Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 5/15 p. 21-23
  • Abutin ang Puso sa Pamamagitan ng Sining ng Panghihikayat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Abutin ang Puso sa Pamamagitan ng Sining ng Panghihikayat
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paggamit ng Panghihikayat sa Ministeryo
  • Pakikitungo sa Emosyon
  • Paghaharap ng Mabuting Balita—Na May Panghihikayat
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1989
  • Kung Paano Hihikayatin ang Iba
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2001
  • Bigyang-Pansin ang Iyong “Sining ng Pagtuturo”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Tulungan ang Bible Study Mo na Mabautismuhan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 5/15 p. 21-23

Abutin ang Puso sa Pamamagitan ng Sining ng Panghihikayat

PARA sa maraming tao ay kahina-hinala ang salitang “panghihikayat.” Maaari nitong ilarawan sa isip ng isang tao ang isang agresibong ahente o isang anunsiyo na dinisenyo upang linlangin o kontrolin ang mga mamimili. Maging sa Bibliya, kung minsan ang ideya ng panghihikayat ay may negatibong kahulugan, na nagpapahiwatig ng pagpapasama o panlilinlang. Halimbawa, sumulat ang Kristiyanong apostol na si Pablo sa mga taga-Galacia: “Kayo ay tumatakbo noon nang mahusay. Sino ang humadlang sa inyo sa patuloy na pagsunod sa katotohanan? Ang uring ito ng panghihikayat ay hindi mula sa Isa na tumatawag sa inyo.” (Galacia 5:7, 8) Nagbabala rin si Pablo sa mga taga-Colosas laban sa pagpapahintulot sa sinuman na ‘linlangin sila taglay ang mapanghikayat na mga argumento.’ (Colosas 2:4) Ang gayong panghihikayat ay nakabatay sa mga tusong argumento na salig sa mga maling pundasyon.

Gayunman, sa kaniyang ikalawang liham kay Timoteo, ginamit ni apostol Pablo ang ideya ng panghihikayat sa naiibang diwa. Sumulat siya: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan, yamang nakikilala mo kung kaninong mga tao natutuhan mo ang mga ito.” (2 Timoteo 3:14) Sa pagiging ‘nahikayat na sumampalataya,’ si Timoteo ay hindi kinontrol ng kaniyang ina at ng kaniyang lola, na sa pamamagitan nila ay natuto siya ng maka-Kasulatang mga katotohanan.​—2 Timoteo 1:5.a

Samantalang nakabilanggo sa isang bahay sa Roma, si Pablo ay lubusang nagpatotoo sa marami, ‘na gumagamit ng panghihikayat sa kanila may kinalaman kay Jesus kapuwa mula sa batas ni Moises at sa mga Propeta, mula umaga hanggang gabi.’ (Gawa 28:23) Nililinlang ba ni Pablo ang kaniyang mga tagapakinig? Hinding-hindi! Maliwanag, kung gayon, ang panghihikayat ay hindi laging masama.

Kapag ginamit sa positibong diwa, ang Griegong salitang ugat na isinaling “manghikayat” ay nangangahulugang kumumbinsi, magpabago ng pag-iisip sa pamamagitan ng matino at lohikong pangangatuwiran. Ang isang guro ay makapagtatayo kung gayon sa isang maka-Kasulatang pundasyon, na gumagamit ng panghihikayat upang ikintal sa iba ang pananalig sa katotohanan sa Bibliya. (2 Timoteo 2:15) Ang totoo, ito ay isang katangian ng ministeryo ni Pablo. Maging si Demetrio na panday-pilak, na nagturing na huwad ang mga turong Kristiyano, ay nagsabi: “Hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong distrito ng Asia ang Pablong ito ay nakapanghikayat ng isang malaking pulutong at ibinaling sila sa ibang palagay, na sinasabing yaong ginawa ng mga kamay ay hindi mga diyos.”​—Gawa 19:26.

Paggamit ng Panghihikayat sa Ministeryo

Inutusan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At, narito! ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Sa mahigit na 230 lupain, sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang utos na ito. Sa bawat buwan ng kanilang 1997 taon ng paglilingkod, nagdaos sila ng aberids na 4,552,589 na pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa buong daigdig.

Kung nagkapribilehiyo ka na magdaos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, maaasahan mo ang mga hamon na hihiling ng paggamit ng sining ng panghihikayat. Halimbawa, ipagpalagay na sa inyong susunod na sesyon ng pag-aaral ay may bumangong tanong tungkol sa Trinidad. Paano kung alam mong pinaniniwalaan ng iyong estudyante ang doktrinang ito? Maaari mo siyang bigyan ng isang publikasyon na tumatalakay sa paksang iyon. Pagkatapos niyang mabasa ito, baka masumpungan mo na nahikayat siya na ang Diyos at si Jesus ay hindi iisa. Subalit kung may ilan pang tanong na nananatili, paano ka magpapatuloy?

