1988 “Banal na Katarungan” na Pandistritong Kombensiyon
1 Iniibig ni Jehova ang katarungan at katuwiran. (Awit 33:5) Ang kaniyang lingkod na si Eliu ay nagsabi: “Tungkol sa Makapangyarihan-sa-lahat, hindi natin mauunawa; siya’y marilag sa kapangyarihan, at katarungan at saganang katuwiran hindi niya hahamakin.”—Job 37:23.
2 Tunay, hindi kinakaligtaan ni Jehova ang kawalang katarungan na ginagawa sa sanlibutang ito. Yamang siya’y isang Diyos na di nababago ang moral na pamantayan, makatitiyak tayo na hindi niya pahihintulutan nang walang hanggan ang katampalasanan sa ngayon. (Ihambing ang Isaias 14:3-8.) Sa katunayan, inihula ng Bibliya ang ating panahon bilang mga huling araw para sa masamang sanlibutan. Kaya dapat nating ipakita sa pamamagitan ng ating mga gawa na ating iniibig ang katuwiran at banal na katarungan at iingatan natin ang sarili na hiwalay sa hinatulang mga gawain ng sanlibutang ito.
3 Tumitinging may pananabik ang mga Saksi ni Jehova para sa “Banal na Katarungan” na mga Pandistritong Kombensiyon na nakatakda para sa 1988. Sa mga pandistritong kombensiyon tayo ay tunay na tinuturuan ni Jehova. Tayo ay dumadalo taglay ang kaisipang nahahayag sa kinasihang panalangin sa Awit 119:33: “Ituro mo sa akin, Oh Jehova ang daan ng iyong mga palatuntunan, at aking iingatan hanggang sa wakas.” Tunay, ang mga salitang ito ay nagpapahayag sa damdamin ng lahat ng mga naaalay na mga lingkod ni Jehova ngayon.
4 DALUHAN ANG LAHAT NG SESYON: Ang “Banal na Katarungan” na mga Pandistritong Kombensiyon ay tatagal ng apat na araw. Nakagawa na ba kayo ng plano upang madaluhan ang lahat ng sesyon? Mula sa pagbubukas ng sesyon sa Huwebes sa 1:30 n.h. hanggang sa pangwakas na panalangin sa bandang 4:00 n.h. ng Linggo, mahahalagang impormasyon para sa ating espirituwal na kalusugan ang ihaharap. Iba’t ibang bahagi ng banal na katarungan ang itatampok bawa’t araw. Ang programa ay sasaklaw sa mga pahayag, pagtatanghal, at drama. Gumawa rin ng mga kaayusan para ang mga misyonero ay makadalaw sa kanilang bansang pinanggalingan at makadalo sa isang pandistritong kombensiyon kasama ng kanilang pamilya at mga kaibigan, at isang pantanging bahagi sa programa ang tatalakay sa gawain ng mga misyonero. Sa maraming kombensiyon, ang mga misyonero ay aanyayahan na ibahagi sa atin ang kanilang mga karanasan. Kaya, huwag kaliligtaan ang kahit isang sesyon.
5 Ito’y maaaring mangahulugan na kayo’y kailangang gumawa ng ilang personal na sakripisyo at mga pagbabago sa inyong eskedyul. Kakailanganing kayo ay gumawa ng ilang kaayusan sa inyong pinapasukan upang makadalo sa kombensiyon. Kung inyo itong ipananalangin nang taimtim at buong puso kayong gagawa ng pagsisikap, tiyak na pagpapalain kayo ni Jehova.—Mat. 5:3.
6 Pagsikapang dumating nang maaga bawa’t araw at umupo na bago pa magpasimula ang sesyon. Ito ay magbibigay sa inyo ng pagkakataon na tamasahin ang kasiyahan ng pakikisama sa mga kapatid na lalake at babae mula sa ibang lugar. (Roma 1:12) Kayo rin ay makakasama sa pagpuri kay Jehova sa pamamagitan ng awit, na isang napakahalagang bahagi ng ating pagsamba, at makabahagi sa pambukas na panalangin. Isaalang-alang din na yaong mga nakaupong kalapit ninyo ay nagpapahalaga sa hindi ninyo paggambala sa kanila sa programa dahilan sa hindi pagdating nang huli. Ang Kristiyanong pag-ibig at konsiderasyon lakip ang paggalang kay Jehova at sa espirituwal na bagay na kaniyang inilalaan ay dapat na magpasigla sa atin na gawin ang ating makakaya na dumating nang nasa oras.
