Sindak sa “Flight 811”
Pebrero 24, 1989. Ang araw ay isang oras pa lamang ang tanda. Kasama ng asawa ko, si Linda, inaasahan kong makabalik sa aming lupang tinubuan sa Australia sa loob ng 12 oras o mahigit pa. “Flight 811” patungo sa New Zealand, ang unang hintuan ng aming biyahe pauwi, ay wari bang magiging isang rutinang paglipad lamang.
Dalawampung minuto sa aming paglalakbay, kami ay nagitla ng isang malakas na kalabog sa gawing kanan ng eruplano. Isang bahagi ng interyor ng eruplano ay bumagsak, isang hilera lamang ang layo sa amin. Mga labí at fiberglass ang naglipana sa cabin. Isang pagkalakas-lakas na hangin ang umugong sa eruplano. Wala kaming kaalam-alam noon na siyam na mga pasahero ang inilipad sa labas ng eruplano—ang isa sa kanila ay nahigop ng isa sa gawing kanang makina ng eruplano!
Ang mga tili ng mga pasahero ay nalunod sa tunog ng ugong ng hangin at ng umaalog na fuselage o gitnang bahagi ng eruplano na kinaroroonan ng mga pasahero. Kami ni Linda ay nagkatinginan sa isa’t isa. Hindi na kailangan pa ang mga salita. Alam namin na kami ay mamamatay!
Pagharap sa Tiyak na Kamatayan
Lumingon ako sa likuran ko at napansin ko na ang mga maskara ng oksiheno ay nahulog mula sa bubong para sa karamihan ng mga pasahero subalit hindi para sa amin ni Linda. Tumayo ako sa pagsisikap na puwersahin kong buksan ang lalagyan ng maskara subalit ako’y hinatak pabalik sa aking upuan ng aking asawa.
Gayunman, nagawa naming hilahin ang aming mga life jacket sa ilalim ng mga upuan at kami’y pumuwesto para sa pagbagsak. Sa pagkaalam namin, kami ay babagsak sa Pasipiko!
Minsan pa kami ni Linda ay nagtinginan sa isa’t isa. “Mahal kita, Linda,” sabi ko. “Mahal din kita,” ang tugon niya. Muli kaming pumuwesto para sa paglapag, yumuko ako, at nagsimula akong manalangin sa Diyos na Jehova.
Karaniwang naririnig na ang mga taong nasa bingit ng kamatayan ay nagkakaroon ng mga tagpo sa kanilang buhay na tumatambad sa harap nila. Naranasan namin kapuwa iyon. Sinalakay rin kami ng mga ‘kung sana’y.’ Kaming mag-asawa ay kapuwa mga Saksi ni Jehova. Inaasahan ko na balang araw ay maging kuwalipikado ako bilang isang ministeryal na lingkod sa lokal na kongregasyon. Subalit ngayon wari bang hinding-hindi ko na maaabot ang tunguhing iyon. Si Linda naman ay nanghihinayang na hindi siya nakapasok sa buong-panahong gawaing pangangaral bilang isang payunir, na madalas niyang banggitin na nais niyang gawin.
Minsan pang ako’y tumawag kay Jehova, sa pagkakataong ito’y malakas, na ang aking kanang kamay ay nakahawak sa kamay ni Linda. Isa sa mga stewardess ay nakiusap sa lahat ng mga pasahero na manatiling nakaupo. Sa labas, wala kang makita kundi pawang kadiliman. Sa loob, ganap na pagkasindak.
‘Ano kaya ang mangyari kung mamatay si Linda at ako ay makaligtas?’ naisip ko. ‘Ano kaya ang iisipin sa akin ng mga magulang niya dahil sa pagdala ko sa kanilang anak sa malayo at hindi ko siya naiuwi ng bahay?’ Ang pag-asa ng pagkabuhay-muli ay hindi pa naging napakahalaga sa amin na gaya ng mga sandaling iyon.
Pinag-iisipan ang napakaliit na tsansa na makaligtas sa pagbagsak, sinimulan kong isipin ang tungkol sa pagkahulog sa dagat at pakikipaglaban sa mga pating. Tiningnan ko ang aking paa at inabot ko ang aking sapatos sa ilalim ng upuan sa harap ko. ‘Kung kakainin ako ng pating,’ naisip ko, ‘mahihirapan siya sa pagkagat sa aking sapatos!’ Hindi makatuwiran? Oo. Subalit ang pagiging makatuwiran ay bihira sa mga gayong panahon.
Paglapag!
Walang anu-ano, isang patalastas: “Dalawang minuto na lamang bago lumapag!”
