Sisimulan sa Abril 2 ang Pamamahagi ng Imbitasyon sa Memoryal
1. Kailan tayo mamamahagi ng imbitasyon sa Memoryal sa taóng ito, at bakit mahalaga ito?
1 Simula sa Abril 2 hanggang Abril 17, mamamahagi tayo ng mga imbitasyon para sa pinakamahalagang okasyon ng taon—ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Noong nakaraan, maraming interesado ang tumugon sa taunang kampanyang ito. Halimbawa, noong araw ng Memoryal, tumawag ang isang babae sa tanggapang pansangay at nagsabi: “Kauuwi ko lang, at may nakita akong imbitasyon sa pinto namin. Gusto kong pumunta pero hindi ako sigurado kung anong oras ito.” Ipinaliwanag ng brother kung saan sa imbitasyon makikita ang impormasyong ito. Nangako ang babae, “Sige, pupunta ako ngayong gabi!”
2. Ano ang puwede nating sabihin kapag namamahagi ng imbitasyon?
2 Kung Paano Natin Ito Gagawin: Yamang limitado ang ating panahon para magawa ang buong teritoryo, mas mabuti kung maikli ang ating pakikipag-usap. Puwede nating sabihin: “Magandang araw. Nais naming bigyan ang inyong pamilya ng imbitasyon para sa mahalagang taunang pagdiriwang na gaganapin sa buong daigdig sa Linggo, Abril 17. [Ibigay ang imbitasyon sa may-bahay.] Ito ang anibersaryo ng kamatayan ni Jesus. Magkakaroon ng pahayag sa Bibliya tungkol sa kung paano tayo makikinabang sa pantubos ni Kristo. Makikita po sa imbitasyong ito ang adres at oras ng okasyong ito na gaganapin dito sa lugar natin.”
3. Paano tayo makapag-iimbita ng pinakamaraming tao hangga’t maaari?
3 Kung malaki ang teritoryo ng kongregasyon, maaaring itagubilin sa inyo ng mga elder na mag-iwan ng imbitasyon sa mga bahay na walang tao pero ilagay ito sa lugar na hindi makikita ng mga dumaraan. Tiyaking maimbitahan ang inyong mga dinadalaw-muli, kamag-anak, katrabaho, kaeskuwela, at iba pang kakilala. Kapag namamahagi ng imbitasyon sa dulo ng sanlinggo, mag-alok ng mga magasin kung angkop. Makapag-o-auxiliary pioneer ka ba sa Abril sa gayon ay makabahagi nang higit sa masayang kampanyang ito?
4. Bakit gusto nating makadalo sa Memoryal ang mga interesadong tao?
4 Napakalaking patotoo ang maibibigay sa mga interesadong dadalo! Mapapakinggan nila ang tungkol sa dakilang pag-ibig ni Jehova sa paglalaan ng pantubos. (Juan 3:16) Matututuhan nila kung paano makikinabang ang sangkatauhan sa Kaharian ng Diyos. (Isa. 65:21-23) Aanyayahan din silang lumapit sa mga attendant at humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya para matuto pa nang higit. Dalangin natin na maraming tapat-pusong tao ang tumugon sa kampanyang ito at sumama sa atin sa Memoryal!