7 Kayo ay nabigyan na ng impormasyon tungkol sa kombensiyon na iniatas na daluhan ng inyong kongregasyon. Maingat na plano ang isinagawa upang matiyak na sapat na upuan, literatura, pagkain at iba pang paglalaan ang tatamasahin ng bawa’t isa. May mga pangyayari na maaaring ang ilan ay hindi makadalo doon sa iniatas sa kanila. Ang ilan ay maaaring kailangang tumulong sa kanilang mga kamag-anak sa ibang lugar. Gayunman, hangga’t maaari, ang inyong pakikipagtulungan sa pamamagitan ng pagdalo sa kombensiyon na iniatas sa inyong kongregasyon ay makatutulong upang maiwasan ang pagsisiksikan.
8 MAGBIGAY-PANSIN SA INYONG NARIRINIG: “Ang mga salita ni Jehova ay mga dalisay na salita, na gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa, na makapitong dinalisay.” (Awit 12:6) Marami sa mga “dalisay na salita” ng Diyos ang maririnig sa “Banal na Katarungan” na Pandistritong Kombensiyon. Ang impormasyon ay magiging pantanging impormasyon para sa bayan ni Jehova, para sa lahat ng naaalay sa kaniya na nagnanais na makalugod sa kaniya, na ‘nanginginig sa kaniyang salita.’ (Isa. 66:5) Sa lahat ng mga tao sa lupa, tayo ay higit na pinagpala na maturuan ni Jehova.—Isa. 54:13.
9 Ang pakikinig ay nangangahulugan ng talagang pagbibigay-pansin sa pamamagitan ng ating isip at ating puso, lakip na ang ating mga tainga at buong kapangyarihan ng pang-unawa. Kailangan nating pakinggan at ulinigin “ang salita ni Jehova.” (Jer. 2:4) Sa ating mapapakinggan ay makakalakip ang tumpak na kaalaman upang mapalawak ang ating kaunawaan at mapalalim ang ating pagpapahalaga. Mapapakinggan natin ang impormasyon na magpapatibay sa ating pananampalataya at magpapalakas sa ating pag-asa. Tayo ay tatanggap ng payo at disiplina na maibiging inilalaan para sa ating kapakinabangan. Malaking panahon ang ginamit ukol sa pagsasaliksik at paghahanda ng programa. Kaya, mahalaga na tayo’y makinig at maging gising sa sinasabi sa atin ng Salita ni Jehova. Kung gayon ay makikinabang tayo nang personal at magagamit natin ang impormasyong ito sa pagtulong sa iba.—Kaw. 18:15.
10 Yamang ang ating pangunahing layunin sa pagdalo sa kombensiyon ay upang tumanggap ng espirituwal na patnubay at pampatibay-loob, isaplano na kayo’y dumating nang maaga upang maisagawa ninyo ang mga kinakailangang bagay, tulad ng pagkuha ng tiket para sa pagkain, at pagkatapos ay maupo bago magpasimula ang programa. Sa pagsasagawa nito kayo ay magiging panatag, anupa’t ang inyong kaisipan ay hindi nagugulo ng mga bagay na walang tuwirang kinalaman sa programa.
11 Tiyakin na makatulog na mabuti bawa’t gabi upang kayo ay masigla sa umaga at lubusang maipako ang pansin sa programa sa buong araw. Bagaman ang kombensiyon ay nagbibigay ng mainam na pagkakataon para magpasigla sa pagkakaibigan at tamasahin ang masayang pagsasamasama, kung tayo ay mapupuyat sa pagdalaw sa mga kaibigan, maaaring maging matamlay tayo anupa’t hindi lubusang makinabang sa programa sa susunod na araw.
