Ang mga Hamon at Pagpapala sa Pagpapalaki ng Pitong Anak na Lalaki
Ayon sa inilahad nina Bert at Margaret Dickman
Ipinanganak ako noong 1927, sa Omaha, Nebraska, E.U.A., at lumaki sa South Dakota. Nagugunita ko pa ang aking kabataan noong mahihirap na taon ng Great Depression (1929-42). Palagi noong nagluluto si Inay ng tinatawag niyang sabaw ng mga gutóm. Naglalagay siya ng kaunting mantika sa kawali at dinaragdagan niya ng tubig, at saka namin isasawsaw doon ang aming tinapay. Napakahirap ng kalagayan ng maraming pamilya noon.
WALANG hilig sa relihiyon ang mga miyembro ng aking pamilya—nakita nila ang napakaraming pagpapaimbabaw sa lokal na mga relihiyong Protestante. Para sa akin naman, ang aking pag-iisip ay naimpluwensiyahan ng aking dalawang taon sa hukbo noong Digmaang Pandaigdig II. Iyon ang panahon na nakahiligan ko ang pag-inom at pagsusugal.
Habang bakasyon ako mula sa hukbo, pumunta ako sa isang sayawan at nakilala ko si Margaret Schlaht, isang babaing mula sa lahing Aleman-Ukrainiano. Nagkaibigan kami at pagkalipas ng tatlong buwan ng pagiging magkasintahan, kami’y nagpakasal noong 1946. Sa loob ng walong taon ay nagkaroon kami ng pitong anak na lalaki, at naranasan namin ang hirap ng pagiging magulang.
Noong 1951, nagkaroon ako ng isang malubhang aksidente sa lagarian at halos maputol ang ibabang bahagi ng aking kaliwang braso. Dalawang taon akong namalagi sa ospital para akatin ang aking balat at buto. Samantala, si Margaret naman ang umako ng pananagutan sa limang bata. Sa tulong ng mga kaibigan at kapitbahay, nakaraos siya sa mahirap na panahong iyon. Habang nasa ospital, nagkaroon ako ng maraming panahon upang pag-isipan ang tungkol sa layunin ng buhay. Sinubukan kong basahin ang Bibliya ngunit hindi ko gaanong maunawaan iyon.
Di-nagtagal paglabas ko ng ospital, lumipat kami sa Opportunity, isang bayan sa Washington State, at pinasok ko ang trabaho ng pagtatayo kasama ng aking bayaw. Ngayon ay si Margaret naman ang magkukuwento.
Abalang-Abala Ako!
Pinalaki ako sa isang bukirin na doo’y nagtatanim kami ng mga binutil, nag-aalaga ng isang maliit na kawan ng mga hayop na ginagatasan, at nagsasalata ng mga prutas at gulay. Maprinsipiyo ako pagdating sa trabaho anupat nasanay ako para sa darating na mga hamon sa buhay, na magiging marami pala. Mas nakaraos kami sa Depression kaysa sa karamihan, yamang sa paanuman ay palagi kaming may pagkain.
Walang panahon ang aking mga magulang sa relihiyon, bagaman pumupunta ako sa Sunday school paminsan-minsan. Pagkatapos, kami ni Bert ay nagpakasal sa edad na 19. Hindi kami nagpakasal sa simbahan—nagkaroon lamang kami ng isang simpleng seremonya sa salas ng bahay ng aking mga magulang, na pinangasiwaan ng isang pastor ng Kongregasyon. Sa loob lamang ng ilang taon, nagkaanak ako ng pitong lalaki—sina Richard, Dan, Doug, Gary, Michael, Ken at, ang pinakabunso, si Scott, noong 1954. Napakalilikot nila!
Paglipat namin sa Opportunity, isang babae ang nagpunta sa aming bahay upang ipakipag-usap ang tungkol sa Bibliya. Tinanong ko siya kung naniniwala siya sa apoy ng impiyerno, isang doktrina na talagang kinatatakutan ko. Nakahinga ako nang maluwag nang ipaliwanag niya na hindi itinuturo sa Bibliya ang apoy ng impiyerno at na maging ang turo ng imortalidad ng kaluluwa ay wala rin sa Bibliya! Nabuhay akong taglay ang takot at pangambang mamatay at hindi ko maubos-maisip kung paano pag-uugnayin ang apoy ng impiyerno at ang pag-ibig ng Diyos. Tiniyak ko sa aking sarili na hindi ko kailanman ituturo ang ganiyang mga kabulaanan sa aking mga anak.