“Dalawang minuto na lamang bago lumapag?” Nagtaka ako. ‘Hindi ka lumalapag sa karagatan—bumabagsak ka,’ naisip ko. ‘Maaari kayang kami’y bumalik sa Honolulu?’ Sa loob lamang ng mga ilang sandali natamo ko ang aking kasagutan. Sumindi ang ilaw, at kami ay napakaginhawang lumapag. Masigabong nagpalakpakan ang mga pasahero paghinto ng eruplano! Nanatili akong nakasadlak sa aking upuan. Subalit sandali lang. Di-nagtagal nagkaroon ng panawagan na lisanin ang eruplano. Nagtungo kami sa mga labasang pinto at nagpadulas sa padaus-usan tungo sa ligtas na dako sa daanan sa ibaba.
Sa ligtas na layo mula sa napinsalang eruplano, sinuri ko ang dahilan ng aming kalahating oras na pagkasindak: Ang 10-metrong bahagi ng fuselage ay nalaslas, inilalantad ang anim na hilera ng business-class section, isang bahagi ng pinaglalagyan ng kargamento, at maliit na bahagi ng primera klase. Natatandaan ko pang napansin na ang buong bahagi ng upuan ng nasa business-class ay nanatiling buo at ako’y nakadama ng ginhawa na ang lahat marahil ay nakaligtas. Maling-mali ako! Mga anim na hilera pala ang tinangay ng hangin sa labas ng jet, tangay-tangay ang siyam na mga pasahero sa kanilang nakasisindak na kamatayan.
Habang inihahatid kami ng isang shuttle bus pabalik sa pangunahing terminal, inaliw ng mga pasahero ang isa’t isa. Maliwanag na parami nang parami sa kanila ang dumaranas ng pagkagitla. Pagdating sa terminal, ang lahat ng magagamit na telepono ay kaagad na sinunggaban. Sinikap ng nasindak na mga pasahero na tawagan ang mga miyembro ng kani-kanilang pamilya bago ang mga ito ay mabigla ng mga ulat ng radyo at telebisyon.
Hinding-hindi ko malilimot ang susunod na anim na oras: Ang duguan at nasindak na mga pasahero na nagkalat sa may pahingahan sa paliparan. Ang mga pangkat na may kaugnayan sa balita at mga abugado ay nagtipon sa labas. Sinisikap naman ng mga tauhan ng airline na ipagsanggalang kami mula sa mga ito. Madalas ang pagbilang sa mga pasahero samantalang ang mga opisyal ay nakikipag-agawan upang matiyak kung sino, sa katunayan, ang nawawala.
Nang maglaon, ang bawat pasahero ay tinanong ng mga ahente ng Federal Bureau of Investigation ng E.U., upang mapatunayan kaagad hangga’t maaari kung baga gawain ng terorista ang may pananagutan sa sakuna. Lumilitaw na hindi gayon, subalit ang mga autoridad ng airline ay maigting. Mga dalawang buwan pa lamang na maaga, isang pagbomba ng mga terorista ang nagpabagsak sa isang jet sa Lockerbie, Scotland. Gayunman, nalaman namin nang dakong huli na ang di-kasiya-siyang pagkayari ang malamang na sanhi ng kalunus-lunos na pangyayari ng flight 811.
Nakauwi rin sa Wakas!
Pagkatapos ng maikling pamamahinga at isang mainit na pagkain sa isang otel sa Waikiki, kami’y sinabihan na ang paglipad ay muling isasaayos sa gabing iyon. Bagaman pinili ng ilan na manatili sa Waikiki upang makabawi sa pagkasindak, kami ni Linda at ang iba pa ay nagpasiyang nais naming lisanin karaka-raka hangga’t maaari ang masamang panaginip na ito. Gayumpaman, ang aming biyahe palabas ng Honolulu ay isang nakanenerbiyos na karanasan. Ang bahagyang pagkilos ng eruplano ay nakanenerbiyos. Nabitawan ng isa sa mga tripulante ang isang plastik na tasa ng yelo at ang tunog ay nakagugulat. Mga hilera ng pasahero, pati na ako, ay napalukso sa aming upuan.
Gayunman, sa takdang panahon, kami ay ligtas at maayos na nakarating sa Australia. Isang kamag-anak, na hindi namin kapananampalataya, ay nagsabi na ang aming pananampalataya marahil ang tumulong sa amin na makayanan ang drama sa himpapawid. At ginugunita ang puno-ng-sindak na biyaheng iyon, kami ni Linda ay nakatitiyak na ang aming pagtitiwala sa Diyos na Jehova at ang aming tiyak na pananampalataya sa kaniyang pangako ng isang pagkabuhay-muli ay isang malaking kaaliwan sa amin.
Bagaman hindi namin masasabi na ang aming kaligtasan sa anumang paraan ay makahimala, tiyak na kami’y nagpapasalamat na maging buháy. Sa katunayan, ang karanasan ay nakatulong sa amin na pahalagahan nang higit kailanman na ang buhay ay isang mahalagang regalo buhat sa Diyos. At kami’y lalong determinado na gamitin ito nang lubusan sa kaniyang kapurihan.—Gaya ng inilahad ni Roger White.