12 BAUTISMO: Ang pahayag sa mga kandidato sa bautismo ay ibibigay sa Sabado ng umaga. Ang bautismo ay isang panlabas na sagisag ng pag-aalay ng isa ng sarili nang walang pasubali kay Jehovang Diyos. Ang bahaging ito ng programa ay laging isa sa mga tampok na bahagi ng isang pandistritong kombensiyon. Tayong lahat ay makikinabang sa pamamagitan ng matamang pakikinig at pag-iisip hinggil sa ating sariling kaugnayan kay Jehova. Bukod dito, tayo ay nakikibahagi sa kagalakan ng mga nababautismuhan.
13 Ang mga nagpaplanong magpabautismo sa isa sa mga pandistritong kombensiyon ay dapat na magsabi sa punong tagapangasiwa nang patiuna bago ang kombensiyon upang may sapat na panahong marepaso ang mga tanong sa aklat na Ating Ministeryo. Isang mahinhing pambasa at tuwalya ang kailangang dalhin ng bawa’t isa na nagpaplanong magpabautismo.—Tingnan ang Ating Ministeryo sa Kaharian, Oktubre, 1987, pahina 3, parapo 6.
14 Ang mga kandidato sa bautismo ay dapat na magsikap na nasa kanilang upuan sa seksiyong itinalaga bago magpasimula ang programa sa Sabado ng umaga. Pagkatapos ng pahayag sa bautismo at panalangin ng tagapagsalita, ang tsirman ng sesyon ay magbibigay ng maikling tagubilin sa mga kandidato sa bautismo at pagkatapos ay magpapaawit. Ang lahat ay tatayo sa panahon ng pag-awit. Bago awitin ang huling stanza, aakayin ng mga attendant ang mga kandidato sa bautismo patungo sa lugar na pagbabautismuhan o sa mga sasakyang magdadala sa kanila doon, samantalang ang mga tagapakinig ay patuloy na aawit hanggang sa katapusan nito.
15 KUMUHA NG NOTA: Bukod pa sa inyong Bibliya at songbook, tandaang magdala ng isang sulatan at pen o lapis. Maaaring hindi ninyo ugaling kumuha ng nota sa inyong lingguhang pulong ng kongregasyon dahilan sa ang mga pahayag at pagtatanghal ay kuha sa materyal na taglay ng lahat sa kongregasyon. Gayunman, ang pakikinig sa impormasyong inihaharap sa pandistritong kombensiyon ay isang naiibang bagay. Bagaman ang ilan sa mga pahayag ay lilitaw sa mga publikasyon, ang iba ay hindi. Kahit na ang lahat ng mga pahayag ay ilalathala, mayroon pa ring malaking kapakinabangang tatamuhin sa pagkuha ng maikli at makahulugang nota.
16 Isang bagay, ang pagkuha ng nota ay nakatutulong sa matamang pakikinig. Ihiwalay ang mga susing punto ng tagapagsalita at ang mga susing teksto o mga bagong paliwanag na maaaring iharap. Pagkatapos ay gumawa ng maiikling nota ng mga ito. Kadalasan ang isa o dalawang pangungusap ay sapat na para sa isang susing punto. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mungkahing ito, susulong ang inyong matamang pakikinig. Maaaring hindi maglakbay o magambala ang inyong kaisipan. Masasangkapan din kayo upang makinabang sa pagrerepaso sa mga tampok na bahagi ng kombensiyon sa inyong kongregasyon sa susunod na linggo.
17 Kasama ba ninyo ang inyong maliliit o tin-edyer na mga anak? Kung gayon bakit hindi isaayos na sila rin ay kumuha ng mga nota ayon sa kanilang edad at kakayahan? Ipabatid sa pamilya na may plano kayong magrepaso sa mga pangunahing punto na palilitawin ng mga tagapagsalita habang kayo ay naglalakbay patungo sa inyong tahanan o tuluyan. Ang mga nakababatang anak ay maaaring mapasiglang isulat ang lahat ng mga kasulatang babanggitin o itala kung ilang ulit nilang maririnig na banggitin ng tagapagsalita ang mga susing salita o ang tema ng pahayag. Makabubuti para sa mga anak na matutong makinig na mabuti sa mga Kristiyanong pulong. Matutulungan ninyo silang magkaroon ng isang matatag na pundasyon para sa hinaharap.—Deut. 31:12; Efe. 6:4.
