Magsisimula sa Marso 17 ang Kampanya Para Ianunsiyo ang Memoryal
1. Anong kampanya ang magsisimula sa Marso 17?
1 Ang pagdiriwang ng Memoryal taun-taon ay naghahayag ng kamatayan ni Jesus. (1 Cor. 11:26) Kaya gusto nating makasama ang iba na dumalo at mapakinggan ang tungkol sa maibiging regalo ni Jehova na pantubos. (Juan 3:16) Sa taóng ito, ang ating kampanya upang anyayahan ang mga tao na dumalo sa Memoryal ay magsisimula sa Sabado, Marso 17. Lubusan ka bang makikibahagi rito?
2. Ano ang maaari nating sabihin kapag ibinibigay ang imbitasyon?
2 Kung Ano ang Maaari Nating Sabihin: Pinakamabuting maikli lamang ang presentasyon. Maaari nating sabihin: “Kumusta kayo. Narito kami upang ibigay sa inyong pamilya ang imbitasyong ito para sa isang mahalagang taunang pagdiriwang na gaganapin sa buong daigdig sa Abril 5. Magkakaroon ng walang-bayad na pahayag sa Bibliya na magpapaliwanag kung ano ang nagawa ng kamatayan ni Jesus at kung ano ang ginagawa niya ngayon. Nasa imbitasyong ito ang adres at oras ng miting na gaganapin sa ating komunidad.” Kapag nakikibahagi sa kampanya kung Sabado’t Linggo, dapat din tayong mag-alok ng mga magasin kung posible.
3. Paano natin maaanyayahan ang pinakamaraming tao hangga’t maaari?
3 Anyayahan ang Pinakamaraming Tao Hangga’t Maaari: Tunguhin nating anyayahan ang pinakamaraming tao hangga’t maaari. Kaya tiyaking anyayahan ang inyong mga inaaralan sa Bibliya, dinadalaw-muli, kamag-anak, katrabaho, kaeskuwela, kapitbahay, at iba pang kakilala. Ang mga elder ay magbibigay ng tagubilin kung paano kukubrehan ang inyong teritoryo. Ang ating taunang kampanya para anyayahan ang mga tao sa Memoryal ay may magagandang resulta. Nang pumasok ang isang babae sa awditoryum noong nakaraang taon, tinulungan siya ng isang attendant na mahanap ang mamamahayag na nag-anyaya sa kaniya. Pero sinabi ng babae na wala siyang kakilala roon at na natanggap niya ang paanyaya mula sa isa na nagbahay-bahay noong araw na iyon.
4. Ano ang mga dahilan upang puspusan tayong makibahagi sa kampanya?
4 Marahil may dadalo sa inyong Memoryal dahil sa imbitasyong iniwan mo. May tumugon man o wala, ang iyong pagsisikap ay nagbibigay pa rin ng patotoo. Ang mga imbitasyong ipinamahagi mo ay maghahayag na si Jesus ay isa nang makapangyarihang Hari ngayon. Ang iyong puspusang pakikibahagi ay magpapakita sa lahat ng nagmamasid—sa inyong teritoryo, mga kapuwa mamamahayag, at higit sa lahat, kay Jehova—na lubhang pinahahalagahan mo ang regalo ng pantubos.—Col. 3:15.