Maaari Bang Mapadingas Muli ang Interes?
1 “Maligaya ang gising sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mat. 5:3) Ang mga salitang ito ni Jesus sa Sermon sa Bundok ay punong-puno ng kahulugan. Kakaunti sa sangkatauhan ang nakakaalam na kailangan nila ang espirituwal na mga bagay upang maging maligaya at makabuluhan ang kanilang buhay. Mayroong ilan na noo’y gising sa espirituwal na pangangailangan subalit naiwala iyon. May nagpangyari upang sila’y maging malamig hinggil sa espirituwal na bagay. Tinalikuran nila yaong tunay na pakikinabangan nila. Ang katanungan ay, Maaari bang mapadingas muli ang interes ng mga ito? Nakatutuwang para sa ilan, iyon ay maaari.
2 Maaaring may nakikilala kayong dating nakipag-aral sa mga Saksi ni Jehova sa nakaraang mga taon, marahil ay isang bata, subalit hindi patuloy na nakisama sa bayan ng Diyos. Gayumpaman, ang ilan sa mga turo ng Bibliya at mga matutuwid na simulain kaypala’y naikintal sa kaisipan ng isang ito at natatandaan pa iyon. Habang lalong lumulubha ang mga kalagayan sa daigdig at nagbabago ang mga kalagayan sa buhay, ang mga bagay na dating natutuhan ay nagugunita at ang tao ay maaaring bumaling sa Diyos at magkaroon ng pagnanais na kumuha pa ng karagdagang kaalaman sa Bibliya. Ang pagdalaw sa gayong mga tao sa layuning buksan muli ang pag-aaral sa Bibliya ay maaaring maging kapakipakinabang.
3 Tunay na kailangang gumawa ng pagsisikap sa pana-panahon upang dalawin ang mga dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal. Hayaang malaman nilang kayo ay tunay na nababahala sa kanilang espirituwal na kapakanan, at alukin silang makipag-aral sa inyo ng Bibliya. Kailangan ding gawin ang pantanging pagsisikap upang tulungan ang mga nakadalo sa mga pandistritong kombensiyon o mga pansirkitong asamblea. Sa ilang mga kaso maaaring mas mabuting ibang mamamahayag ang dumalaw sa isang tao na itinigil ang pag-aaral dahilan sa kawalan ng pagsulong.
4 Sabihin pa, ang mga tinuturuan natin ay inaasahang magiging seryoso sa pagsamba kay Jehova at magpapamalas ng sigasig sa kanilang pag-aaral ng Bibliya. Subalit sa ating bahagi, titiyakin natin na gumagawa tayo ng sapat na pagsisikap na makatulong at na madama natin ang gaya ni apostol Pablo nang sabihin niya, “Ako’y malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao.”—Gawa 20:26.