18 MAINAM NA PAGGAWI: Bawa’t taon sa katapusan ng ating mga pandistritong kombensiyon, tayo ay nakakatanggap ng mabubuting komento tungkol sa kaayusan at mabuting paggawi na nahahayag. Ang mga nagmamasid ay kadalasang nagkokomento tungkol sa masinop na pag-aayos ng kapuwa matatanda at mga bata, bukod pa sa kapayapaan at pagkakaisa ng ating mga kapatid. Bakit natin binabanggit ito? Sapagka’t nakapagpapasiglang malaman na kapag tayo ay nagbibigay ng mainam na halimbawa, ito ay namamalas at pinahahalagahan ng iba. (1 Ped. 2:12) Higit sa lahat, ito ay nagdudulot ng papuri sa Diyos. Nais nating parangalan si Jehova sa salita at sa gawa, at yamang maaaring hatulan ng mga tao ang organisasyon at maging ang Diyos na ating sinasamba sa pamamagitan ng ating paggawi, nanaisin nating maging palaisip kung papaano tayo gumagawi.
19 May ilang dako na doo’y nais nating magbigay-pansin upang lubusang ‘lumiwanag tulad ng ilaw’ lalo na kung tayo ay malayo sa lugar ng kombensiyon tulad sa mga restaurant at mga tuluyan.—Fil. 2:15.
20 Una, kumusta ang ating ginagawa hinggil sa di kinakailangang pagrereserba ng mga upuan? Napansin ang pagsulong sa bagay na ito, at dahilan dito ay pinapupurihan namin kayo. Gayunman, kailangan pa rin nating bigyang pansin ang bagay na ito, yamang ang iba ay nagmamalabis sa kaayusang ito. Pakisuyong tandaan na ANG MGA UPUAN AY MAAARING IRESERBA LAMANG PARA SA MIYEMBRO NG INYONG PAMILYA AT SA SINUMANG NAGLALAKBAY NA KASAMA NINYO. Likas lamang na magnais umupo sa tabi ng kasama ninyo, at inaasahan na ang mga miyembro ng pamilya ay mauupong magkakasama. Subali’t pakisuyong huwag magrereserba ng upuan para sa iba. Kadalasan ang mga magkakaibigan ay humahanap ng kani-kanilang upuan, at ang inireserba nila ay hindi naman nagagamit. Maipakikita natin ang pagpapahalaga para sa kombensiyon at konsiderasyon para sa iba sa pamamagitan ng pagsunod sa mga direksiyong ito.—Mat. 7:12.
21 Bilang mga naaalay na lingkod, ang ating paggawi ay kailangang maging mainam sa LAHAT NG PAGKAKATAON. Ang huwarang paggawi ay lalo nang kapansin-pansin sa malalaking pagtitipon, at ang pangalan ni Jehova ay naluluwalhati sa pamamagitan ng gayong paggawi. Gayunman, ang masamang paggawi at kapabayaan ng ilan ay nagdudulot ng upasala sa pangalan ni Jehova at sa kaniyang bayan. Ang espiritu ng sanlibutan ay nahahayag sa ilan kapag sila ay bumabalik sa kanilang tuluyan. Sa kombensiyon, maliwanag nating nakikita kung ano ang dapat maging Kristiyanong personalidad, subali’t ang ilan, pagkatapos na umalis sa lugar ng kombensiyon ay waring nakalilimot sa kanilang nakita at narinig sa programa. (Sant. 1:22-24) Ang ating pagkanaroroon sa kombensiyon at saan mang dako, maging ang ating paggawi at pag-aayos, ay nagbibigay patotoo tungkol sa atin at sa Diyos na ating sinasamba.
22 Sa mismong kombensiyon, ingatan natin sa isipan ang espirituwal na bagay, hindi ang negosyo o mga paraan ng pagkita ng pera. Nais naming ipagunita sa lahat na walang anumang pagtitinda ng mga personal na bagay ang pahihintulutan sa loob ng dako ng kombensiyon, at ang mga bagay na galing sa Samahan ang siya lamang pahihintulutan sa bookroom o sa iba pang departamento ng kombensiyon.
23 Ingatan din sa kaisipan na ang mga departamento ng refreshment ay sasarhan sa panahon ng sesyon, kaya kakailanganing kunin ang inyong kailangan sa pagitan ng mga sesyon upang walang magambala sa panahon ng programa.
