Ang Inyong Pagpapahalaga sa Kamatayan ni Kristo
1 Walang sinumang tao na nabuhay kailanman ang makagagawa ng gaya ng ginawa ni Jesus para sa sangkatauhan. (Mat. 20:28) Sa pamamagitan ng kaniyang landasin ng pamumuhay at ng kaniyang kamatayan, may pagkakataon tayong tumanggap ng pinakadakilang kaloob na maaaring tamuhin ng sinuman, buhay na walang hanggan. Gayunman, karamihan ng mga tao ay may kakaunting pagpapahalaga sa ginawa ni Kristo.
2 Isaalang-alang ang pangyayari kay Jesus at sa sampung ketongin. Bagaman pinagaling ni Jesus ang sampu, iisa lamang ang nagbalk kay Jesus upang magpasalamat. Ang iba pang siyam? Sila’y nagpatuloy sa kanilang lakad na hindi iniisip na magpasalamat sa tumulong sa kanila. (Luc. 17:15-17) Sino ang ating katulad? Nais nating maging gaya ng lalaking nagpakita ng tunay na pagpapahalaga.
3 Pagpapakita ng Ating Pagpapahalaga: Bawat taon iminumungkahi ng Samahan na basahin ang mga espisipikong talata sa Bibliya sa linggo ng Memoryal. Ang mga ito’y masusumpungan sa ating kalendaryo sa ilalim ng mga petsa ng Abril 1-6 at gayundin sa ilalim ng Mga Patalastas dito sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagbabasa at pagbubulaybulay sa mga talatang ito.
4 Ang ating paglilingkod sa larangan ay kaugnay ng pagpapahalaga sa Memoryal. Kadalasang ito ay buwan kung kailan libu-libo ang nakikibahagi sa pagiging auxiliary payunir. Noong nakaraang Abril 17,009 ang nakibahagi dito sa Pilipinas. Magagawa ba ninyo ito sa Abril? Kung hindi kayo makapagpapayunir, isaplanong pasulungin ang inyong bahagi sa gawaing pangangaral habang ipinahihintulot ng mga pagkakataon.
5 Tulungan ang Iba na Magpahalaga: Bawat taon sa Memoryal, maraming mga taong interesado ang nakikipagtipon sa atin. Halimbawa, mula sa 360,297 mga dumalo sa Memoryal noong nakaraang taon, mahigit sa 245,000 ang mga taong interesado.
6 Sa paggamit sa inimprentang paanyaya ng Samahan, tulungan ang mga taong interesado na makita kung bakit ang Memoryal ay itinatag, sino ang nakikibahagi sa mga emblema, at ano ang isinasagisag ng mga emblema. (1 Cor. 11:23-26) Gayundin, ipaliwanag ang pag-asa ng mga bumabahagi at ng mga nagmamasid na hindi bumabahagi. (Juan 10:16; Apoc. 14:3, 4) Ito’y tutulong sa kanila na maunawaan na kailangan ng lahat na ‘manampalataya’ at ang basta lamang pagdalo sa Memoryal minsan sa isang taon ay hindi sapat.—Juan 3:16.
7 Ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo ay isang lubhang natatanging okasyon. Sa pamamagitan ng lubusang paghahanda para dito, ipinakikita natin na tunay nating pinahahalagahan ang lahat ng ginawa ni Jehova at ni Kristo para sa atin.