Noong 1955, nagsimula akong mag-aral ng Bibliya sa tulong ng aklat na “Hayaang Maging Tapat ang Diyos.”a Gaya ng dapat asahan, kasabay nito’y bigla namang naging interesado sa akin ang pastor ng Pentekostal at ibig akong iligtas di-umano mula sa mga Saksi ni Jehova! Laking pagkakamali niya—sinimulan niyang ipangaral sa akin ang apoy ng impiyerno! Pinapunta pa niya sa akin ang tatlo sa kaniyang kababaihang Pentekostal upang pigilan akong makipag-aral sa mga Saksi.
Samantala, nakikinig si Bert sa aking pag-aaral ng Bibliya mula sa salas. Nang maglaon, sinimulan niyang basahin ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, at naging maliwanag ang mga bagay-bagay para sa kaniya. Panggabi siya noon hanggang hatinggabi. Mangyari pa, tulog na ako pag-uwi niya. Isang gabi ay pasubok akong nanaog at natuklasan kong lihim niya palang binabasa ang aking mga aklat! Patiyad akong bumalik sa kama, na natutuwa sa ginagawa niyang pagsusuri mismo sa mga bagay-bagay. Nang maglaon, siya man ay nag-aral na rin ng Bibliya, at noong 1956 kami’y naging mga bautisadong Saksi.
Sa pagkakaroon ng pitong anak na lalaki sa loob ng walong taon, napatunayan ko na ang pag-aasikaso sa lahat ng pang-araw-araw na gawain ng pagpapakain at pagbibihis sa kanila at ang pagsisikap na mapanatiling malinis at maayos ang bahay ay isang hamon. Natuto ang mga bata na tumulong sa gawain sa bahay. Palagi kong sinasabi na wala akong isang awtomatikong tagahugas—mayroon akong pito! Naghahali-halili ang bawat isa sa mahalagang ruting ito. Mangyari pa, napakalaking tulong ni Bert. Napananatili niya ang patuluyang disiplina at mga patakaran sa bahay ngunit kasabay nito’y bukas pa rin ang komunikasyon. Iginagalang ng mga bata ang kanilang ama ngunit hindi sila natatakot sa kaniya. Hindi kailanman nakaligtaan ni Bert ang kaniyang pananagutan na ituro sa aming mga anak ang tungkol sa naaalaala nilang nakatutuwang tawag niya rito na “the birds and the bees” (paliwanag tungkol sa sekso.)
Si Richard, ang aming panganay, ay umalis upang maglingkod bilang boluntaryo sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn, New York, noong 1966. Sa unang pagkakataon ay naging isang malaking pagsubok para sa akin ang pag-alis ng isa sa kanila sa pugad. Labis akong nalulungkot sa bawat araw na makita ko ang bakanteng upuan sa mesa. Ngunit natutuwa naman ako na siya’y nagtatamo ng magagandang karanasan at pagsasanay.
Hahayaan kong ipagpatuloy ni Bert ang pagkukuwento.
Pagpapalaki sa Aming mga Anak Ayon sa mga Simulain sa Bibliya
Kami ni Margaret ay nabautismuhan sa isang kombensiyon sa Spokane, Washington. Ngayon ay isang hamon para sa amin na palakihin ang aming mga anak ayon sa mga simulain sa Bibliya—na maaaring tawagin mong makalumang paraan. Hindi ko kukunsintihin ang anumang pagsisinungaling o dobleng pamantayan, at alam ito ng mga bata. Itinuro namin sa kanila na karapat-dapat ibigay kay Jehova ang pinakamainam.
Gayunman, alam nilang makapagtatapat sila sa akin sapagkat may malapit kaming ugnayan at palagi kaming magkakasama sa paggawa ng maraming bagay. Bilang isang pamilya, mahilig kaming pumunta sa dalampasigan, magpiknik sa mga bundok, at mag-softball. May hayupan kami at isang halamanan, at lahat ng mga bata’y tumutulong sa anumang dapat gawin. Kaya naman sila’y natutong magtrabaho at maglaro. Sinikap naming maging timbang sa aming mga ginagawa.
