasyon.
2. Ano ang mga kaayusan sa pagkuha ng imbitasyon at pagkubre sa teritoryo?
2 Gawing Organisado: Magbibigay ng tagubilin ang mga elder kung paano kukubrehan ang teritoryo at kung dapat mag-iwan ng imbitasyon sa mga bahay na walang tao. Kung may matitirang imbitasyon matapos kubrehan ang buong teritoryo, maaaring ipamahagi ang mga ito sa pampublikong pagpapatotoo. Titiyakin ng tagapangasiwa sa paglilingkod na may suplay ng natatakang imbitasyon sa ibabaw ng counter ng literatura o magasin para makuha ng mga mamamahayag, pero hindi ilalabas ang lahat ng imbitasyon. Kukuha lamang tayo ng suplay na gagamitin natin para sa isang linggo.
3. Ano ang dapat nating tandaan kapag namamahagi ng imbitasyon?
3 Ano ang Sasabihin Natin? Makabubuting iklian ang presentasyon para mas marami tayong makausap. May sampol na presentasyon sa pahina 4 na maibabagay natin sa ating teritoryo. Siyempre pa, hindi tayo dapat magmadali kung ang may-bahay ay palakaibigan o may mga tanong. Kapag namamahagi kung Sabado’t Linggo, dapat din tayong mag-alok ng mga magasin kung posible. Sa Marso 2, magpopokus tayo sa pamamahagi ng imbitasyon sa halip na magpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.
4. Bakit dapat tayong maging masigasig sa pakikibahagi sa kampanya?
4 Inaasahan natin na marami ang dadalo sa Memoryal. Ipaliliwanag sa pahayag kung sino talaga si Jesus. (1 Cor. 11:26) Tatalakayin din kung paano tayo nakikinabang sa kamatayan niya. (Roma 6:23) At itatampok nito kung bakit mahalagang alalahanin natin siya. (Juan 17:3) Maging masigasig sana tayo sa pakikibahagi sa kampanya!