24 Napansin sa ilang kombensiyon na, pagkatapos na umalis ang tagapakinig, maraming pirasong papel, balat ng kendi, at mga supot, ang nakakalat sa palibot ng mga stand. Ikakalat ba natin ang mga bagay na ito sa ating Kingdom Hall? Kung gayon di ba’t kailangan nating maging malinis at masinop, na pinupulot ang ating basura at itinatapon iyon sa basurahan o dinadala sa bahay upang doon itapon? Hinihimok ang mga magulang na sanayin ang kanilang mga anak upang maiwasan ang pagkakalat sa estadiyum o bulwagan.
25 Ang isang pangwakas na maibiging paalaala ay may kinalaman sa pag-uusap samantalang may sesyon. Maliwanag na tayo ay nagagalak makita ang mga kaibigan sa kombensiyon, subali’t ang paggalang kay Jehova at konsiderasyon sa ating mga kapatid ang siyang dapat na maging pangunahin sa ating isipan. Kaya, hindi natin nanaising makagambala sa iba sa panahon ng programa. Kung kakailanganin ninyong umalis sa upuan dahilan sa isang mahalagang bagay, gawin iyon sa mabilis at tahimik na paraan hangga’t maaari. Gayundin, habang nagpapatuloy ang programa, walang sinuman ang dapat na mag-usap sa mga daanan. Tayo ay naroroon upang makinig at matuto.—Lukas 8:18.
26 KAILANGANG PAGKAIN: Ang paglalaan para sa pagkain at inumin ay magiging gaya noong nakaraang mga taon ng mga pandistritong kombensiyon. Magkakaroon ng mga tiket ng kombensiyon, na nagkakahalaga ng ₱10.00 bawa’t isa, na nababahagi sa tig-25 sentimos.
27 BOLUNTARYONG PAGLILINGKOD: Bagaman iilan na lamang boluntaryo ang kailangan dahilan sa pagiging payak ng mga pamamaraan sa kombensiyon, ang tulong ng mga boluntaryo ay kailangan pa rin para sa maayos na pagkilos ng isang pandistritong kombensiyon. Maaari ba kayong magkaroon ng bahagi? Ang convention coordinator ng inyong kongregasyon ay tatanggap ng impormasyon na nagtatala ng mga departamento na nangangailangan ng tulong, at ipababatid niya ito sa kongregasyon. Maaari kayong magboluntaryo sa pamamagitan niya. Ang mga bata na wala pang 16 na taóng gulang na magtatrabaho ay dapat na kasama ng magulang o tagapangalaga.
28 Magkakaroon ng biglaang pangangailangan para sa ilang boluntaryo. Makipagkita kaagad sa Volunteer Service Department pagdating ninyo sa kombensiyon. Kahit na kayo’y makapaglilingkod lamang sa ilang panahon ng kombensiyon, ang inyong paglilingkuran ay pinahahalagahan.
29 RECORDINGS: Waring napapanahon na liwanagin ang pangmalas ng Samahan tungkol sa paggamit ng mga kasangkapang video at audio. Bagaman hindi ipinagbabawal ang paggamit ng gayong mga kasangkapan, waring kailangan ang kontrol at limitasyon. Dapat na maging alisto ang mga attendant na ang mga gumagamit ng video camera at audio recorders ay hindi makagagambala sa iba o makasisira ng pansin sa programa. Ang mga kapatid na gumagamit ng ganitong mga kasangkapan ay dapat na makipagtulungan sa mga attendant at mga matatanda na nangangasiwa at hindi ang magbigay-lugod lamang sa sarili. Ang gayong mga kasangkapan ay hindi dapat na ilagay sa mga daan o labasan. Walang gayong kasangkapan na ikakabit sa public address system o saksakan ng koryente, o kaya’y pahihintulutan ang paggamit ng malalakas na ilaw. Samakatuwid, ang gayong mga kasangkapan ay maaaring ilagay sa mga dako na hindi makagagambala sa tagapakinig, gaya ng gawing likuran ng bulwagan.