Makinig nang mabuti. Tutulong ito sa iyo na matiyak kung ano na ang pinaniniwalaan ng iyong estudyante tungkol sa isang paksa. Halimbawa, kapag sinabi ng iyong estudyante, “Naniniwala ako sa Trinidad,” maaari kang magbukas agad ng maka-Kasulatang talakayan upang pabulaanan ang doktrinang ito. Ngunit may iba’t ibang paniniwala hinggil sa Trinidad. Baka ibang-iba ang paniniwala ng iyong estudyante sa doktrina ng Trinidad na alam mo. Gayundin naman kung tungkol sa ibang paniniwala, gaya ng reinkarnasyon, imortalidad ng kaluluwa, at kaligtasan. Kaya makinig nang mabuti bago magsalita. Huwag bumuo ng patiunang palagay tungkol sa paniniwala ng estudyante.​—Kawikaan 18:13.

Magtanong. Maaaring kalakip dito ang: ‘Dati ka na bang naniniwala sa Trinidad? Pinag-aralan mo na bang maigi kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa paksang ito? Kung ang Diyos ay bahagi ng isang trinidad, hindi kaya ito malinaw at tuwirang sasabihin sa atin ng kaniyang Salita, ang Bibliya?’ Sa pagtuturo sa estudyante, huminto paminsan-minsan upang magtanong ng gaya nito: ‘Makatuwiran ba para sa iyo ang natalakay natin?’ ‘Sumasang-ayon ka ba sa paliwanag na ito?’ Sa pamamagitan ng iyong mahusay na paggamit ng mga tanong, isinasangkot mo ang estudyante sa pamamaraan ng pagkatuto. Hindi lamang siya dapat na basta nakikinig sa iyong pagpapaliwanag sa isang paksa.

Gumamit ng matinong pangangatuwiran. Halimbawa, sa pagtalakay sa doktrina ng Trinidad, maaari mong sabihin sa iyong estudyante: ‘Nang mabautismuhan si Jesus, isang tinig ang nanggaling sa langit na nagsasabi: “Ikaw ang aking Anak, ang iniibig.” Kung ang Diyos ay talagang nasa lupa at binabautismuhan, pararatingin kaya niya sa langit ang kaniyang tinig at pababalikin upang ang mga salitang iyon ay marinig sa lupa? Hindi ba ito nakalilinlang? Gagawa kaya ng gayong panlilinlang ang Diyos na “hindi makapagsisinungaling”?’​—Lucas 3:21, 22; Tito 1:1, 2.

Ang matinong pangangatuwiran na iniharap sa mataktikang paraan ay kadalasang napakaepektibo. Isaalang-alang ang halimbawa ng isang babae na tatawagin nating Barbara. Sa buong buhay niya, pinaniwalaan niya na si Jesus ang Diyos at bahagi ng isang trinidad na kinabibilangan ng banal na espiritu. Subalit isang Saksi ni Jehova ang nagsabi sa kaniya na ang Diyos at si Jesus ay dalawang magkaibang persona, at ipinakita nito sa kaniya ang mga kasulatan upang suhayan ang kaniyang sinabi.b Hindi kayang pabulaanan ni Barbara ang Bibliya. Kasabay nito, nasiphayo siya. Siyempre pa, ang doktrina ng Trinidad ay napakahalaga sa kaniya.

Matiyagang nakipagkatuwiranan ang Saksi kay Barbara. “Kung sinisikap mong ituro sa akin na magkapantay ang dalawang tao,” ang tanong nito, “anong ugnayan sa pamilya ang gagamitin mo upang ilarawan ito?” Nag-isip siya sumandali at pagkatapos ay sumagot: “Baka gagamitin ko ang dalawang magkapatid.” “Tama,” ang tugon ng Saksi. “Marahil ay magkakambal pa nga. Subalit sa pagtuturo sa atin na malasin ang Diyos bilang ang Ama at ang kaniyang sarili bilang ang Anak, anong mensahe ang ipinaaabot ni Jesus?” “Nauunawaan ko na,” sagot ni Barbara, na nanlaki ang mga mata. “Inilalarawan niya ang isa bilang nakatatanda at may higit na awtoridad.”

“Oo,” tugon ng Saksi, “at ang mga Judiong tagapakinig ni Jesus, na namumuhay sa isang lipunan ng mga patriyarka, ay tiyak na ganoon ang naintindihan.” Upang idiin ang kaniyang punto, ganito nagtapos ang Saksi: “Kung napili natin ang gayong angkop na ilustrasyon upang ituro ang pagkakapantay​—ng magkapatid o ng magkakambal​—tiyak na si Jesus, ang Dakilang Guro, ay gagamit din ng gayon. Sa halip, gumamit siya ng terminong ‘ama’ at ‘anak’ upang ilarawan ang kaugnayan sa pagitan niya at ng Diyos.”

Sa wakas ay naunawaan ni Barbara ang punto, at tinanggap niya ito. Ang kaniyang puso ay naabot sa pamamagitan ng sining ng panghihikayat.