Teokratikong Pakikipagsapalaran
May kinalaman sa espirituwal, sama-sama kaming dumadalo sa mga pulong Kristiyano sa Kingdom Hall, at mayroon kaming regular na pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Noong 1957 dumalo kami sa isang kombensiyon sa Seattle, Washington. Sa panahon ng programa ay nanawagan sa mga pamilya na lumipat upang maglingkod sa mga lugar na may higit na pangangailangan sa mga Saksi na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Naisip ng aming pamilya na ito’y isang magandang ideya, at isinaplano namin ang aming paglipat. Nagpunta muna kami sa Missouri noong 1958 at pagkatapos ay sa Mississippi noong 1959.
Nagsimula ang aming unang malaking teokratikong pakikipagsapalaran noong 1958. Gumawa ako ng isang camping trailer, na hinihila ng isang luma nang 1947 na kotseng DeSoto na may tatluhang upuan at may anim na silindro. Noong taóng iyon ay naglakbay kaming siyam patungong New York sakay ng kotseng iyon upang dumalo sa internasyonal na kombensiyon. Inabot kami ng ilang linggo sa kalye, na nagkakampo sa daan mula Spokane, sa West Coast, hanggang sa New York—sa layong mahigit na 4,200 kilometro! Masayang ginugunita ng mga bata ang paglalakbay na iyon bilang de-kalidad na panahon at lubhang nakatutuwa.
Natutuhan ang Disiplina sa Pamamagitan ng Keyk
Tinanggap namin sa kombensiyon ang aming mga kopya ng aklat na Mula sa Nawalang Paraiso Hanggang sa Natamo-muling Paraiso.b Ang aklat na iyan kasama ng Bibliya ang naging pangunahing aklat-aralin para sa aming lingguhang pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Sa murang edad ay natuto agad na bumasa ang mga bata. Gumugugol si Marge ng panahon sa piling ng mga bata pagkagaling ng mga ito sa paaralan habang pinakikinggan ang kanilang pagbabasa ng Bibliya. Hindi namin hinayaang maimpluwensiyahan ng TV ang kanilang pag-iisip.
Taglay ng aming pamilya ang disiplina at paggalang. Minsan ay gumawa si Margaret ng isang malaking keyk—isa sa kaniyang mga espesyalidad. Kasama sa pagkain sa araw na iyon ang karot. Palagi naming hinihimok ang mga bata na sa paanuman ay tumikim sila ng gulay. Ayaw ni Doug ng karot. Pinagsabihan siya na hangga’t hindi niya kinakain ang karot, hindi siya makakakain ng keyk. Ayaw pa rin niyang ubusin ang kaniyang pagkain. Sabi ni Margaret, “Kung hindi mo kakanin ang karot na iyan, aso ang kakain ng iyong keyk.” Sa palagay ko’y hindi siya pinaniwalaan ni Doug hanggang sa makita nitong nilulon ngang bigla ni Blackie ang kaniyang masarap na keyk! Nagkaroon siya ng leksiyon sa karanasang iyon, at pati na rin ang iba naming mga anak. Bilang mga magulang, ginagawa namin ang aming sinasabi.
Masaya ang Buhay
Kami ni Margaret ay pinatnubayan ng pananalita ni Jesus na masusumpungan sa Mateo 6:33: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” Bilang isang pamilya, sinikap naming unahin muna ang kapakanan ng Kaharian. Masaya kami sa pangangaral na magkakasama, at naghahali-halili ang mga bata sa pagsama sa akin sa bahay-bahay. Bawat isa sa kanila ay may sariling bag, Bibliya, at mga literatura sa Bibliya. Pinupuri namin sila sa bawat pagsulong na nagagawa nila. Sila’y palaging niyayakap ni Margaret nang mahigpit. Tunay, palagi naming ipinakikita sa kanila ang pagmamahal. Palagi kaming may panahon sa mga bata—masaya ang buhay!