30 KONKLUSYON: May mabubuting dahilan kung bakit nais nating makadalo sa “Banal na Katarungan” na Pandistritong Kombensiyon kung saan maaari nating sambahin si Jehova kasama ng ating libu-libong mga kapatid. Ipinahayag ni propeta Isaias na ang mga lingkod ni Jehova ay “hindi magugutom, ni mauuhaw man sila, ni mapapaso man sila ng init o ng araw. Sapagka’t siyang may awa sa kanila ay papatnubay sa kanila, samakatuwid baga’y sa tabi ng mga bukal ng tubig ay papatnubayan niya sila.” (Isa. 49:10) Tunay, ang bayan ni Jehova ay hindi magugutom sa espirituwal o mauuhaw man sa katotohanan. Kaya tayo ay magagalak sa pagkakataong magtipong samasama sa taóng ito para sa “Banal na Katarungan” na mga Pandistritong Kombensiyon.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Paalaala sa Pandistritong Kombensiyon
TULUYAN: Kami ay nagpadala ng isang suplay ng Room Request forms sa bawa’t kongregasyon. Ang mga nangangailangan ng tuluyan ay dapat na punan ang isa sa mga pormang ito at ibigay sa convention coordinator ng inyong kongregasyon. Kaniyang susuriin ito at pipirmahan, at pagkatapos ay ipadadala sa Watch Tower Convention sa isa sa mga direksiyon sa ibaba.
Disyembre 22-25, 1988
Ilagan, Isabela: c/o Isidro Balmaceda, Baculod, Ilagan, 3300 Isabela.
Laoag City: c/o Jovencio Gamiao, 20 V. Lagasca Street, 2900 Laoag City.
Quezon City (1): P.O. Box 2044, 1099 Manila.
Marikina, MM: Kingdom Hall, 273 Molave Street, Concepcion, 1800 Marikina, Metro Manila.
Lucena City: c/o Emilio Pascua, Employees Subdivision, Gate 1, 4301 Lucena City.
Puerto Princesa City: Kingdom Hall, Malvar Street, 5300 Puerto Princesa City.
Masbate, Masbate: c/o Yolando Alburo, 56-K Tara Street, Masbate, 5400 Masbate.
Iloilo City: 65 Escarilla Subdivision, Mandurriao, 5000 Iloilo City.
Cebu City: c/o Parcon’s Machine Shop, Bagumbayan Street, 6000 Cebu City.
Tacloban City: 185 M. H. del Pilar Street, 6500 Tacloban City.
Davao City: Kingdom Hall, Corner Lopez Jaena and F. Torres Streets, 8000 Davao City.
Buenavista, Agusan del Norte: c/o Samuel Tabinas, Montillano Street, Buenavista, 8601 Agusan del Norte.
Dipolog City: c/o Leoncio Martin, 097-E Magsaysay Street, 7100 Dipolog City.
Tantangan, South Cotabato: c/o Oscar Presas, Mangilala, Tantangan, 9510 South Cotabato.
Disyembre 29–Enero 1, 1989
Tuguegarao, Cagayan: c/o Nolia’s Beauty Parlor, 77 Gonzaga Street, Tuguegarao, 3500 Cagayan.
Agoo, La Union: c/o Edgar Rivera, Bubblebee Burgerland, Agoo, 2504 La Union.
Mangaldan, Pangasinan: c/o Benjamin Caberto, Sr., 97 Salay, Mangaldan, 2432 Pangasinan.
Tarlac, Tarlac: c/o Gregorio Ibarra, Aguso, Tarlac, 2300 Tarlac.
Quezon City (2): P.O. Box 2044, 1099 Manila.
Mabalacat, Pampanga: c/o Generoso D. Canlas, 142 MacArthur Highway, Dau, Mabalacat, 2010 Pampanga.
Iriga City: c/o Leonardo de Villa, 38 Waling-waling Street, San Miguel, 4431 Iriga City.
Tagbilaran City: c/o Felix Acma, 44 R. Palma Street, 6300 Tagbilaran City.
Bacolod City: c/o Serafin Sabordo, 68 Mabini Street, 6100 Bacolod City.
Zamboanga City: 541 San Jose Road, Baliwasan, 7000 Zamboanga City.
Tagum, Davao del Norte: Kingdom Hall, 1036 Rizal Street, Tagum, 8100 Davao del Norte.