Pakikitungo sa Emosyon

Ang relihiyosong mga paniniwala na matibay ang pagkakatatag ay kadalasang nagsasangkot ng emosyon. Isaalang-alang ang kaso ni Edna, isang debotong Katoliko. Ang kaniyang mga tin-edyer na apong lalaki ay nagharap sa kaniya ng malinaw at maka-Kasulatang patotoo na ang Diyos at si Jesus ay hindi iisang persona. Naunawaan ni Edna ang kaniyang narinig. Gayunman, may kabaitan ngunit matatag na sinabi niya: “Naniniwala ako sa santisima Trinidad.”

Marahil ay nakaranas ka na ng katulad nito. Minamalas ng marami ang mga doktrina ng kanilang relihiyon na parang ang mga ito ay bahagi na ng kanila mismong pagkatao. Upang mahikayat ang gayong mga estudyante sa Bibliya, higit pa ang kailangan kaysa sa sariling pangangatuwiran lamang o sa isang hanay ng mga kasulatan na nagpapatunay na mali ang pangmalas ng indibiduwal. Ang gayong situwasyon ay mabisang malulutas sa pamamagitan ng sining ng panghihikayat na tinimbangan ng pagkamadamayin. (Ihambing ang Roma 12:15; Colosas 3:12.) Totoo, dapat na may matibay na paniniwala ang isang mahusay na guro. Halimbawa, ginamit ni Pablo ang mga pariralang “kumbinsido ako” at “alam ko at nahihikayat ako sa Panginoong Jesus.” (Roma 8:38; 14:14) Gayunman, sa pagpapahayag ng ating paniniwala, hindi tayo dapat magmukhang dogmatiko at mapagmatuwid-sa-sarili, ni maging mapanlait o mapanghamak man sa paghaharap ng mga katotohanan sa Bibliya. Tiyak na ayaw nating masaktan o mainsulto man ang estudyante.​—Kawikaan 12:18.

Makapupong higit na mabisa na igalang ang mga paniniwala ng estudyante at kilalanin ang kaniyang karapatan na panghawakan ang mga iyon. Ang susi ay ang pagpapakumbaba. Ang isang guro na may kababaan ng pag-iisip ay hindi nakadarama na siya ay likas na nakahihigit sa kaniyang estudyante. (Lucas 18:9-14; Filipos 2:3, 4) Ang makadiyos na panghihikayat ay may lakip na pagpapakumbaba na, sa wari, ay nagsasabi: ‘May-kaawaang tinulungan ako ni Jehova na maunawaan ito. Hayaan mong ibahagi ko ito sa iyo.’

Sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano sa Corinto, sumulat si Pablo: “Ang mga sandata ng aming pakikidigma ay hindi makalaman, kundi makapangyarihan sa pamamagitan ng Diyos para sa pagtitiwarik ng mga bagay na matibay ang pagkakatatag. Sapagkat itinitiwarik namin ang mga pangangatuwiran at bawat matayog na bagay na naibangon laban sa kaalaman sa Diyos; at dinadala namin ang bawat kaisipan sa pagkabihag upang gawing masunurin iyon sa Kristo.” (2 Corinto 10:4, 5) Sa ngayon, ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang Salita ng Diyos upang itiwarik ang mga huwad na doktrinang matibay ang pagkakatatag gayundin ang malalim-ang-pagkakaugat na mga kaugalian at gawi na di-nakalulugod sa kaniya. (1 Corinto 6:9-11) Sa paggawa nito, naaalaala ng mga Saksi na si Jehova ay maibiging nagtitiis sa kanila. Kay ligaya nila na taglayin ang kaniyang Salita, ang Bibliya, at gamitin ang makapangyarihang kasangkapang ito upang bunutin ang huwad na mga turo at abutin ang mga puso sa pamamagitan ng sining ng panghihikayat!

[Mga talababa]

a Tingnan ang artikulong “Sina Eunice at Loida​—Mga Ulirang Tagapagturo,” sa pahina 7-9 ng labas na ito ng Ang Bantayan.

b Tingnan ang Juan 14:28; Filipos 2:5, 6; Colosas 1:13-15. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang brosyur na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad?, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Kahon sa pahina 23]

Pag-abot sa Puso ng Iyong Estudyante

◻ Manalangin para sa patnubay ni Jehova sa pag-abot sa puso ng estudyante sa Bibliya.​—Nehemias 2:4, 5; Isaias 50:4.

◻ Unawain kung ano ang pinaniniwalaan ng estudyante at kung bakit maaaring maging kaakit-akit sa kaniya ang huwad na paniwala.​—Gawa 17:22, 23.

◻ Sa isang mabait at matiyagang paraan, bumuo ng lohiko at maka-Kasulatang argumento samantalang pinananatili ang puntong mapagkakasunduan.​—Gawa 17:24-34.

◻ Kung posible, patibayin ang mga katotohanan sa Bibliya sa pamamagitan ng mabibisang ilustrasyon.​—Marcos 4:33, 34.

◻ Ipakita sa estudyante ang mga kapakinabangan ng pagtanggap sa tumpak na kaalaman mula sa Bibliya.​—1 Timoteo 2:3, 4; 2 Timoteo 3:14, 15.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share