Habang lumalaki ang mga bata, may mga pananagutan sila na gaya ng panunundo sa mga tao upang isama sa mga pulong, pagbubukas ng Kingdom Hall, at pagtulong sa iba pang mga tungkulin. Natutuhan nilang pahalagahan ang Kingdom Hall bilang dako nila ng pagsamba at nasisiyahan silang pangalagaan ito.
Pinasigla namin sila na ipahayag ang kanilang sarili sa mga pulong Kristiyano. Nagbigay sila ng maiikling pahayag bilang estudyante sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, na dito’y natuto sila na maging mga tagapagsalita. Si Michael, ang aming ikalimang anak, ay hindi mahilig sa pagsasalita sa publiko at nahihirapang tumayo sa plataporma. Sa dulo ng kaniyang pahayag, napapaiyak siya sa pagkabigo, dahil hindi siya makatapos. Nang maglaon, napagtagumpayan niya iyon, at ngayon, bilang may-asawa, siya’y naglilingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito, na dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon at ilang ulit na nagpapahayag linggu-linggo. Isa ngang malaking pagbabago!
Ang Turing ng mga Bata sa Disiplina
Nakipag-alam ang Gumising! kay Michael upang kunin ang kaniyang palagay tungkol sa pagpapalaki sa kaniya sa makalumang paraan. “Itinuturing namin si Itay na isang mabait na tagapagdisiplina. Nagugunita ko na noong ako’y isang tin-edyer, nagtrabaho ako sa isang istasyon ng radyo. Gusto kong magkakotse para maisagawa ko pa rin ang aking ministeryo bilang isang buong-panahong payunir. Inialok sa akin ng manedyer ng istasyon ang kaniyang dalawahang-pintong Ford Mustang na natitiklop ang bubong, isang magarang kotse na sikat na sikat sa mga kabataan. Gustung-gusto ko na ito, bagaman alam kong hindi praktikal ang kotseng ito para isakay ang mga sasama sa akin sa ministeryo. Nilapitan ko si Itay na taglay ang pangamba. Nang sabihin ko sa kaniya ang tungkol sa alok, sabi niya, ‘Pag-usapan muna natin iyan.’ Alam ko na agad ang ibig sabihin niyaon! Ipinaliwanag niya sa akin at ipinakita sa akin ang mga bentaha ng isang mas praktikal na kotse. Kaya ang binili ko ay isang kotseng sedan na may apat na pinto, at matapos kong gamitin ito hanggang mahigit na 160,000 kilometro sa aking atas na pangangaral, ang tanging masasabi ko lamang ay, ‘Tama na naman si Itay.’
“Ang pagpapalipat-lipat noong kami’y mga bata pa—mula Washington hanggang Missouri at saka sa Mississippi—ay isang kapana-panabik na karanasan. Gustung-gusto namin iyon. Bagaman siyam kaming nakatira sa isang 2.5-metro por 11-metro na trailer sa loob ng isang taon, ito’y talagang nakatutuwa at nagturo sa amin na maging organisado at nagkakasundo sa isa’t isa, kahit sa maliliit na tirahan. Mangyari pa, palagi kaming naglalaro sa labas.
“Isa pang natatandaan ko at di-malilimutan ay ang paraan ni Itay ng pangangasiwa sa pagsasaalang-alang ng pang-araw-araw na teksto sa amin. Noong 1966 dumalo siya sa isang paaralan sa Kingdom Farm para sa mga elder, sa South Lansing, New York, at nakita niya na ang pamilyang Bethel ay talagang nagsasaliksik muna sa pagbibigay ng mga komento sa teksto bawat araw. Tinularan niya ang gayong paraan sa rutin ng aming pamilya. Bawat isa sa aming pitong magkakapatid ay inaatasan ng isang umaga na magkomento ng tungkol sa aming nasaliksik. Bagaman kung minsan ay bubulung-bulong kami, naturuan kami nito kung paano magsaliksik at magpahayag ng aming sarili. Panghabang-buhay na ang ganiyang mga kinaugalian.