General Santos City: Kingdom Hall, 8 Siniguelas Street, 9500 General Santos City.
Cagayan de Oro City: c/o Nicolas Reymundo, Jr., 52 Vamenta Blvd., Carmen, 9000 Cagayan de Oro City.
Enero 5-8, 1989
Urdaneta, Pangasinan: c/o Manantan Technical School, Urdaneta, 2428 Pangasinan.
MGA ORAS NG PROGRAMA: Landas ng karunungan at pagpapakita ng pagpapahalaga na tayo ay nasa upuan na kapag nagpasimula ang programa. Sa lahat ng mga lugar ng kombensiyon, ang programa ay magpapasimula sa pamamagitan ng musika, pagkatapos ay awit at panalangin sa Huwebes ng 1:30 n.h. at ang sesyon ay magtatapos sa 5:10 n.h. Ang programa sa Biyernes ay magpapasimula sa 8:20 n.u. at magtatapos sa 4:40 n.h. Ang programa sa Sabado ay magpapasimula sa 8:20 n.u. at magtatapos sa 4:50 n.h. Sa Linggo ang programa ay magpapasimula sa 8:30 n.u. at magtatapos sa bandang 4:00 n.h. Ang pahayag pangmadla sa Linggo ay magpapasimula sa awit at panalangin sa 2:00 n.h.
MGA PANTANGING PAGPUPULONG: Isang pulong ang gaganapin kasama ang lahat ng mga regular at espesyal payunir at mga naglalakbay na tagapangasiwa sa 11:15 n.u. sa Biyernes, samantalang isang pulong kasama ng mga matatanda ang idaraos sa 11:15 n.u. sa Sabado. Ang lugar para sa mga pulong na ito ay ipatatalastas sa plataporma.
PIONEER IDENTIFICATION: Ang lahat ng mga regular at espesyal payunir at naglalakbay na tagapangasiwa ay dapat na magdala ng kanilang Identification and Assignment card (S-202) sa kombensiyon. Ang mga nasa talaan mula pa noong Hulyo 1, 1988 o bago pa nito ay maaaring tumanggap ng mga tiket ng kombensiyon na nagkakahalaga ng ₱60.00 kapag iniharap nila ang kanilang ID card sa isa lamang kombensiyon. Maingat ninyong pangalagaan ang card tulad sa pera. Hindi ninyo maaaring makuha itong muli sa kombensiyon. Anumang ipagkakaloob na releases o iba pang literatura sa halaga ng payunir ay makukuha ng mga payunir sa bookroom kapag ipinakita nila ang kanilang ID card.
LAPEL CARDS: Inilaan ang mga card na ito upang ilathala ang kombensiyon at upang makilala ang ating mga kapatid na dumadalo. Dahilan dito, pakisuyong isuot ang lapel card sa kombensiyon at habang naglalakbay mula at patungo sa lugar ng kombensiyon. Dapat ninyong kunin ang mga ito sa inyong kongregasyon yamang ang mga ito ay hindi makukuha sa kombensiyon. Ang lapel card ay 15¢ ang isa at ang celluloid na lalagyan ay ₱1.00 ang bawa’t isa. (Pansinin ng kalihim: Ang mga lapel card ay dapat na pinidido sa Special Order Blank for Forms. Kung hindi ito nagawa, magpadala ngayon ng mga pidido para sa mga ito sa isang regular na S-14.)
ISANG BABALA: Saan man kayo dadalo, bantayan ang inyong mga dala-dalahan sa lahat ng panahon. Kung mayroon kayong sasakyan, tiyaking ito ay nakasusi at huwag kayong mag-iiwan ng mahahalagang bagay sa loob ng isang nakaparadang sasakyan. Mag-ingat din sa mga magnanakaw at mandurukot na naaakit ng malalaking pagtitipon. Lakip na dito ang hindi pag-iiwan ng anumang bagay na mahalaga kung walang nagbabantay sa mga upuan sa kombensiyon. Bukod dito, iniulat na may malaking panganib na mahulog sa hagdan at mga rampa kapag ang mga kapatid na babae ay nakasuot ng sapatos na mataas ang takong. Pakisuyong mag-ingat.