Pag-aalok ng Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
1 Marami sa ngayon ang nakadarama na ang relihiyon ay isang pribadong bagay. Kaya, isang hamon na kausapin ang ating kapuwa hinggil sa paksang ito. Subalit ngayon ay mayroon tayong aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, na makatutulong sa ating abutin ang mga tao na may iba’t ibang relihiyon. Iaalok natin ito sa larangan sa Nobyembre.
2 Ano ang inyong sasabihin upang antigin ang interes ng maybahay sa pagbabasa ng aklat? Ang sumusunod na mga mungkahi ay tutulong sa atin na maipakita sa ating kapuwa ang pangangailangan na “hanapin si Jehova.”—Isa. 55:6.
3 Bakit Dapat Nilang Suriin Kung Ano ang Ating Sasabihin?: Yamang marami ang nasisiyahan sa kanilang relihiyon at hindi na interesadong magbago pa, kakailanganin nating iangkop ang ating pambungad upang matulungan ang maybahay na suriin ang ating sasabihin taglay ang bukas na kaisipan.
4 Pagkatapos ng angkop ng pagbati, maaari ninyong sabihin:
◼ “Sa pakikipag-usap sa ating kapitbahay, nasumpungan namin na maraming tao ang nasisiyahan sa kanilang relihiyon at ayaw nang magbago pa. Subalit kung susuriin ang paniniwala ng iba, sa palagay kaya ninyo’y aakay ito sa higit na pagkakaunawaan at mababawasan ang pagkakapootan sa daigdig? [Hayaang sumagot ang maybahay.] Pansinin kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga umiibig sa Diyos at kung papaano nila dapat malasin ang iba.” Pagkatapos basahin ang Gawa 17:26, 27, akayin ang pansin sa parapo 15 at 16 sa pahina 10 ng aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos.
5 Nasumpungan ng marami na ang pagbaling sa isang kabanata sa aklat na tumatalakay sa relihiyon ng maybahay ay makatatawag ng kaniyang pansin. Pansinin kung papaano ito maisasagawa.
6 Pagkatapos ipakilala ang sarili, maaari ninyong sabihin:
◼ “Sa dami ng relihiyon sa ngayon, naisip na ba ninyo kung papaano natin matitiyak na ang ating relihiyon ay sinasang-ayunan ng Diyos?” Pagkatapos magkomento ang maybahay, akayin ang kaniyang pansin sa kahon sa pahina 377 ng aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, na nagpapakita ng sampung paraan kung papaano makikilala ang tunay na relihiyon, na pumapansin lalo na sa punto numero 7. Tanungin ang maybahay kung sumasang-ayon siya na ang isa na nagsasagawa ng tunay na relihiyon ay dapat na gayon din ang nadarama hinggil sa ibang lahi at nasyonalidad. Tingnan ang mga binanggit na kasulatan.
7 Ang Iba Pang Makatutulong na Bagay: Ang indise ng paksa sa katapusan ng aklat ay maaari ring gamitin. Halimbawa, kung nadarama ng marami na ang lahat ng relihiyon ay parepareho, tingnan ang uluhang “Relihiyon” at ang sub-titulong “‘parepareho, lahat ng relihiyon ay: 12.” Ang limang “Mga Tanong na Humihingi ng Sagot” sa pahina 17-18 ay makakaakit lalo na doon sa nag-aalinlangan kung baga itinuturo ng Bibliya ang karamihan sa ipinangangaral ng mga relihiyon.
8 Sa pamamagitan ng paggamit ng mabibisang transisyon tungo sa aklat, maaari nating matulungan ang mga tao na ating nakakausap sa paghanap sa iisang tunay na Diyos, si Jehova.