“Hinangaan ko ang mga pagsasakripisyong ginawa nina Inay at Itay alang-alang sa amin. Noong panahon na dapat sana’y kumikita na para sa pamilya ang aking dalawang kuya na sina Richard at Dan, hinimok sila ng aming mga magulang na pumunta sa Brooklyn, New York, upang maglingkod bilang mga boluntaryo sa pandaigdig na punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower. Nag-ipon din ang aming mga magulang ng salapi upang kaming apat na magkakapatid ay makalipad patungong New York upang makita namin mismo ang punong-tanggapan. Napakalaki ng naging epekto nito sa akin. Pinag-ibayo nito ang aming pagpapahalaga sa organisasyon ni Jehova.
“Ngayon ay si Tatay naman muli ang magkukuwento.”
Nagkaroon Kami ng mga Balakid
Gaya ng iba pang pamilya, may mga problema rin kami at mga balakid. Nang ang mga bata’y nanliligaw na, kinailangang payuhan ko sila na huwag agad magpapakasal sa unang babaing magpapatibok ng kanilang puso. Tiniyak din namin na sila’y angkop na may kasama. Nais naming sila’y maging makaranasan muna sa buhay bago pumili ng makakasama habang-buhay. Kung minsan ay nagkakaroon ng mga luha at pansamantalang pagkabigo pa nga, ngunit sa bandang huli, nakilala nila ang karunungan ng payo ng Bibliya—lalo na nga ang pag-aasawa “sa Panginoon.” Pinuri namin sila sa kanilang karunungan.—1 Corinto 7:39.
Pinaiyak kami ni Scott, ang aming ikapitong anak. Napadaig siya sa masasamang kasama sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Nang dakong huli ay natiwalag siya sa kongregasyon. Napakasakit niyaon para sa aming lahat, ngunit iginalang namin ang hudisyal na pasiya ng matatanda. Sa masaklap na paraan ay natutuhan ni Scott na ang paglilingkod kay Jehova ang pinakamainam na daan ng buhay.
Hindi kami tumigil hangga’t hindi siya napapabalik sa kongregasyon. Nakatutuwa naman, nakabalik din siya sa kongregasyon makalipas ang limang taon. Bilang pagbabalik-tanaw, sabi niya, “Ang isang bagay na nakatulong sa akin habang ako’y tiwalag ay na bagaman napakalimitado lamang ang pakikipagsamahan sa pamilya, alam kong mahal pa rin ako ng aking pamilya.” Patuloy na sumulong si Scott at walong taon na ngayong naglilingkod bilang isang matanda.
Ang isa pang masaklap na pangyayari ay nang matiwalag noong 1998 ang isa sa aming apong lalaki na mga edad 20 pataas. Subalit alam naming ang disiplina mula kay Jehova ay magbubunga ng mga positibong pagbabago.
Isang Malaking Pagbabago sa Aming Buhay
Sa wakas, nang sumapit ang 1978, nakabukod nang lahat ang aming mga anak. Sa paglipas ng mga taon, natutuhan ko ang tungkol sa mga sistema ng pagpapainit, bentilasyon at air-conditioning. Noong 1980, kami ni Margaret ay tumanggap ng isang nakabibiglang paanyaya na maglingkod sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn sa loob ng siyam na buwan. Lumipas na ang labingwalong taon, naririto pa rin kami!
Kami’y saganang pinagpala. Hindi naging laging madali ang pagpapalaki sa pitong anak na lalaki sa makalumang paraan, na ayon sa mga simulain ng Bibliya, ngunit nagbunga naman ito para sa amin. Ang kalagayan ng aming pamilya sa kasalukuyan ay na lima sa aming anak ay naglilingkod bilang matatanda sa kongregasyon, at ang isa naman ay naglalakbay na tagapangasiwa. Kami’y may 20 apo at 4 na apo sa tuhod—at karamihan ay nasa katotohanan at tapat sa Diyos.
Napatunayan namin ang katotohanan ng mga salita ng salmista: “Narito! Ang mga anak ay mana buhat kay Jehova; ang bunga ng tiyan ay isang gantimpala. Tulad ng mga palaso sa kamay ng isang makapangyarihang lalaki, gayon ang mga anak ng kabataan.”—Awit 127:3, 4.
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., noong 1946; ngayo’y hindi na ito inililimbag.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 20, 21]
Kapiling ng aming mga anak at mga manugang (kanan) at mga apo (dulong kanan) sa aming ika-50 anibersaryo, noong 1996